Matapos ang limang kontrobersyal na taon, tuluyan nang magpapaalam ang programang Wowowee mula sa himpapawid. Hindi natin inakalang mangyayari ito, ngunit ngayon, nahaharap tayo sa isang malaki at napipintong pagbabago. Maaaring mag-iba ang buong hubog ng telebisyong Pilipino sa pagtapos ng linggong ito.
Marahil, hindi naman lingid sa kaalaman ng tao ang kasaysayan ng Wowowee: nag-umpisa noong February 5, 2005, at tinampukan ni Willie Revillame, na pumalo ang kasikatan at kayamanan sa pamamagitan ng Wowowee. Marami ang itinuturo si Wil bilang isa sa pinakatuso at matalinong tao sa larangan ng telebisyon dahil nakagawa siya ng paraan na kumita ng limpak-limpak na pera sa kanyang pagiging host ng programa habang iniangat niya ang kanyang reputasyon sa mga masa dahil sa implikasyon na siya mismo ang nagbibigay ng pera sa mga sumasali sa Wowowee, kahit alam naman dapat ng lahat na hindi sa kanya galing ang salapi.
Marami na ang mga napukol na isyu kay Willie, mula sa “pandaraya” sa isa niyang segment, kasama na ang mga sindikato sa kanyang staff na sinubukang papanalunin ang isang kontestant basta’t pwede silang pumursiyento sa mapapanalunan nito, hanggang sa kanyang pag-aalburoto sa gitna ng lamay ni Cory Aquino, pati na rin ang huling away niya kay Jobert Sucaldito, kung saan umalis siya sa kanyang programa dahil dito.
Pero ang pinakamatinding naging isyu sa lifespan ng Wowowee ay ang Ultra Stampede incident, na nangyari sa unang anibersaryo ng programa. Ayoko na alalahanin ang lahat ng mga naging detalye, subalit ang malungkot na katotohanan ay nailagay ng Wowowee ang Pilipinas sa Guinness Book of World Records: pinakamataas na death toll sa isang game show, dahil 76 na tao ang pumanaw sa di-inasahang pangyayari. Hanggang ngayon, hindi pa rin nabibigyan ng tunay na hustisya ang 76 na pamilya ng mga namatayan, at tila nakalimutan na ng lahat kung gaano kalaking bagay ito.
Sa harap ng lahat-lahat na kontrobersyang pinagdaanan ng programa, hindi maaaring matawaran ang epektong naidulot ng programang itetchiwa sa kamalayan ng mga Pilipino. Mula sa mga masang kumapit sa pangako ng kayamanan na dala ng Wowowee, hanggang sa mga nag-papakaintelektwal na sinasabing ito ang naging isang malawakang eksploytasyon ng masang Pilipino, talagang malaki ang naiukit ng Wowowee sa pang-araw-araw na buhay ng buong bansa. Hindi natin maaaring ma-deny na naging bahagi na ng kamalayan ng Pilipino ang programang itetchiwa, to the point na ang mga nagbabalikbayan, nagbabayad ng pagkamahal-mahal para lamang makapasok sa studio dahil ganoon na lamang kasikat ang Wowowee sa lahat ng sulok ng mundo.
Sa likod ng lahat ng ito, si Wil. Mula sa pagiging “Mr. Princess Punzalan,” mula sa pagiging sidekick ng bayan, unti-unting tumindi ang star power ni Wil to the point na siya na siguro ang pinaka-makapangyarihang tao sa telebisyon, na kahit mas malakas pa rin ang Eat Bulaga sa ratings kadalasan, ang kapit ni Wil sa mga taong nasa paligid niya ay hindi maaaring kontrahin. Dahil sa sobrang kapangyarihan niya, nagmatigas siya, at sinubukang paalisin si Jobert Sucaldito dahil alam niyang hindi handa ang ABS-CBN management na mawala siya.
Ang hindi niya lang alam, kaya pa rin siyang palitan.
Matapos ang huling magiging episode ng Wowowee sa linggong itey, papalitan na ang kontrobersyal na programang Pilipinas Win Na Win, na tatampukan ng kasing-kontrobersyal (at suki sa Eh Ano Ngayon) na si Kris Aquino at ang walang kakupas-kupas na Robin Padilla. Isama niyo pa sina Mariel at Pokwang, at si Valerie Concepcion. Marahil, ang mga nagpapaka-intelekwal, naaamoy na ang magiging pag-uulit ng mga naging kasuklam-suklam na bagay na kinasangkutan ng Wowowee dahil halos hindi naman nalalayo si Kris kay Wil pagdating sa kontrobersya, ngunit inaasahan ng Kapamilya network na hindi ito magiging problema sa pagdaan ng panahon, dahil wala namang namatay sa mga programa ni Kris, at hindi naman niya minamanyak ang kanyang mga contestant.
Marami ang nag-aabang kung ano ang magiging bagong mga pakulo ng ABS-CBN. Marami ang excited, at siyempre, ang mga masang Pilipino, inaabangan kung anong swerte ang maidudulot ng bagong magiging programang ito, dahil kung tutuusin, marami ang umaasa dati pa sa Wowowee, na halos araw-araw kung pumunta sa studio nila para lamang magkaroon ng pagkakataong makasali at manalo ng salapi.
Napansin niyo ba na tila lahat na lang ng sumasali sa Wowowee, may kwentong iniiyakan? Napansin niyo ba kung paano manipulahin ang mga sumasaling ito para umiyak, humagulgol, at maglulupasay sa sahig sa isang sandali, samantalang sasayaw, kakanta, at gigiling ng pagkalaswa-laswa sa sunod? Napansin niyo ba kung paano na lang madunggol-dunggol ni Wil ang dibdib ng iba sa mga kontestant basta’t medyo may hitsura ang babae? Napansin niyo ba ang lahat ng mga kahayupang nangyari sa nakaraang limang taon, na nangyari para lamang sa ratings at para lamang kumita si Willie Revillame?
Ako, napansin ko lahat nitey. At hinding-hindi ako natutuwa.
Hindi pa rin ito ang huling kabanata ni Willie Revillame, though. Babalik daw siya balang araw sa telebisyon at mabibigyan ng sarili niyang programa muli. Ang mainam na tanong lang siguro ay kung mababawasan ba ang kinang ng bituin ni Wil sa lahat ng mga gulong nangyaring itey, at higit riyan, kung talagang ganito na ang pagkalugmok ng Pilipinas sa kahirapan kung kaya’t ang isang gameshow na katulad ng Wowowee ay halos magkaroon na ng mga fans na gustong magpakamatay dahil lamang sa nawala na ang kanilang “pag-asa.”
Bagong programa, bagong plano. Eh ano ngayon?!? Kung may isang bagay akong ikinangitngit sa lahat ng panahong ipinamalagi ng Wowowee sa ere, siguro yun na mismong gamitin niya ang masang Pilipino at ang kanilang mga tinatamasa bilang hagdan sa pansarili niyang kapakanan. Salamat sa Wowowee, naging normal ang eksploytasyon ng mga sumasali sa pa-kontes. Salamat sa Wowowee, may 76 na buhay ang nakitil dahil sa kapritso at kasakiman. Salamat sa Wowowee, ilang Pilipino na rin ang naisip na hindi kailangan ang magsumikap dahil kung swertehin ka lang minsan, tapos na ang mga problema mo.
Salamat, Wowowee. Huwag ka na sanang bumalik. At Pilipinas Win Na Win, babantayan ko kayo ng maigi, dahil sana lang talaga, ito na ang katapusan ng tahasang paggahasa ni Willie Revillame sa kamalayan ng masang Pilipino.
BABALA: Ang kolum na ito ay pawang kuro-kuro lamang ng isang baliw at ilusyonadang bakla, na fan na fan ni Rico J Puno sa Chibugan Na. Hindi nangangahulugang sinasalamin ng kolum na ito ang mga opinyon ng POC. At kung sinasalamin man nito ang mga opinyon ng POC, eh ano ngayon?
Photo: “Pappy.. ^_^” by Paul Chua, c/o Flickr. Some Rights Reserved
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









