Matagal-tagal din akong nawala sa sirkulasyon sa mundo ng showbiz dahil sa totoo lang, hindi pa rin ako maka-get over sa pagpanaw ng kontrabida ng bayan, si Paquito Diaz, at hindi ko pa rin maisip kung ano ang nakain ng GMA-7 at naisipan nilang magpatuloy sa pagsasadula ng “Nita Negrita,” na I’m sure, lalo lang dumadagdag sa diskriminasyon ng mga Pilipino sa mga maiitim ang kutis.
Ngunit, subalit, datapwat, wiz ko na ma-take ang nangyayari sa programa ng Willing Willie kamakailan lang. Salamat naman na ang mga katulad nina @MsLeaSalonga at @JimParedes, mga taong di-hamak na mas sikat at kilala sa inyong abang lingkod, ay nangunguna sa pagpuna sa kahiya-hiyang kaganapang itey, at dahil sa kanilang pag-iingay, sumagot na rin ang DSWD at MTRCB sa kahayupang panibago ni Willie.
Sa totoo lang, hindi na kagulat-gulat ang mga aksyon ni Wil sa kanyang programa. Ginagamit niya ang masang Pilipino at ang kanilang mga pangangailangan upang makahatak ng kashokot-shokot na mga sponsors na hindi maitatanggi kung gaano kalakas ang karisma ng isang Willie Revillame sa sambayanang Pilipino.
Marahil, may mga nagtataka kung bakit ngayon lang nagkaroon ng ganito kalaking pagkilos laban kay Willie. Nakakawindang dahil ang pamimintang pa ng iba ay kaya lang daw kumikilos ang mga tao ngayon ay dahil napapahiya na ang mga Pinoy ngayon sa paglabas ng video sa YouTube.
Talaga? Eh bakit lahat sila ni-link yung video? Hindi ba dapat, tinatago nila iyan kung yan ang dahilan nila?
For your information, trulalu at walang halong eklavu, maraming napapalag nang makita nila ang YouTube video dahil hindi naman sila nanonood kay Willie. Alam na nilang walang kakwenta-kwenta ang kanyang programa, at hindi nila nais mabuwisit sa kapapanood sa kanyang mga kahalayan sa telebisyon. Sanay na sila sa mga kumekendeng na babae, sa mga kung anu-anong pakulo para gamitin ang mga sumasali sa programa nila, at dahil alam nila kung gaano kahirap makipag-banggaan sa isang Willie Revillame, hindi na nila siya pinapansin.
Pero lahat naman ng bagay ay may hangganan, at wiz natin maaaring itanggi na lampas-lampas na ito sa matagal na nating pinagparaya na hindi naman dapat natin ipinagparaya.
At ngayon, matapos ang ilang taon, sa pamamagitan ng Twitter, sa pamamagitan ng bagong pamahalaang mas handang making sa mga hinaing ng mga Pilipinong mayroong balidong suliranin at sobra na ang pagka-Ynez Veneracion kay Wil, pinapakinggan na sila ngayon.
Iyan ang pinagkaiba. At dahil sa malaking pagkakaiba na iyan, maraming mga taong hindi natin naririnig noon ang namamayagpag na ngayon, dahil sa wakas, mayroon nang lugar na angkop upang ilabas nila ang kanilang saloobin, at maari silang pakinggan, at maaring aksyunan ang kanilang mga hinaing.
Hindi porke’t sinabi ng magulang at ng bata na “okay lang” ang naganap, ay okay na yun. Sige, sabihin na nating hindi gaano dinadamdam ng bata ang kahihiyan na nadulot sa kanya sa paggiling sa harap ng daan-daang mga tao sa studio at milyun-milyon sa telebisyon, pero gaano tayo nakakatiyak na ang sunod na batang gaganunin ni Willie, okay lang? Ibig bang sabihin nun, okay lang yun?
Kailangan ba nating ungkatin kung ilang babae ang hindi nagsusumbong kapag ginagahasa sila, at iniisip nilang sila pa ang may kasalanan? Sa murang pag-iisip ng bata, at sa baluktot na pag-iisip ng kanyang mga magulang, sa tingin niyo ba, kaya nilang maunawaan kung paano sila ginamit noong araw na iyon?
Hindi po “telebisyon lamang” ang naganap sa Willing Willie. Hindi po ito isang hamak na katatawanan lamang na pwedeng palampasin, at pagtawanan sa sandaling maulit muli ito. Malinaw na malinaw ang batas ukol sa pang-aabuso sa mga bata: pagpipilit, pag-uudyok, pangungutya, na di-hamak pinapalaki ng pagpapasahimpapawid ng kahihiyang ito sa telebisyon, ang buong ebidensyang kailangan upang maipamalas ang kahayupang nangyari sa programang itetchiwa.
Hindi po “telebisyon lamang” ang taun-taong paggamit ng desperasyon ng masang Pilipino, ang nakakapanlumong pagpapatunay na ang kakapusan ng palad ang siyang nagdikta na maging mala-Diyos si Willie Revillame: isang Santa Claus na namimigay ng pera sa pagbabalat-kayo ng “pag-asa,” samantalang napakaraming mga taong nanalo ng lotto ay lalong lumungkot sa kanilang pag-angat ng kanilang estado sa buhay.
Hindi po “telebisyon lamang” ang gawing katatawanan ang dignidad ng Pilipino sa telebisyon, ang lagyan ng presyo ang pagkatao sa limang libong piso, na isang hamak na panawid-gutom lang dahil alam na alam ng mga taong sa likod ng ganitong programa na mas mahalaga ang pagkain kaysa dignidad sa masang Pilipino.
At hindi po natin dapat palampasin kung may ibang host na gumawa nito sa ibang programa. Hindi porke’t nataong si Wil na naman ang may-sala, ay siya at siya lang ang dapat punahin.
Por Dios por santo, pinalampas na natin ang mga kumekendeng na babae, ang mga matatandang nagtatanggal ng pustiso para lamang pagtawanan, at kung anu-ano pa. Pati pa ba ang paggamit sa mga walang kamalay-malay na bata sa ganitong pamamaraan, palulusutin pa rin natin?
Malamang sa hindi, marami na namang mga alipores ni Wil ang tutuligsa sa opinion ko. Eh ano ngayon?!? Kung okay lang na ganyan ang gawin sa lahat ng mga anak ninyo, aba, mag-usap tayo, ‘noh! Baka kailangan mong matutunan kung paano maging disenteng magulang. Kabading na bading kong tao, aba’t mas alam ko pa kung paano gawin ang iyong trabaho?
BABALA: Ang kolum na ito ay pawang saloobin ng isang bading na matagal nang nagsasabing kailangan mapigilan ang mga tulad ni Willie Revillame sa pamamayagpag at hindi man lang pinakinggan ni isang beses. Hindi ito nangangahulugang sinasalamin nito ang saloobin ng Sosyal at The POC, at kung sinasalamin man nito, Eh ano ngayon?!?
Photo: Screen grab from Youtube.com
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









