Ang paglangoy sa dagat ang tinaguriang isa sa pinakaunang bagay na maiisip ng isang pamilya o barkadang Pilipino sa tuwing nagnanais itong makapagliwaliw lalo na sa panahon ng tag-init. Maging ang mga turista mula sa ibang bansa ay nakasanayan nang isama sa kabuuang planong bakasyon ang pagbisita upang masilayan ang ganda ng mga anyong-tubig sa Pilipinas. Bunga na rin ng ating heyograpikal na posisyon sa mapa, ang dagat at iba pang anyong-tubig ay malapit sa ating puso.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang mga banta ng mga tila "bantay-dagat" ang maaaring sumalubong kung ang kahandaan ay kapos at hindi sapat. Sa maraming diyalekto sa Pinas ang jellyfish ay kilala bilang salabay, dikya, o bulong. Literal na sumasalabay ang invertebrates na ito kung saan ang kanilang katawan ay nagtataglay ng mala-asidong lason na maaaring kumitil ng buhay ng tao kung ang natapatan ay yaong mga nakakalasong uri ng box jellyfish at Irukandji sa loob lamang ng ilang minuto.
Ayon sa mga pag-aaral, sa sandaang uri ng dikya, mayroong dalawampung uri o kamag-anak ang box jellyfish na ito na lubhang mapanganib. Ang mga nasabing dikya ay maaring matagpuan sa Karagatang Pasipiko at nagpapalutang-lutang sa alon sa mga bansang Australia, Indonesia, Papua New Guinea, Thailand, Vietnam at Pilipinas.
Dikya, dikya! Lubhang nakakabahala?
Gaya ng ibang invertebrate species, ang ibang mga dikya ay walang mata upang makahanap at makapili ng pagkain. Gamit ang taglay na lason sa katawan, maari nilang iparalisa ang mga isda at iba pang species sa karagatan upang gawing pagkain. Sa ibabaw ng tubig, tanging ulo lamang ang makikita sa mga jellyfish kung kaya’t ang haba ng kanilang mga ‘galamay’ na siyang may taglay ng nakakaparalisang lason ang siyang kumakapit sa anumang bagay na maaari nilang kainin.
Tulad ng ibang entidad na nakalubog sa dagat, ang katawan ng tao ay hindi liban sa maaaring kapitan ng dikya. Ang pagdikit nito ay tila naglalagablab na latay ng latigo sa ating katawan. Karaniwang senyales na maaaring maramdaman bilang patunay ng kanilang presensya ay ang kakaibang kati sa dagat sa sandaling masagian ng mga halaman o anumang lumulutang na bagay kasabay ng hampas ng mga alon.
Sa mga walang karanasan o kaalaman sa karakter ng mga dikya, malaki ang posibilidad na ipagwalang bahala lamang ang kati sa dagat na ito lalo pa kung nakikita mong malinaw naman ang tubig at iisiping ang kati ay normal lang o maaaring reaksyon ng balat sa maraming sunblock lotion na pinahid bago tinunton ang dalampasigan.

Pag-iwas at Lunas
Importanteng mabigyan ng ‘briefing’ ang mga taong bagong salta at sabik na lumangoy sa malinaw at magagandang dagat sa Pilipinas. Mahalaga ding may paunang kaalaman ang mga turista o bakasyonista sa lugar bago sumabak sa ‘giyera’. Ang mga blogs ng mga nanggaling na sa lugar na pupuntahan ay maganda ring mabasa upang makapaghanda . Ang mga payo, gayundin, ng mga lokal na residente sa pook ay matamang pakinggan sapagkat higit kanino man sila ang nakakaalam ng pasikut-sikot sa kanilang lugar.
Kadalasan, sinasabi nila kung may mga dapat pag-ingatan sa lugar gaya ng dikya, ahas, sea urchin o kung anumang mapinsalang hayop sa lugar. Hindi dapat ipagpilitan ang paglangoy o ituloy ang camping sa sandaling marinig ang kanilang mga suhestyon at payo. Muli, higit sa lahat ang mga lokal na residente, mangingisda ay may higit na kaalaman sa mga kaganapan sa kanilang lugar.
Sa oras na makakita ng dikya sa ibabaw ng dagat o mga patay na dikya sa dalampasigan, maiging huwag nang ituloy ang planong paglangoy sapagkat malinaw na senyales ito ng paglipana ng kanilang species sa lugar. Sa ating bansa, sila ay naglipana malapit sa dalampasigan mula Oktubre hanggang Mayo. Subalit dulot na rin ng mga pagbabago sa klima, ang mga dikya ay maaaring mamataan kahit sa panahon ng tag-ulan.
Ang mga patay na dikya ay may taglay pa ring kamandag ilang araw matapos ang kanilang kamatayan. Maingat na tingnang mabuti ang nilalakaran upang hindi sila maapakan lalo na kapag nakayapak na naglalakad sa paligid ng dagat.
Kung sakaling hindi maiwasan ang pagkapit ng dikya, ang mga sumusunod ay ilang mahalagang paalala upang maisalba ang buhay, maiwasan ang mga kumplikasyon dulot ng allergies at peklat na maaaring iwan ng mga laway ng dikya.
Huwag mag-panic. Sa kahit na anong sitwasyon, mahalagang alerto ang ating isip upang tayo ay hindi magupo ng sitwasyong kinakaharap. Ang tindi ng pinaghalong hapdi at sakit na maaaring maramdaman sa oras na mapulutan ng dikya ay tunay na mahirap kalabanin. Subalit hindi makakatulong ang pagpa-panic na maaaring magresulta sa shock at pagtaas ng blood pressure.
Ang magalaw ding kilos habang nasa loob ng tubig at pagtawag ng saklolo ay maaaring makalala sa ‘latay’ sapagkat ang mga galamay nito ay mala-buhok na umiikot at dumudulas sa iba pang bahagi ng katawan sa oras na pagpagin sila sa loob ng tubig.
Buhangin, Suka, at Kalamansi. Ang suka at kalamansi ay may taglay na elementong kayang magtanggal ng dikit ng galamay ng dikya sa balat ng tao. Ang paglagay nito sa bahaging nadikitan ay makakatulong upang hindi tuluyang malusaw ang ‘jelly’ sa balat. Kung walang suka at kalamansi, ang buhangin ay madalas na ginagawang pangunang lunas at ipinapahid sa apektadong bahagi para sumama dito ang mga naiwang galamay. Maingat na tanggalin ang mga galamay at siguraduhing may proteksyon sa kamay habang ginagawa ito dahil tulad ng naunang nabanggit, ang mga galamay ay may taglay pa ring kamandag kahit patay na. Maaring gumamit ng stick o kung anumang improvised na bagay upang hindi direktang dumikit sa kamay.
Shaving Cream, Harina, Isopropyl Alcohol. Kung available sa paligid ang shaving cream at 70% Isopropyl Alchohol, maaari itong gamitin upang kagyat na ilagay sa apektadong bahagi. Ipahid ang cream nang sumama rito ang mga galamay. Makakatulong na hugasan ng tubig-dagat upang makita kung may mga natira pa itong nakakapit. Kung may harina naman sa pinakamalapit na bahay, maaaring pahiran ito at gamitan ng stick upang alisin sa pababang direksyon ang mga galamay.
Huwag hugasan ng fresh water o gumamit ng yelo para pamanhirin ang sakit. Bagaman ang sakit nito ay mahirap mailarawan, huwag na huwag huhugasan ng fresh water ang mga sugat o dikitan ng yelo upang pamanhirin o palamigin ang mainit na bahaging nadikitan.Ang fresh water ay makakapagpapalala ng mga ‘stings’ . Kapag nawala na ang galamay, ang sakit na nararamdaman ay maaaring bigyang lunas sa paglalagay ng mga lotion o insect bite cream na may ingredient na ‘ocaine’.
Ang jellyfish stings, bagaman sobrang sakit at animo’y permanenteng mantsa sa balat, kapag nabigyan ng tamang lunas ay kayang-kayang gamutin. Liban sa mga yaong mahihina ang puso, ang lason ay maaari nilang ikamatay na nagreresulta sa malubhang allergic reactions, panic, shock, pagtaas ng blood pressure, at pagkalunod.
Better safe than sorry!
Hindi man ako pinalad noong nakaraang Mayo at malubhang napuluputan ng sandamakmak na jellyfish mula pwet hanggang paa, mapalad pa rin akong maalpasan ang naging banta sa buhay na iniinda pa rin hanggang ngayon. Ang mga malalalim na peklat at di mabilang na mantsa sa balat na iniwan ng karanasang ito ay paaalala na ang kaalaman ay disinsanay nakaligtas sa iba pang kababayan na binawian ng buhay dulot na rin ng maling proseso ng paglapat ng lunas dagdag pa ang pagsasawalang bahala sa banta ng Jellyfish stings.
Kung sa palabas na SpongeBob Square Pants ay nagmimistulang nakukuryente ang sinumang malapitan ng Jellyfish, literal na ganun ang mararamdaman o higit pa sa oras na kumapit ito sa iyo. Ang kakulangan ng kaalaman at di paglalantad ng katotohanang pinamumugaran ng jellyfish ang lugar sa ngalan ng turismo, ay metaporikal na nagparalisa ng lakas ng loob dulot na rin ng matinding allergic reactions sa katawan.
Ganunpaman, ang mahigit tatlong linggo kong hindi maayos na paglalakad dahil sa maga at malalalim na sugat ay walang sinabi sa ilang kinitilan ng buhay ng mga jellyfish na ito.
Sa mga sandaling iyon na tanging pagtawag na lang ng saklolo sa Diyos ang nasa isip, sumagi sa akin na mabuti na rin lang at sa akin tumama dahil punung-puno ng mga batang maliliit ang dagat at maaring di nila kayanin ang dami ng jellyfish na pumulupot sa akin. Huli man na ang mga kaalamang bahagi bunga ng mahabang panahon ng pananaliksik habang nakakatutok lang sa kompyuter at nagpapagaling ng sugat, umaasa ako na mas marami na ang maililigtas ng ilang impormasyong ibinahagi base sa sariling masaklap na karanasan ng pakikipagtunggali sa mga inakala kong ‘cute’ na mga jellyfish.
Gaya na rin ng orihinal na pahayag ni Francis Bacon: “Knowledge is Power”. Panghawakan natin ‘yun.
Photos: “jellyfish holocaust” by eric molina, c/o Flickr. Some Rights Reserved / “Singapore - 51” by Daniel Go, c/o Flickr. Some Rights Reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









