Ang mga Pilipino ay likas na mahilig kumain. Madalas nagiging masarap ang pakikipagkwentuhan sa kapamilya at kaibigan kapag may pagkain na nakahanda sa mesa. Pagdating sa chibugan, may mga katangi-tanging pagkain at paraan ng pagkain na nakaugalian na ng ibang mga Pinoy. Minsan ikinamamangha ito ng mga banyaga na bumibisita sa atin.
Tinapay na may palamang ice-cream
Mahilig ang mga Pilipino sa ice-cream lalo na kapag panahon ng tag-init. Kapag merong nagdiriwang ng kaarawan o anibersaryo, parating may ice-cream. Kapag araw naman ng sweldo, tiyak din na mabili ang mga galon ng ice-cream sa tindahan at supermarket. Ngunit hindi araw-araw ay may kita o sweldo. Sa mga panahong bitin ang pera, nakakabili pa din ng ice-cream ang mga ordinaryong Pilipino. Ikakalembang lang ni manong sorbetero ang kanyang batingaw at tiyak maglalabasan na ang mga tao, lalo na ang mga bata. Masarap kasi kumain ng sorbetes o kilala din sa tawag na “dirty ice-cream” lalo na pagkatapos kumain ng pananghalian o tuwing merienda. Madalas makikita mo ang mga Pinoy na kumakain ng sorbetes na nasa apa o kaya mula sa maliit na plastic na baso.
Ang mga Amerikano ay mayroong tinatawag na ice-cream sandwich. Ito ay ice-cream na nilkha sa pamamagitan ng paghulma ng ice-cream sa pagitan ng 2 cookies o minsan brownies. May pambato dyan ang mga Pinoy. Meron din tayong ice-cream sandwich pero medyo kakaiba. Dito sa Pilipinas, maaaring ipalaman ang sorbetes sa tinapay. Pwedeng monay o hamburger bun ang gamitin. Hindi ito nabibili sa tindahan. Kung gusto mo itong subukan, hintayin mo lang si manong sorbetero para matikman ang ice-cream sandwich Pinoy style. Karaniwan na tatlo hangang apat na sandok ng sorbetes ang nilalagay ni manong sorbetero sa tinapay. Kapag binigay na sa iyo ang Pinoy ice-cream sandwich, huwag na magpaligoy-ligoy pa. Kainin na ito agad para hindi matunaw ang palamang sorbetes.
Read more...




