Full name
Vladimeir Bautista Gonzales
Nickname
BJ (sa bahay, na parang bastos, pero galing talaga sa lumang palabas na BJ and the Bear, na parang bastos pa rin pero lumang palabas daw ito tungkol sa mga bear at sa mga BJ), Vlad (pinakamadalas magamit, lalo na sa ngayon), Vladz/ Vladis (mula sa mga kaibigan sa school paper noong high school ang “Vladz,” at nakuha naman sa palabas na Marimar ang pangalang “Vladis”).
Birthdate
January 10, 1982
Zodiac sign
Capricorn
Age
28
Favorite color
Blue
Favorite food
Kahit na anong may noodles.
Kahit taeng may noodles?
Kung spicy yung tae, puwede.
Favorite place
Church. Dati, mas lalo noong high school. Pumupunta ako doon hindi para sa mga sermon o misa, o para mag-donate ng marami kong pera sa mga nanghihingi pag offertory. Natutuwa ako sa pakikinig ng mga kantang pangsimbahan. Hanggang ngayon, pag nadadaan sa simbahan, iyon ang inaabang-abangan ko.
Share ko lang, noong nasa elementary kami ay may nagtuturo sa aming teacher ng mga kantang pangsimbahan. Tapos nagkaroon ng tsismis na sinasaktan siya ng asawa niya. Umimbento tuloy kami ng eksena ng mga kaklase ko, na habang kumakanta raw ng Unto thee Oh Lord ang teacher namin ay sinasapak siya ng asawa niya: Unto thee Oh Lord (right hook, left hook)…do I lift up my soul (jab sa tiyan)…Unto thee Oh Lord (uppercut then Fernando Poe pompiyang sa tenga)…do I lift up my soul (jab, jab, uppercut)
Favorite book
M2M (Many to Mention). Pero lahat, halos tambak mula sa ibang tao. Mga picture book ng bedtime stories na napagsawaan ng tita ko, libro tungkol sa mga kotse mula sa lolo ko, isang libro na may pamagat na Kung Walang Doktor sa Inyong Pamayanan at ang English version niyang If There is No Doctor in Your Community mula sa lolo ko pa rin—isang librong nagtuturo kung paano ila-ligate ang sariling matres o iva-vasectomy ang sariling bayag gamit ang blade at pisi, o kung paano gumawa ng contraceptive mula sa bulak at suka o calamansi). May espesyal na lugar ang isang librong galing sa serye ng The Hardy Boys, dahil ito ang natatandaan kong unang librong ibinigay talaga para sa akin bilang isang regalo. Ito ang kauna-unahang librong natatandaan kong naging pag-aari ko.
Favorite movie
M2M, pero ang pinakaunang pelikulang pinanood ko na kasama ang mga kaklase at hindi ang mga kamag-anak ay ang Impakto, starring Gelli de Belen and introducing Antonio Aquitania. Second year high school, sa sinehan ng Ever Gotesco Commonwealth. Waffle lang yata ang nakain ko noon, bilang bente pesos lang kada araw ang baon ko. Pagkatapos naming manood, may nagkalat na isang kaklaseng kasama doon, nagkalat siya ng tsismis na hinolding hands siya o hinalikan ng kaklase naming babae na kasama rin sa lakad na iyon.
Favorite song
M2M pa rin, pero natatandaan kong naantig ako sa pagkanta ni Rica Peralejo ng A Light of A Million Mornings, ito ang mga panahong inaabang-abangan ko ang pagpatak ng alas kuwatro y medya, kasi pag four-thirty na, Ang TV na!
Motto:
“I’m always home, I’m uncool.”—Almost Famous
What’s your secret?
Di na naman siya secret kasi alam na nila ito, pero noong bata-bata pa ako, noong mas maliit pa ang bahay namin, noong isang beses kada taon lang umuwi ang tatay ko sa bahay dahil sa Saudi, palagi akong minamadaling-araw sa pagtulog. Pinagsabihan nila ako minsan, bakit daw ba ako mahilig magpuyat, bakit daw ba ako TV nang TV, bakit hindi raw ako natutulog nang maaga. Ang totoo, minsan gusto ko naman talagang matulog nang maaga, minsan inaantok naman talaga ako at gusting magpatay ng TV. Kaya lang, mas maliit pa ang bahay namin, mas manipis pa ang mga pinto at pader, at sa mga pagkakataong may nangyayaring kung anong loving-loving sa katabing silid, siguradong tatagos ang mga tunog papunta sa tengang hindi naman din gustong makinig.
Who’s your crush?
Syempre marami, pero ang isa sa mga natatandaan ko ay noong second year college ako, si J. Natatandaan ko siya dahil buong semestre kaming hindi nag-uusap, ako ay nasa bandang harap at siya naman ay palaging nasa likod ng classroom. Minsan, noong nagre-report ako tungkol sa paring pinatay sa pamamagitan ng pag-ipit sa ulo niya ng oxygen tank, sinabihan niya ako ng “parang ikaw” noong sinabi ko namang “ang weird ng nangyari sa pari, ano?” Bukod doon, wala na.
Noong huling araw ng klase, habang nakikipagdaldalan ako sa mga kaklaseng naging kabarkada na rin doon, biglang nagsalita si J. Ano ba raw ang kurso ko. Sabi ko, non-major. Pareho daw kami. Saan daw ako galing bago maging non-major, sabi ko sa Math. Pareho daw kami. Pagkatapos, nagdaldalan na kami tungkol sa lahat ng mga bagay na ipinagkatulad namin. Wala ang prof, hindi raw makakarating, kaya nag-alisan na kami. Gusto ko pa sanang makipagkuwentuhan kay J, at mukhang gusto rin naman niyang makipagkuwentuhan pa, pero papunta siya sa ibang direksyon at ang mga kaklaseng naging kabarkada ko naman ay sa ibang direksyon din. Kanino dapat sumama, sa crush o sa barkada? Pinili ko ang barkada.
Ilang taon din ang lumipas bago kami magkasalubong uli sa campus. Noong nagkatapat kami, hindi na niya ako pinansin.
First love
Iniisip ko, iyong isang J iyon, na nakilala ko naman sa isang writing raket. Siya rin kasi ang lahat ng first e. First kiss, first yakap-yakap, first loving-loving. Mga dalawang linggong non-stop na loving-loving iyon, tapos biglang nag-stop ang non-stop. Halos dalawang taon akong galit sa kanya, halos dalawang taong siya lagi ang bukambibig. Demonyo siya para sa akin, ugat ng lahat ng masama. Pero ngayon, alam ko na, hindi lang talaga kami swak sa isa’t isa. Baka tama nga ang sinabi niya, na darating ang araw na malalaman kong tama naman ang nangyaring paghihiwalay.
First kiss
See First love. Idaragdag ko lang na amoy Bactidol ang hininga niya.
Something about you
Marami akong nakikitang kung anu-ano dati. Minsan, noong naglalakad ako pauwi sa amin, nadaanan ko ang ginagawa pa lang na bahay ng tito ko. Naaninag ko sa gilid ng mata ko ang lolo kong taga-Laguna, nakadekuwatro . Na ayos lang naman, kung hindi lang siya matagal-tagal nang patay. Minsan, noong pauwi ako mula sa tindahan ng nanay ko sa may gate ng village-nagtitinda siya ng mga shrimp ball at palamig—natigilan ako sa pagdiretso sa gate ng bahay dahil umuusok-usok at may lumulutang-lutang na babaeng nakaputi at may mahabang kulot na buhok, parang white lady sa pelikula. Noong hinabol ko siya ay nawala ang mga usok at nawala ang babaeng nakaputi. Kumaripas ako ng takbo pabalik sa tindahan. Noong apat na taon pa lang ako, nagpapatakbo-takbo ako sa paligid ng compound namin, mula sa bahay namin sa likod papunta sa bahay ng mga lolo’t lola na nasa harap. Doon sa tapat ng bahay nina lolo’t lola, sa bahay sa harap, may nakita akong batang nakapula na nagdodrowing sa pader. Tumingin sa akin ang batang nakapula, tapos napansing kong kamukha ko pala siya. Ngumiti ang bata at noong nagkusot ako ay nawala na siya. Ayan ang aking sumi-Sixth Sense na kabataan.
Matatakutin ako, kaya hindi ko makuha kung bakit nakakakita ako ng mga ganito noon. Pero isang araw, nagbago ang lahat. Nagising ako isang madaling-araw, gising ang lahat ng kamag-anak. Ang isa ko pang lolo, iyong tatay ng tatay ko (tatay ng nanay ko si lolong nakadekuwatro), inatake pala sa puso. Napatiran ng ugat habang umiiri sa banyo. Lumipas ang ilang araw at namahinga na si Lolo.
Matatakutin ako, sa multo, sa dilim, sa kahit ano. Pero noon nawala siya, noong namatay si Lolo, ibinurol siya sa may compound at naiiwanan kaming magkapatid sa bahay namin, sa sarili naming kuwarto. Matatakutin ako, pero natatandaan ko, noong nakahiga ako sa sariling kuwarto, habang nag-aasikaso ang ibang mga kamag-anak ng mga bisita, habang mag-isa akong kinukumutan ng dilim, parang may nagbago, parang may boses na nagsasabing walang dapat ikabahala.
At simula sa araw na iyon, natuto akong makatulog nang mahimbing sa gitna ng dagat-dagatang dilim.
Dedication
Dear POC,
Salamat sa pagpapasulat mo sa akin dito sa slam book mo. Grabe, “slam book” pala at hindi “slum book” ang tawag dito ano? Saka grabe, ang dami ko pang gustong isulat, pero gaya nga ng sinasabi ng mga bisita sa 18 candles ng debut, iyong mga bisitang inimbitahan para magsalita pero madalas ay walang pinagkaabalahan kundi ang magpa-cute, gaya nga ng sinasabi nila’y “ano, ayun, alam mo na’yun.” I wish you all the best, sana maging friends pa tayo kahit lumipas ang maraming taon.
J-ust
A-lways
P-ray
A-t
N-ight
S-tay
A-s
S-weet
A-s
Y-ou
A-re
Lovelots,
Vlad/BJ/Vladz/Vladis
Photo: “The empty Book” by Kazi Hirok Al-Arafat, c/o Flickr (with some Paintbrush enhancements) Some Rights Reserved
___
Si Vlad ay guro ng malikhaing pagsulat, panitikan, at kulturang popular sa UP Diliman. Isa siyang kuwentista, blogger, at fan writer. Ang pinakahuling libro niya ay ang "A-Side/ B-Side: ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo" na inilimbag ng Milflores Publishing.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









