The Philippine Online Chronicles

The POC
Monday
May 21
Home Features Buhay Pinoy Features Hulog ng langit: iba't ibang drama at trip tuwing tagulan

Hulog ng langit: iba't ibang drama at trip tuwing tagulan

rain_metaphors5:34 ng hapon, Quiapo, Maynila.

Biglang naging makulimlim ang paligid. Itinulak papalayo ng ihip ng malamig na hangin ang init ng lansangan. May ilang napahiyaw – hudyat sa nagbabadyang pagbuhos ng kalangitan. Binilisan ko ang paglalakad, kasabay ng mga taong kasiksikan sa kalyeng ito sa likod ng simbahan. Ang mga nagtitinda sa bangketa, sinimulang buksan ang mga malalaking payong na nakakabit sa kanilang kariton ng paninda.

Tiningnan ko ang bagong labang suot kong sapatos. Kupal na ulan to, aabutan pa yata ako. Ayos na ayos pa naman ang porma ko.

Sabay tumagas ang langit. Tuluyan na nitong pinakawalan ang di nakayang bigat ng kanyang kinikimkim. Nagkandarapa ang lahat upang hindi mabasa. Nakipaghabulan ako sa pagsilong sa may gilid. Nang makahanap na ng pwesto ang lahat, lumuwag bigla ang lansangan at unti-unting inanod ng pagragasa ng ulan ang lahat ng ingay ng Quiapo. Kasama akong tinangay nito tungo sa pagmumuni at paggunita.

Sa di kalayuan, patuloy ang patugtog ng tindero sa mga tinda nyang piniratang musika.

*****

ang aking damdamin pinaglalaruan ng baliw at ng ulan

at sinong di mapapasayaw ng ulan

at sinong di mababaliw sa ulan

Simula ng paglalaro ang pagdating ng ulan para sa mga bata. Noon sa amin, ambon man yan o simula ng isang pagbaha, bukambibig kaming nakaabang sa ibubugang tubig ng alulod ng mga bubungan.Palayuan din kami ng mga gawang bangkang papel na babaybayin ang mga estero’t kanal. Hubo’t hubad kaming magtatampisaw, malayo sa isip kung makukurot man ng nanay sa singit pag-uwi.

May kalaro ako noon, minumumog yung tubig na dumadaan sa kanal tuwing umuulan, tapos idudura niya sa amin. Hindi kami makaganti, mahirap salukin ang tubig mula sa kanal gamit ang bibig. Mukha namang malinis, dahil hindi siya nagkakasakit. Hindi ko lang nga alam kung nasaan na siya ngayon.

*****

Raindrops keep fallin' on my head
And just like the guy whose feet are too big for his bed
Nothin' seems to fit

Hindi ko dinala ang sariling payong at jacket pag-alis ko ng bahay.Mali ang aking naging tantya sa maaliwas na panahon kanina.Hindi ko pa rin yata tanggap – parang ayaw ko pa rin yatang maniwala –na totoong narito na ang tag-ulan, kahit matagal na itong sinabi ng PAGASA (ang hirap din kasing maniwala sa kanila), at kahit may ilang beses na rin ako nitong inabutan.

Walang sisihan, hindi rin biro ang ipinadanas ng katatapos lamang na tag-init sa bansa. Nanatili pa ito ng matagal kaysa sa inaasahan, kaya sariwa pa sa alaala ang mga imahen ng kahirapan at pinsalang idinulot nito. Katumbas nito, kung hindi man hinigitan pa, ang isa sa mga pinakamalalang tagtuyot noong 1997-1998.

Pero nandito na nga ang tag-ulan. Nawala na kahit dito sa Maynila ang mga tanda ng lumipas na tag-init. Nagsimula nang mamutiktik ang mga damo at halaman sa paligid. Nabawasan na ang mga matagalang pagtambay sa mall para magpalamig. Sa Manila Bay, na kailan lang ay mistulang resort sa dami ng naliligo rito,tanging mga basura’t kalat na lamang ang mga naiwang palutang-lutang.

*****

I’m only happy when it rains

I’m only happy when it’s complicated

And though I know you can’t appreciate it

Hindi lang ako ang badtrip ngayon sa ulan. Siguradong may ilan nang napamura dahil sa di-inaasahang pagkansela ng lakad – outing, date, o simpleng gawain tulad ng pamamalengke o pagpunta sa parlor. Wala kang paki kung kailangan ang ulan ng mga magsasaka para sa kanilang pananim, basta para sa iyo, hassle ang ulan. Mahirap tanggapin na masisira ang na-plano mo nang gawin dahil lang sa ihip ng hangin.

Ang iba, tulad ko, sira ang porma dahil sa ulan. Mahirap maglakad sa bumabahang mga bangketa. Naranasan ko nang maglakad sa España pagkatapos ng isang malakas na ulan. Walang takas ang paa mo sa tubig, liban na lang kung purong plastic at abot hanggang tuhod ang suot mong botas. Damang-dama mo sa bawat hakbang ang paglabusaw ng iyong paa at medyas, ang pagtiis sa hindi makamot na pangangati.

*****

You'll never know that I still love you so

Though the heartaches remain

I'll do my cryin' in the rain

Mahirap para sa maraming single – lalo na yung mga kaka-split lang -- tuwing umuulan. Kahit hindi ka emo, iisipin mong nakikidalamhati ang langit sa pinagdaraanan mong kalungkutan. Mas naramdaman mo siguro kasi ang lamig (dahil wala kang kayakap), o ang pagiging mag-isa (dahil wala kang kasama para i-enjoy ang ulan). Yung tipong nakadungaw ka lang sa bintana, pinapanuod ang patak ng ulan na dumulas sa salamin ng bintana, kasabay ng luha mong dumudulas sa iyong mukha. Gusto mong maglaslas, pero alam mong every cloud has a silver lining.

Malungkot, dahil ang bawat pag-ulan ay pagpapaalala sa iyo ng mga panahong mas masaya ka.

*****

Buhos na ulan, aking mundo'y lunuring tuluyan
Tulad ng pag-agos mo,
'Di mapipigil ang puso kong nagliliyab


Nagpumilit akong ihatid ka, noong hapong iyon na nagngingitngit ang langit at malakas ang ulan. Kaya mo na, ang sabi mo. Wala kang payong, ang sagot ko.

Sumuong tayong pareho sa ulan, at doon sa ilalim ng maliit na payong na hawak ko, pinagsaluhan natin ang kakaunting silong. Torpe ako, kaya’t nahiya akong siksikin ka. Hindi tayo nakapagsalita sa buong paglalakad. Ngunit simbilis ng tibok ng puso ko ang mga nag-uunahang patak ng ulan, hindi alintanang basang-basa na ang parehong kalahating ating mga katawan.

Narating natin ang harap ng bahay nyo. Salamat, ang sambit mo. Pumasok ka agad sa loob.

Umuulan pa rin, pero tinupi ko na ang payong. Naglakad ako pabalik, pilit pinipigil na lumitaw sa mukha ang isang napakalaking ngiti.

*****

Pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng bahay,

Di maiwasang gumawa ng di inaasahang bagay

Kung alam ko lang na uulan, hindi na sana ako lumabas. Wala na yatang mas gagandang palusot sa ulan para maging tamad.

Pabibilhin ka sa tindahan – ayaw mo, umuulan. Kailangan mong magbayad ng bills – bukas na, umuulan. Dapat mo nang tapusin ang term paper mong late – nakakaantok, umuulan.

Dalawang taon na ang nakaraan, pero hindi ko siguro natapos ang buong season ng Prison Break, Heroes, at naulit ng dalawang beses ang Godfather trilogy kung hindi dahil sa ulan. Kung wala na talagang ibang magawa, di kasalanan ang matulog na lang nang walang inaalala. Bakit hindi? Maginaw. Umuulan. Iba rin yung pakiramdam na ligtas at tuyo ka sa loob ng bahay habang umuulan sa labas.

*****

Heto ako, basang-basa sa ulan

Walang masisilungan, walang malalapitan

Sinabayan ng ulan ang birit ng Aegis. Natigil ako sa pagtunganga’t pagmumuni. Mukhang mamaya pa titila ito. Nag-isip ako ng paraan para makaalis. Tinupi ko ang pantalon na parang puruntong at inangat ang t-shirt hanggang sa ulo. Sinuksok ko ang dalawa kong kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon, saka humarap sa hamon ng ulan.

Bahala na, ang sabi ko sa sarili. Hihigop na lang ako ng mainit na sabaw pagkauwi.

 

Photo: “it RAINED for ME...” by Meghana Kulkarni, c/o Flickr. Some Rights Reserved


Add this page to your favorite Social Bookmarking websites
Digg! Reddit! Del.icio.us! Google! Live! Facebook! StumbleUpon! Newsvine! TwitThis
 
Comments
Add New RSS

Disclaimer: Comments posted here reflect our readers’ views and not the opinion of The Philippine Online Chronicles.

ever 13 July 10, 04:08 PM
may naalala tuloy ako sa piyesa ni OM, nung nanliligaw ako...sa malaseksi na katulad ni lady S (kahit di ko pa nakikita, at sa panaginip ko lang nadarama ang angking kaseksihan ni lady S...seryoso toh ha.)..

balik sa ulan...

sa panahong iyon nang aking kakisigan, dadalaw ako at manliligaw..pero biglang umulan..kaya ayun di ko rin malilimutan ang kantang "bakit ba naman ngayon pa umulan kung kelan ako dadalaw sayo." puti pa naman ang pantalon ko, puti parin ang polo ko..(parang si tony ferer ang dating ko nun..he he he)

merck 13 July 10, 07:02 PM
Tito Ever, I guarantee you, (kahit di ko pa nami-meet si Lady S) eh maganda at seksi sya.
omnarayan 22 July 10, 08:47 AM
tag-ulan na nga pero ang init pa rin! at nirarasyon pa rin ang tubig sa kamaynilaan dahil critical level ang angat!

labo! hehe.
Write comment
Name:
Email:
 
Title:
Please input the anti-spam code that you can read in the image.

!joomlacomment 4.0 Copyright (C) 2009 Compojoom.com . All rights reserved."

Share on facebook

Buhay Pinoy Videos


Get the Flash Player to see this player.
Disclaimer