Kung hindi lang nasunog ang bahay ng nanay ko sa Cebu, siguro naroon pa rin ang inaamag na cabinet na puno ng plaka. Mga vinyl records, original at nasa sleeve pa, ng musikang kinalakihan nilang magkakapatid. Siguro naroon pa rin ang record player na bawal kong hawakan dahil antique na raw iyon at madaling magasgas ang turntable.
Pero wala na ito ngayon. Tinupok ng apoy halos walong taon nang nakalipas, kasama ang mga photo album, baby grand piano, at ang mismong bahay na dinisenyo ng yumao kong lolo. Tuwing nangungulila ang nanay ko sa mga kantang matagal na niyang hindi napakikinggan, sinasabi ko na lang na ito-torrent ko para sa kanya.
BOOM. 15 seconds kung malakas ang bandwidth, 15 minutes kung mabagal naman. Na-download na ang kantang hinahanap. Ipaparinig ko kay mama.
“Hindi pa rin pareho,” sabi ni mama. “Hindi pumuputok-putok.” Hindi kasi perpekto ang tunog ng stylus sa plaka.
Ano, mas gusto ba niya ang tunog-amag o tunog-lata? Pero ganoon talaga siguro iyon: mahirap tanggalin ang nakasanayan.
Sigurado, ganito rin ang mangyayari sa munting koleksyon ko ng mga CD. Balang-araw, kapag ako naman ang nagka-anak, pagtatawanan nila ang makalumang mga CD na ayaw kong itapon.
Sa totoo, mas marami pa siguro akong mga casette tape kaysa sa CD. Noong early 90’s kasi, nadiskubre ko ang Walkman at ang saya ng pagsaksak ng earphones sa tenga habang nag-aaway ang mga magulang ko. Tsaka di hamak na mas mura ang mga casette. Isang daan lang siguro ang bili ko sa unang album ko ng Yano. Baka nga mas mura pa. At ang pinkamura ay yung bumili ng blank tape, isaksak sa player, at mag-abang ng Top Twenty sa radyo para i-record ang mga kantang hindi ko mabili. Syete anyos yata ako unang naging pirata.
Hindi nagtagal, binilhan ako ng lola ko ng Discman sa aking kaarawan. Ano’ng gagawin ko dito? Kailangan bumili ng CD. Hanep! 400 pesos! Noong 90’s, pinakamura na ang ganitong halaga para sa CD. Naalala ko pa ang kauna-unahang CD na binili ko, Devil without a Cause ni Kid Rock na ilang ulit kong pinakinggan para masulit kaya patalon-talon na ang tunog.
Laking tuwa ko nang madiskubre ang blank CD at ang teknolohiyang nakakapag-burn ng musikang dinadownload lang sa internet. May mga gabing gising ako magdamag, tumutuklas ng bagong musika sa Napster at Limewire, ipinagkakasya ang 18-tracks sa CD na binili ko ng bente pesos.
Ang totoo: bilang lang sa iisang kamay ko ang mga original CDs ko. Mas marami pa akong burned at mixtape CDs dahil kahit noon, mayroon na pala akong konsepto ng customized playlist.
Dumating ang bagong teknolohiya. Kaya pala ang laki ng mga vinyl records (pero kaunti lang ang musikang pwedeng ilagay rito), kaya pala may side-A at side-B ang casette, at 18 tracks lang ang pwedeng ipagkasya sa blank CD ay dahil malalaki ang size ng musika. Mayroon kasing mga tunog na na-record sa studio na hindi naman naririnig ng mga tao. Sadyang hindi akma sa hearing range ng tao—ito ang nagpapalaki sa audio files. Ang ginagawa ng MP3 at iba pang format ng digital media, tinatanggal nito ang audio information na hindi natin kailangan. Ang mga aspeto ng musika na sadyang mga aso at iba pang hayop lang ang nakakarinig, wala na ito. Ayan, 7MB na lang ang isang kanta. Halos isang daang kanta na ang kaya kong ipagkasya sa CD pero kailangan ko ng bagong player para mapakinggan ito.
Pasok, mga MP3 at MP4 players. 125 megabytes lang ang size ng unang MP3 player na binili ko. Debaterya pa, pero manghang-mangha ako. Itong maliit na ito, kayang tumugtog ng trenta na kanta? At noong nanakaw ang MP3 player na iyon, bumili ako ng bago, 4 gigabytes. 400+ songs na ang nandoon, hindi ko pa mapuno. Kapag nagsawa na ako, papalitan ko na lang ang mga kanta. May buong external hard drive ako na puno ng musika.
Inaalikabok na ang koleksyon ko ng CD sa bahay. Nasa loob ng shoebox na nakatago sa pinakalikod ng cabinet ko. Aanhin ko pa iyon ngayong may MP3 player na ako?
Patunugin ang batingaw ng naghihingalong CD. Ang huling original CD na binili ko ay Three Dollar Bill, Yall$ ng Limp Bizkit. Ganoon na katagal ‘yun, wala pa akong taste sa musika noon. Pero ang huling album na idinownload ko? Part 1 ng Makamundo album ng Giniling Festival. Free for download sa website nila, maangas pa ang musika.
Kung pati ang mismong mga artist, ipinamimigay ang sariling album, mukhang wala na nga talagang kinabukasan ang CD. Pwede ko sigurong ipamigay ang mga CD ko sa mga kuliglig driver para maging palamuti at reflector ng kanilang pedicab o trycicle (pero ipinagbawal na nga pala ang mga kuliglig, ano?).
Pero hindi ko itatapon ang mga CD ko.
Minsan, nang ma-virus ang PC namin, nahawa pati external hard drive ko. Burado lahat ng kanta. At kapag may mahigit isang libong albums ka doon, pihadong hindi mo maalala ang lahat ng kanta. Maiiwan kang nangungulila para sa musikang hindi mo matandaan, katulad ng nanay kong nasunugan ng vynil records. Para ma-download muli ang mga kanta, kailangan maalala ko ang title at artist. At kung pati iyon ay hindi ko maalala, babalikan ko ang koleksyon ko ng CD, pakikinggan muli ang kanta para maalala.
Kelan ba ako huling nakatapak sa loob ng music store? Mayroon pa bang mga music store? Matagal nang nagsara ang Odyssey at Radio City sa SM North Edsa, pero kahit noong bukas pa sila, madalas ding wala sila ng mga CD na hinahanap ko. Naaalala ko nang minsang naghanap ako ng album ng Razorback sa Odyssey dati, binigyan ako ng saleslady ng album ni Britney Spears. Hindi ko alam kung niloloko niya ako o sadyang wala siyang panahon para sa akin, pero ganoon talaga ang takbo ng karanasan ko sa mga music store.
Tayong mga consumers ba ang dapat sisihin sa pagkamatay ng CD kung 1) masyadong mahal ang musikang ibinebenta ninyo at 2) madalas wala ang CD sa tindahan o hindi maganda ang serbisyo sa music store?
Mas mabuti pa ang magdownload ng digital audio—mabilis, accesible, at napakarami pang musikang mapagpipilian. Mas mabuti pa ang pirata, lagi silang may stock ng mga album na hanapin mo.
Pero hindi kailangan mamatay ng CD. Maganda rin na mayroon tayong pisikal na kopya ng musikang mahal natin lalo na kung may respeto tayo sa artist na gumawa noon. Katulad ng ginawa ng Giniling Festival, naiintindihan nila na mahirap ang pasok ng pera ngayon. Pero dahil sadyang astig sila, ang punto ay mapakinggan ng marami ang kanilang musika kaya libre itong ma-download. Pero, sabi nga ng website nila, kung natipuhan mo, kayong mga nakikinig, at mayroong pambili, bilhin nyo na rin ang album nila. May artworks at iba’t ibang kachibong pa na kasama ang original CD nila.
Para na rin, balang araw, kapag may bagong teknolohiya na ang mga anak natin para makinig sa musika, pwede natin ipamahagi hindi lang ang musikang kinalakihan natin kundi pati ang pisikal na format na pinaggalingan ng musika nila.
Photo: “CD and DVD recycling” by , c/o Flickr. Some Rights Reserved.
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









