Habang kumakain, inisip ko kung bakit nga ba laging magkasama ang kutsara at tinidor. Tinitigan ko ang mga ito, hinawakan, pinagtabi, pinagpatong. Para akong na-o-OC! Ewan ko ba. Ang kulit ng isip ko. Siguro dahil sa naho-homesex – este -- nahohomesick na naman ako. Napakahirap kasi kung malayo ka sa iyong pamilya lalo na nitong nakalipas na Father’s Day. Ang hirap kaya. Kahit nakausap ko ang prinsesa ko sa telepono, iba pa rin kung kasama ko siya sa mga araw na ganito. Parang kinurot ang puso ko nang sabihin niya sa akin na miss-na-miss nya daw yung pagsampa nya sa balikat ko habang namamasyal, para daw kasi siyang on top of the world.
Teka muna, bago ako mag-emote, balikan ko itong kutsara at tinidor. Gusto ko lang naman sigurong itanong kung ano ang mga bagay na hindi puwedeng mawala sa isang OFW. Mga bagay na pag wala, kulang ang buhay.
Gaya ng kung paano “lumipad” sa Pilipinas mula sa ibang bansa kahit walang pakpak. Kung paano tawirin ang libong milyang layo mula kung saan kami naruroon hanggang kung saan naruroon naman ang aming mga mahal. Bridging the distance, ang tawag yata dito sa Ingles.
Maraming paraan upang “lumipad.” At iba ang paraan noon kaysa ngayon.
OFW noon
Mahirap tawaging paglipad ang gawa nila noon, sabi ng kasama ko na matagal nang nagtatrabaho dito sa Kuwait.
Mabagal kasi ang pamamaraan nila ngayon. Hindi high tek.
Una ang ballpen at papel, paghahanda sa pagsusulat, kamustahan na selyado daw ng luha sa pagkamiss sa pamilya at puwedeng isa-libro ang bawat istansa. Hindi pa daw kasi uso ang cellphone noon at kaunti pa lang ang maalam sa kompyuter. Lingguhan kung magpadala ng sulat na may ipit na konting pera, maliban pa sa buwanang padala. Pagdating ng sagot mula sa Pinas, mga tatlo o apat na linggo ang makalipas (siempre, pagong o smail mail nga ang tawag dito, hindi ba?) -- happiness! Tanggal ang pagod at hirap. Sabik at lumulundag ang puso habang binubuksan ang sobre sa isang sulok ng kwarto na may nakadikit na lumang picture ng minamahal. At buong katahimikang ninamnam ang bawat katagang nakasulat. Kahit gaano kahaba ang liham -- feeling bitin pa din.
Pangalawa naman ang casette recorder. Ito daw ang katabi ng OFW sa gabi at pabulong na nirerecord ang mga nangyayari sa kanya, pagkumusta sa pamilya, pagbati sa minamahal pag anibersaryo o kaarawan o anumang okasyon at sa huli ay di puwedeng wala ang matamis na “mahal na mahal ko kayo,” sabay hikbi na maririnig pa sa background. Pagkatapos, agad na ipapadala ang casette tape kasama ang mga imported na tsokolate, damit, sapatos at iba pang padala.
Pangatlo naman ang pagtawag sa telepono (sa telephone booth) -- medyo may kamahalan nga lang. At ang pila -- grabe daw sa haba, lalo na tuwing katapusan ng buwan. As usual, pagkatapos kausapin ang pamilya, halata ang namumugtong mga mata dahil sa pigil na luha, pero may ngiti naman sa puso habang papauwi.
Simple pero napakahirap daw ng buhay OFW noon.
Biniro pa ako ng kaibigan ko: “ Ano! Kaya mo yun?” Iisipin ko palang, parang hindi, pero sabi ko, may rason talaga kung bakit kailangan kayanin ang mga bagay na ito. Hayaan kong sila ang sumagot nito ngayon....
OFW ngayon
Cellphone. Oo, teleponong walang wire ang unang bagay na di pwedeng wala. Samahan pa ng isang tambak na telephone numbers ng mga tao sa mundo ng Pinas. Kung sosyal ka, pwede na ring lagyan o i-connect sa internet. Wala na o bihira na ang ball pen at papel at sobre at selyo. Aba, instant ang paglipad ngayon.
Marami pang ibang gadgets. Meron ding laptop o lumang kompyuter sa bahay para laging updated sa mga pangyayari sa pamilya. Kadalasan may kakabit na web cam. O skype. Open forever ito kahit na nasa sleepy hallow ka na.
Minsang nanood ako ng tv, di ko makalimutan ang linyang narinig. Ang mga OFW daw ay walang naiipong pera, pero PICTURES madami! Sya nga naman. Ganda kasi ng view sa abroad. Isama ang mamahaling digital camera. Wala nang film. Derecho na ang mga larawan sa screen ng kompyuter. Kung sentimental ka naman, pansinin ang mga larawan ng pamilya, kasuyo, at kaibigan sa folder at upload sa youtube, sa facebook, o sa iba pang site sa internet. Flat man o luma ang tv, walang problema dyan basta may Filipino channel. Abot abroad ang lahat ng teleserye at kadramahan ng mundo.
Kung masinop naman ang tipo, laging may kahon o balikbayan box sa bahay. Lagay dito. Lagay doon. Lahat ng pwedeng ipadala sa Pinas. Mula sa mga pagkain hanggang sa mga sale na damit at home appliances. Ito ang pinakamasayang bahagi sa buhay OFW, ang makitang masaya sila sa pinadala mo.
Ginto. Gintong bagay. Ginintuang puso. Huwag kalimutan ang mga naninilaw na nakasabit sa leeg o tenga. Mamahalin ang mga ito. Minsan mas gusto itong isuot o minsan nama’y itinatago lang. Pwedeng pasalubong o regalo. Investment naman sa iba; di lang daw ito pang- porma.
Ang umalis sa sariling bansa ay di madali. Ganun pa man hindi ka makaalis kung wala kang maleta. Maletang hinihila-hila o nilalagay sa trolley. Laman nito ay mga damit, maraming alaala, at sandamukal na kalungkutan. Huwag kalimutan ang passport o ID sa bansang pinaglilingkuran.
Kung nais mong sumaya ang yong buhay,isa lang ang solusyon! Daanin sa kantahan. VIDEOKE. Pinasikat at kinalat ni Juan kung saan-saang bansa. Isayaw at iawit ang nadarama ng puso. Kalimutan muna ang kalungkutan at mga agam-agam. Isabay sa lyrics ng kanta ang mga daloy ng pangarap at himig. Bago ito, dumaan muna sa isang tindahang Pinoy, gamitin ang suki card at mamili ng chicharon. Maaari ring bumili ng souvenir. Pacquiao shirt o damit na ipinagmamalaki at binabandera ang watawat ng Pilipinas ay bilhin rin at maglakad ng taas noo kahit saan man magpunta.
Gaya ng kutsara at tinidor, OFW noon man o ngayon. Ano man ang wala o kulang hindi ko na alam. Basta kakaibang maging OFW. Kakaibang gamit. Kakaibang buhay. Iisang mithiin at pangarap. Walang halaga ang lahat nang ito kung hindi ginagamit nang may pagpapahalaga. Dapat binibigyang respeto ang isang bagay na kakapit sa yong pagkatao habang malayo sa sariling bansa.
Teka anong oras na ba? Ay oo nga! ORASAN! Ito ang di dapat mawala. Kahit makati na at mapula ang mata kakahintay ng oras at kakatingin sa kalendaryo. Kelan ba? Kelan ba ako uuwing muli at makakapiling SILA?
Iiyak na lang at magmumuni-muni. Ipupunas ang panyo sa luhang pumapatak. Hahayaang gumaan ang pakiramdam.
Mapapangiti, dahil sa wakas -- masayang pagbabalik sa lupang sinilangan. Maisusuot ang magarang puting t-shirt at leather jacket. Pogi na naman tayo.
Kung OFW ka, noon man o ngayon ... lahat ng hirap, yakap lang ang katapat!
Photo: a composite image designed by Ever Villacruz, Some Rights Reserved
___
Magdrowing na lang daw ako. 'Yan ang sabi sa kin ng propesor ko sa kolehiyo, huwag nalang daw akong magsulat, wala kuwenta daw! at walang tema!. Kaya pinasok ko ang larangan ng arkitektura, nagtrabaho sa abroad. Nagpinta! Pero may hinahanap. Ang pagsusulat! Di ako manunulat,sa paligid lang ako kumukuha ng inspirasyon, ang kuwento nyo, nila; ang kuwento ko. Ito ang isang paraang Pamatay Homesick ng isang OFW - Ever Villacruz, Interior Designer, Kuwait
Twitter
Digg
Del.icio.us
Reddit
Yahoo
Googlize this
Facebook









