childbirth

Sigaw, ire, iyak! (Things my doctor never told me about childbirth)

Written by

Friday, 31 July 2015 - Last Updated on July 31, 2015
childbirth

 

childbirth

Akala ko isa na ako sa mga astig na makabagong Gabriela Silang. Nakatapos sa isang pampublikong unibersidad na kilala sa pagiging pugad ng mga palaban. Bagaman di naging akitbo sa anumang radikal na samahan at tahimik na nakatapos ng kurso, napasabak naman sa pakikibaka para sa karapatan ng manggagawa mula noong namulat sa mga kabulastugang nangyayari sa pampublikong sektor.

Nahasa sa pakikipanayam sa mga nakatataas upang mga tamang benepisyo ay makamtan, naitulak sa hanay ng protesta upang ang mga kabuktutan sa pamahalaan ay ipagsigawan ngunit ni minsan ay di nagpakita ni isang tulo ng luha sa mga pananakot ng may kapangyarihan.

Lingid sa aking kaalaman, isang bagay lamang pala ang magpapalambot sa damdaming tila pinatigas ng panahon… ang pagiging ina. Walang anumang karanasan ang nakapaghanda sa akin para sa sakit, sigaw, ire at iyak na dala ng panganganak.

Sa aking kamusmusan, ang tanging nakita ay ang taunang panganganak ng kapitbahay naming si Aling Zeny. Lumaki ang tiyan, nawala sandali at pag-uwi, nakangiting kipkip ang bunsong mahimbing na nakaidlip matapos mabusog sa gatas ng dibdib

Di rin nalayo ang karanasan ng aking nanay na pagkapanganak sa bagong kapatid, ang ateng sinundan ay agad na ipinapadala kay lola. Matapos ang ilang taon, binawi na kaming apat na magkakapatid mula kay lola, masayang nabuo ang pamilya kapiling nila nanay, tatay, at bunso.

Ni hindi namutawi sa labi ni nanay ang mahalagang kabanatang tila pinilas na lamang basta sa aklat ng pagiging magulang. Ito na sana ang nakapaghanda sa aking papel bilang ina. Kahit ang sarili kong duktor ay hindi man lang nagbabala kung gaano karaming sigaw, ire at iyak ang dapat isugal masiguro lamang ang ligtas na pagluwal ang sanggol.

“Sa panganganak, isang paa ay nasa hukay.” Matagal ko nang naririnig ang mga katagang iyan pero di ko mawari ang lalim ng kahulugan nito. Tila naungusan ito ng kaligayahan sa pagdating ng pinakahihintay na anak matapos ang apat na taong paghihintay.

Pero habang umuusad ang mga buwan, unti-unting lumabas ang nagbabadyang senyales ng kapahamakan.

Sa panlabas na anyo palang, tila unti-unti nang nahuhulas ang kagandahan. Sa di malamang dahilan, lumalaki ang ilong kasabay sa paglapad ng katawan. Nariyan din ang pangangati ng tiyan habang nababanat ang balat sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan. Kasabay ng paglobo, naglalabasan din ang mga kalmot o stretch marks.

Ang kaibigan ko ngang si Raquel, nangitim nang husto ang leeg at kili-kili. Pati kulugo ay nagtubuan na parang kabuteng di mawari kung saan galing. Si Jen naman, pati ang pagpapaligo sa sarili ay kinatatamaran.

Habang bumibigat ang dinadala, pawang kakaibang nilalang din ang nabubuo sa pagkatao. Sa araw, di maiwasang maglakad- alimango at hingal-kabayo kung kailangang umusad. Sa gabi, kailangang nakatagilid na higang-aso ang porma para maiwasan ang pakiramdam ng pagkalunod dahil naitutulak na ang mga baga pataas sa paglaki ng bata.

Nagmimistulang elepante dahil sa pamamanas ng mga kamay at binti. May kasama pa itong pamamanhid kaya’t napakahirap bumangon sa umaga. Nariyan din ang upong palaka kapag naggugupit ng mga kuko sa paa o nagpupulot ng mga bagay na nahulog dahil nakakaantala na ang mala-pakwang tiyan.

Pero walang tatalo sa pakikibaka sa loob ng paanakan. Noong una, kampanteng-kampante pa akong pumasok sa Labor Room. Walang-walang malay sa hirap na tatahakin. Halos hayahay sa paghihintay ng oras na masisilayan ang aking anak.

Nang kinabit ang suwero at pinagbawalan nang kumain at uminom, nag-umpisa na ang kalbaryo. Kumakalam na ang sikmura, natutuyo na ang labi sa uhaw, ilalabatiba ka pa ng ilang beses para raw walang kasamang dumi sa paglabas ni beybi.

Sa paglalim ng gabi, unti-unti nang sumasakit ang tiyan. “4cm ka na, mommy” ang sambit ng residenteng duktor.

“Wala ito,” ang sambit ko pa sa sarili. “Para lang pala itong mahinang klase ng dismenoreya. Kayang-kaya.”

Mahimbing pa ang tulog sa gabi. May kasamang inip pa dahil sa tagal ng mga pangyayari.

Hanggang dumating na ang unang hilab. Aray! Ano ito? Para akong nasuntok ng walang awang higante. Sinundan ng isa pang hilab. Aray ko po!

Sa loob ng ilang oras, padalas na nang padalas ang sakit, pakonti nang pakonti ang pagitan at palala nang palala ang hilab na parang sampung beses na sakit ng ordinaryong dismenoreya.

Kasabay ng lahat ng iyan, nariyan din ang paglamig ng buong katawan sabay tagaktak ng mala-yelong pawis sa mukha at ibang bahagi ng katawan pati na ang pinaghalong pakiramadam na tila nadudumi o naiihi.

Sa katapangang nalipon sa tagal ng panahon, tila nawala ang anumang nalalabing kaastigan sa loob lamang ng ilang oras. Matinding awa sa sarili ang pumalit. Kahit anumang pag-alala ng nanay at pag-aligaga ng asawa sa labas ng labor room, wala itong naitulong para maibsan ang nakakalokang samu’t-saring karamdaman.

Parang di pa husto ang sobrang sakit, maya’t maya pa ang pasok ng mga residenteng duktor upang mag-IE sa puerta para sukatin kung ilang sentimetro na ito bilang paghahanda sa paglabas ni beybi. Para bang may mahapding sugat na pilit na dinudutdot nang walang humpay. Daragdagan pa ito ng pagturok ng anestisya sa may tumbong. Parusa talaga.

Habang umiiyak dahil sa masalimuot na sitwasyon, dinadaan-daanan ka lang ng mga nars at duktor at kung nakaisip sumilip sa kurtinang pumapagitna, sasabihan ka ng, “pag humilab, ire ka lang, mommy” sabay talikod at gawa sa normal na takbo ng buhay. Para lang batang may LBM na sinasabihan ng nanay, “pag-sumakit ang tiyan, iire mo lang, anak.”

Sa sobrang awa sa sarili, sa tindi ng sakit ng buong katawan, sa takot kung ano pa ang maaaring mangyari at wala sinumang matakbuhan, totoo nga na lahat ng santo at santa ay tatawaging karamay at hahawak sa Diyos na may pananampalatayang di mo akalaing meron ka.

Hindi naman ako umabot sa puntong isumpa ang asawa at ibintang lamang sa kaniya ang sala. Aminadong kasabwat ako sa krimen pero nungka kong inasahan ang tila napakabigat na parusa nang nag-iisa.

Hindi ko rin inabot ang sukdulan ng sakit hanggang mailuwal ang bata. Nasa 6 cm na ako nang maulinigan ng mga duktor na nasa masamang kalagayan ang bata. Humina ang tibok ng puso. Kinailangan uli puspusang IE para muli siyang magising. Noong maisaayos ang lagay ng puso, itinakbo na kami sa OR para isalba siya sa pamamagitan ng hiwa o Caesarian section.

Groge man sa anestiya, naulinigan sa wakas ang unang uha. Humupa na ang sariling sigaw, ire, iyak. Sa awa ng Diyos, naiahon na ang isang paa sa hukay. Nabaon nang bigla sa limot ang anumang hirap na pinagdaanan. Ngiti ang namutawi sa bibig kasabay sa pagpikit ng mga mata. Ligtas na ang anak ko. Ligtas na siya.

Photo: www.flickr.com/photos/calmtwood

Jasmine Barrios (56 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>