curiosity

Sawsaw o babad: Anong klaseng usisero ka?

Written by

Friday, 15 January 2016 - Last Updated on January 15, 2016
curiosity

 

curiosity

Sa kasagsagan ng pinaka-unang EDSA Revolution noong 1986 at sa mga sinundang coup d’etat sa ilalim ng Administrasyong Cory Aquino, lumitaw ang salitang usi. As in usisero, hindi uzi na uri ng sandata.

Saang dako ba naman ng mundo ka makakakita ng nagbabarilan na ang mga rebelde at loyalistang sundalo, may mga tao pa rin sa tabi-tabi na para bang eksena lang ng pelikula ang pinapanood? Only in the Philippines.

Sa totoong buhay, marami rin ang mga uri ng usi lalo na kapag nahaharap ang isang tao sa problema.

Pasimple. Ito yung mga padungaw-dungaw, patingin-tingin at padaan-daan lalo na kapag may mag-asawang nagbabangayan sa kapitbahay. Hindi dahil sa may malasakit o nakaabang na makatulong kapag nagkasakitan na kundi para mas mapakinggan ang mga detalye. Bidang-bida kasi ang pakiramdam kapag sila ang makabalita ng scoop sa susunod na umpukan.

Pa-bosing. Ito ang mga animo’y inatasan bilang kataas-taasang maykapangyarihan ng Diyos. In short, feelingera. Sa kanilang paningin, sila lamang ang tama at may karapatang humusga.

Pamilyar ba ang mga salitang ito?

“Alin? Kung ako yan, hindi-hindi ko gagawin ang ginawa niyan!”

“Dapat kasi… hindi mo ginawa iyan. Dapat ganito ang ginawa mo.”

“Bakit naman ako? Hindi naman ako ganyan kumilos katulad niya.”

O di ba? Parang alam na alam nila ang dapat gawin sa bawa’t dagok na darating sa buhay? Pero kapag sila ang tinamaan ng kidlat, ito ang hirit, “Bakit ako? Dapat siya na lang dahil mas makasalanan siya.”

Pa-epek. Ito ang mga nagbabait-baitan na akala mo’y sinsero sa pagtulong pero tsismis lang pala ang pakay.

“Huwag kang mag-alala, sister. Ipagdarasal ka namin.”

Pero pagtalikod, sa halip na humimok nga na ipanalangin ang kapatid sa pananampalataya, tuwang-tuwa pang nagbabalita, “Uy, alam mo ba… si Isang pala, hiwalay na sa asawa. Kawawa naman, ano?”

Kunwari pa’y naaawa pero sa loob-loob niya’y nakauna siya sa ulat-bulatlat. Sikat.

Pasindak. Ito ang mga nagtatapang-tapangan pero bahag ang buntot sa harap ng laban.

“Iharap mo siya sa akin ngayon din para patunayan na wala akong sinabing ganyan.”

Pero kapag hinarap na nga ng hinamon, sabay pa-inosente. “Wala naman akong sinasabing ganoon. Hindi lang ako naintindihan siguro.” Biglang naging maamong tupa.

Level-up. May mas malalim pang klasipikasyon ng mga usi. Ayon kay Fr. Ed Fernandez, mass celebrant ng Ortigas Kerygma Feast, may dalawang klase nito- ang sawsaw at babad

Sawsaw. Ito ang mga taong mahilig makialam o magkomento nang magkomento pero tameme kapag nagkakaipitan na.

“Ano ba naman iyang asawa mo? Ilang taon na, wala pa ring trabaho? At may mukha pa siyang magbarkada at magbisyo? Layasan mo na!”

At naglayas nga ang pobreng misis, bitbit ang mga supling. Ang unang tinakbuhan ay ang nagbigay ng payo.

Pero ang sagot ng sawsaw, “Ha? Bakit ka lumayas? Saan ka pupunta ngayon? Ano na ang mangyayari sa inyo ng mga anak mo?”

Magaling lang sa salita pero sa aktuwal na sitwasyon biglang clueless. Kaya’t ang kawawang “tinutulungan” ay biglang naiiwan sa ere.

Babad. Ito ang mga sawsaw na maaaring mahilig makialam pero may malasakit sa oras ng pangangailangan.

“Ano ka ba? Magpacheck-up ka na. Ang tagal na ng ubo mo. Asikasuhin mo na iyan.”

“Bakit ka nagkaganyan? Ano na ang mangyayari sa buhay mo ngayon?”

Matapos ang sermon, matapos ang animo’y masasakit na salita, matapos ang mga pangaral, may kasunod na pambawi, pakikiramay at tulong na pangmatagalan.

“So ano ang balak mo ngayon? Ano ang maitutulong namin?”

Sabay dukot sa bulsa ng anumang halagang maiaabot. Magtatawag ng mga kakilalang maaaring makatulong at posibleng dumating pa sa puntong patuluyin na ang mga kaibigan, kamag-anak o kakilalang nangangailangan sa mismong tahanan nila at babahaginan ng pagkain, damit at anumang grasyang maibibigay, maibsan lang ang paghihirap ng kapwa.

Nito lang, may namayapang ka-opisina sa isang kumpanya. Halos lahat ng mga kasama sa opisina ay nakibalita, nalungkot, naiyak. Isa biyudo at ulilang-lubos kasi ang nasirang kumpare kung kaya’t halos walang napag-iwanan ang pitong anak nito. Agad sumugod sa ospital ang mga kaibigan at kaopisina, hindi lamang para damayan ang mga bata kundi alalayan. Kanilang bitbit ang tulong-pinansyal na nakolekta sa iba pang mga katrabaho, inayos ang burol ng ama at nagpalakas ng loob ng mga naulila.

Ayon kay Nancy Kimuell-Gabriel ng Kolehiyo San Beda na nagsulat tungkol sa Kasaysayang Pasalita: Ang Kulturang Filipino at Karanasan ng mga Filipinong Mananaliksik sa Larangang Pasalita, na “napakahalaga para sa mga Pilipino ang tiwala at pakikipagkapwa tao.”

Kaya’t di na rin nakapagtatakang maging likas sa atin pagiging usisero dahil ito ay isang pamamaraan ng pagpapakita ng pagmamalasakit. Yun nga lang, anong klaseng usi ba tayo? Ang uring mapagpanira o uring nakakaibsan ng sakit ng dinadala?

May mga punto sa buhay natin na naging isa tayo sa mga using puro salita at kulang sa gawa. Sawsaw kumbaga. Pero kinalaunan, kahit paano ay may nagbago sa atin. Ang mahirap lang niyan kung lumala tayo, hindi bumuti.

Kung anuman ang kinahinatnan natin, alalahanin lang na kung ano ang ginagawa natin sa kapwa ay siya ring ginagawa natin sa Maykapal. O ano? Babad na.

***
Source: Ejournals.ph/ Nancy Kimuell-Gabriel

Photo: www.flickr.com/photos/boston_public_library

Jasmine Barrios (56 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>