Salisi gang

Pinoy modus operandi ng mga mangungulimbat at manggagantso

Written by

Saturday, 6 September 2014 - Last Updated on September 6, 2014
Salisi gang

Salisi gang

 

 

Buksan ang isip, mata at tenga sa mga nangyayari sa inyong paligid. Mag-ingat sa mga mandarambong na pakalat-kalat sa tabi-tabi. Iwasan na mahulog sa kanilang mga patibong. Ugaliing alamin ang mga bagong modus operandi ng mga manloloko at magnanakaw.

Bantay salakay ng mga bag

Salisi gang sa isang fast food chain – Sa video na binahagi sa Pinoy Modus Operandi Facebook , makikitang may isang mag-ina na nakapila sa isang fast food chain. Karga-karga ng ina ang kanyang maliit na anak. Nakasabit sa kanyang balikat ang kanyang bag na nakabukas. May apat na babae na kunwari ay nakapila din upang mag-order ng pagkain ngunit sila pala ay mga magkakasabwat na kawatan. Marahil na i-spotan na ng mga mandurukot ang mag-ina at napansin ang nakabukas na bag. Para sa mga garapal na mandurukot, ang isang nakabukas na bag ay parang isang mahalimuyak na bulaklak na nakakabighani. Nakakatawag ito ng pansin dahil isa itong magandang oportunidad sa mga taong gahaman sa pera.

Habang nakapila ang mag-ina, pinalibutan siya ng apat na mandurukot. Pumwesto ang tiga-bingwit ng pitaka sa likod ng mag-ina. May suot itong scarf sa leeg na nakaladlad sa kanyang mga braso upang maikubli ang mga galaw ng kanyang malikot na kamay. Samantalang sumiksik sa paligid ang tatlong iba pa. Nagkataong maraming taong nakapila kaya hindi marahil napansin ng ina ang kakaibang kilos ng mga katabing babae. Dahil nakasiksik ang mga kawatan, hindi lingid sa ibang mga tao na mayroong nangyayaring pagnanakaw nung panahon na iyon. Maingat ang mga mandurukot sa kanilang kilos dahil baka biglang lumingon ang ina at sila ay mabuking. Nakailang tangka ang babae sa likod bago niya nakuha ang pitaka. Ang katapat na magnanakaw na nakapila sa kabilang hanay ay may suot din scraf sa leeg. Pagdukot ng babae sa pitaka, mabilis niya itong inipit sa kanyang kili-kili at sabay alis. Nawala na parang bula ang babae sa likuran ng mag-ina habang patuloy sa pagpila ang mga kasabwat nito. Wala pang ilang segundo ang nakaraan, napansin ng ina na wala na ang kanyang pitaka sa bag. Inilapag niya ang kanyang anak sa sahig at binuladkad ang kanyang bag ngunit wala na sa loob ang kanyang pitaka. Kunwari nagbago ang isip ng mga kawatan na mag-order at umalis sa pila na para walang nangyari. Nakatakas ang mga mandurukot pero ang kawawang ina ay naiwan na naghahalungkat pa din ng bag.

Munting paalala: Maging maingat sa inyong kagamitan lalo na sa inyong dalang bag. Kung mayroon itong zipper o magnetic lock, siguraduhing parati itong nakasara. Panatiling malapit sa inyong katawan ang dala-dalang bag. Ugaling maging mapagmasid sa iyong kapaligiran. Lumayo kapag mayroong napansin na kahinahinalang kilos ng ibang tao sa iyong paligid.

Laglag barya gang – May apat na magksabwat na kawatan, dalawang babae at dalawang lalaki na nambiktima sa isang fast food area. Makikita sa video na kumakain ang dalawang biktima sa isang lamesa nang may biglang umupo na dalawang tao sa kabilang lamesa na nahaharangan ng isang partisyon. May isang lalaki na tumayo malapit sa mga biktima. Samantalang ang isa sa mga kasabwat na babae ay naglakad malapit sa partisyon at pasimpleng naghulog ng isang bente at isang dolyar sa sahig malapit sa mga biktima at dali-daling umalis. Itinuro ng lalaking nakatayo ang pera at tinanong sa mga biktima kung kanila iyon at lumakad palayo sa pinangyarihan. Habang ang atensyon ng mga biktima ay nasa pera sa sahig, mabilis na hinablot ng babae sa kabilang lamesa ang bag ng biktima mula sa upuan at kumaripas palayo tangay ang bag ng walang kamalay-malay na biktima.

Munting paalala: Huwag basta-basta ilapag ang importanteng kagamitan tulad ng bag sa upuan. Maaaring nasa tabi niyo lamang ito ngunit ang mga tusong mandarambong ay maaaring gumawa ng paraan upang makuha ang inyong atensyon. Sapat na ang ilang segundo upang mawaglit sa inyong isipan ang gamit sa upuan at makuha ng mga mandurukot. Maaaring ilagay sa inyong kandungan ang bag habang kumakain upang hindi ito basta-basta makuha sa inyo. Ang mga magnanakaw sa restauran o mall ay nakabihis ng disente. Hindi akalain ng karamihan na mangungulimbat na pala ang katabi nila.

Mag-ingat sa mga mandarambong sa Internet

Manloloko sa online selling site – Maraming mga tao ang nahuhumaling sa pagbili ng kung anu-anong bagay sa Internet. Madali kasi at mabilis ang transaksiyon. Hindi mo na kailangan umalis ng bahay upang bilhin ang nais mong gamit. Ilang pindot lang sa keyboard, ayos na ngunit tandaan na maraming tuso sa Internet. Sila ay mga bantay salakay na naghihintay ng taong maaaring lokohin.

May isang nabiktima sa pagbili ng kotse sa Internet. Ayun sa biktima, may nakita siyang 1995 Chevrolet Camaro na binebenta sa halagang P150,000 sa OLX, isang online classifieds company. Naging interesado siya at tinawagan niya ito. May nakausap siya na boses Amerikano at nagkaayusan sila. Humingi ang diumanong Amerikano ng P20,000 na deposit upang madala ang kotse mula Baguio sa lugar na pinagkasunduan. Naghulog ang biktima na P20,000 sa Western Union at iti-next niya ang confirmation number sa taong kausap. Nagpunta ang biktima sa lugar na pinagkasunduan ngunit hindi dumating ang kausap. Naghintay siya doon hangang hating gabi ngunit kahit anino ng taong iyon ay hindi niya nasilayan. Hindi na din sumasagot sa text ang dating nakausap niya. Napag-alaman niya ang pangalan ng tao na nagwithdraw ng pera sa Las Piñas. Inireport niya agad ito sa pulis ngunit hindi na ito natunton. Tinanggal ng manloloko ang kanyang ad at binura ang OLX account.

Munting paalala: Mag-ingat sa pakikipag negosasyon sa mga taong hindi kilala sa Internet. Huwag basta-basta magpadala ng pera sa taong hindi mo pa nakikita lalo na kung wala kang batayan kung sila ay lehitimo. Maraming mga taong tumatangkilik sa mga online classified ads website tulad ng OLX.ph and AyosDito.ph ngunit tandaan na hindi garantisado ng mga website na ito ang pagiging lehitimo ng isang ad at hindi din ibabalik ng website ang perang inyong nawala kung sakaling kayo ay maloko.

Internet love scam – Isang babae, 49 anyos ang naloko ng isang diumanong dayuhan sa Internet at nabaon sa di inaasahang utang. Nakilala ng biktima na 15 taon ng hiwalay sa ama ng kanyang mga anak ang mandarambong sa Facebook, isang networking site. Nahulog ang kalooban ng ginang sa dayuhan dahil sa madalas nilang pagchat sa Internet. Alam ng 27 anyos na anak ng ginang ang pagmamabutihan ng kanyang ina sa dayuhan. Hindi naglaon, sinabihan ang ginang na papadalhan siya ng regalo bilang tanda ng pasasalamat. Isang kahon na naglalaman ng mamahaling cellphone, laptop, isang set ng alahas at perang nagkakahalaga ng $45,000 ang pinangakong ipapadala sa kanya. Ilang araw pagkatapos ng pag-uusap nila ng kasintahan, nakatanggap ang ginang ng isang tawag mula sa isang kumpanya dito sa Pilipinas na nagsasaad na dumating na ang package na kanyang hinihintay ngunit kailangan niyang magbayad ng P45,000 upang makuha ito. Ang kargador na anak ng ginang ay nanghiram ng pera sa kanyang amo para lamang makuha ang padala. Ngunit pagkatapos ihulog ng ginang ang pera sa bank account ng kausap, hindi dumating ang package. Nang muling tumawag, sinabihan ang ginang na nagkaroon ng problema sa customs dahil sa diumanong nakita sa loob ng kahon. Sa susunod nilang pag-uusap, tinakot ang ginang at sinabihan na may nakita silang $43,000 na nakasilid sa envelope sa loob ng kahon. Binantaan ang ginang na malaki daw ang multa na maaaring ipatanong sa kanya. Lumapit ang ginang sa Bureau of Customs (BOC) at doon napag-alaman na peke ang lahat. Sila pala ay biktima ng pandarambong sa Internet. Masakit sa kalooban ng ginang ang naging kapalaran dahil nabaon sa malaking utang ang kanyang anak ng dahil sa kanya. Hindi niya alam kung paano babayaran ang utang at interes sa amo ng anak.

Munting paalala: Mag-ingat sa mga nagkukunwaring manliligaw sa Internet. Huwag madaling maniwala sa mga matamis na mga salita at pangako. Huwag magpapadala ng pera sa taong hindi mo pa nakikilala kapalit ng isang pangako na walang katiyakan.

 

Photo by author. Videos c/o Youtube.
—————————–
Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. Rachel is a chocolate lover, full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>