Pinoy Fight Club: The first rule (Part 1)

Written by

Sunday, 3 October 2010 - Last Updated on October 3, 2010

fightclub_from_flickr_1Ano ba itong pinasukan ko?

Paulit-ulit kong itinanong ito sa sarili ko sa loob ng isa’t kalahating oras na kapiling ang mahigit kinse kataong hindi ko kilala, sa madilim at marungis na bodega sa Maynila. Dalawang bote ng beer lang ang nasa tiyan ko. Wala na agad ang amats. Naiihi ako. Napapraning ako. Gustong magyosi. Nagugulat sa bawat tunog na marinig. Iniisip kung ito na ba ang huling buntong hininga ko, o ito ba, o ito ba…

 

REWIND. Pangkaraniwang gabi, inuman kasama ang ilang kaibigan at di-masyadong kakilala. Kwentuhan, kamustahan, payabangan ng konti. Hindi ko na matandaan kung ano ang nag-udyok, pero naaalala kong sumandal malapit sa balikat ko si A*. “Gusto mo ba ng adventure?”

Hindi naman ako lasing.  Hindi naman ako nahihilo.  Kung itatanong sa akin, hindi ko rin mapapaliwanag kung bakit bumulwak mula sa lalamunan ko ang “Sige ba.”

Bigla na lang akong sumasakay sa kotse ni A. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko naman siya lubos na kakilala, kaibigan lang ng kaibigan ko. Na-enganyo kasi ako sa usapan namin, at sa misteryong dala ng kanyang imbitasyon. Hindi ko alam kung saan kami papunta at bakit, basta sumama ako. Hindi ito ang pinakamatalinong desisyong nagawa ko sa buhay ko.

Pinalipad ni A ang kotse sa mga kalsada ng Quezon City, at kahit palapit na ang hatinggabi, tila memoryado niya ang mga pasikot-sikot patungong Maynila.

“May iba ka bang t-shirt?” tanong niya. “O jacket na dark? Hindi kasi pwede yang t-shirt mo.” Puti kasi.

“Pag nandoon na tayo, wag kang titingin sa mata ng kahit sino,” sabi ni A. “Wag ka ring magtatanong masyado. Steady ka lang.”

“Iwan mo na sa kotse yung cellphone mo. Buong bag na rin,” sabi niya. “Bawal ang kamera.”

Ano ba itong pinasukan ko?

Ipinarada ni A ang kotse sa ilalim ng isang streetlight sa Maynila, pero nilakad pa namin ang kahabaan ng isang kalye bago kami naka-abot sa pupuntahan namin. Isang bodega. Natutuklap na ang mga letra sa pangalan nito. May tatlong lalaking nakatambay sa labas.

“Kasama ko,” itinuro ako ni A.

Matapos akong balaan na bawal kumuha ng litrato sa loob kahit gamit ang camera phone, nagkamot ng batok ang isa sa mga lalaki, parang ayaw talaga akong papasukin. “Sige na. Basta pag may nangyari, ikaw bahala d’yan,” sabi niya kay A.

Sa loob ng madilim na bodega, may ilang kartong nakatambak sa bawat sulok at ilan pang nakalatag sa sahig. May pickup truck na nakaparada sa loob ng bodega. May dalawang de-bateryang lampara sa loob, yung tipong ginagamit na emergency lights tuwing may brownout. May ilang lalaki na nakatayo, naglalakad-lakad. May mga nag-uusap, panakanakang tumatawa, pero wala akong mahuling salita. Hindi ko lubos makita ang mukha ng mga lalaki. May ilang mukhang sanggano—naka-sando, tsinelas, at shorts—at ilan pang mukhang kagagaling sa opisina—naka-polo, slacks, at leather shoes. May nakita pa akong naka-nursing uniform, at dalawang mukhang punkistang teenager lang.

Bumubula na sa likod ng lalamunan ko ang mga tanong, pero naalala ko ang babala ni A. Wag masyadong matanong.

Biglaan ang mga pangyayari. Biglang may sumigaw na lalaki. Naka-sando siyang itim at shorts na lampas tuhod. Maskuladong mga braso. Nakatalikod siya sa ilaw. “Sinong matapang?” sigaw niya. Nagulat ako. Napaatras ako kay A. Natahimik ang usapan sa bodega.

“Sinong matapang?” sigaw muli ng lalaking naka-sando, nakakuyom ang mga kamao, umaalingawngaw ang boses sa apat na pader, parang galit na galit. Sa likod ng isipan ko, nagpapanic na ako. Sino ba itong lalaking ito, at bakit siya sumisigaw? Bakit siya galit na galit at naghahanap ng away? Ito na ba ang sinasabi nilang juramentado? Higit sa lahat, ano ba itong pinasukan ko?

Imbes na lumayo ang mga tao sa sumisigaw, dahan-dahan pa silang lumalapit sa ilaw. Naramdaman ko ang hininga ni A sa tenga ko nang bumulong siya, “Napanood mo yung pelikulang Fight Club?”

Napanood ko. The first rule of Fight Club is you don’t talk about Fight Club.

Naghubad ng polo ang isa pang lalaki. Clean-cut siya, yung tipong ide-date ka sa misa. Tiniklop niya ang polo at inilapag sa medyo malilinis na karton. Tinanggal ang mga sapatos, medyas, at sinturon. Tapos sinapak niya sa mukha yung naka-sando.

Nagpalitan sila ng suntok at sipa. Mabilis ang aksyon. Walang umawat sa kanila. Ganoon pala yun, malayo ang tunay na tunog ng kamaong tumatama sa katawan kaysa sa tunog sa pelikula. Malalalim ang boses ng mga lalaking sabay-sabay na sumisigaw. Tatalon talaga sa lalamunan mo ang puso kapag nasa harap mo na ang karahasan, at hindi mo mapalitan ang channel o mapatay ang telebisyon. Hindi ka makaiwas. Masasapak ka sa mukha.

Walang takdang haba ang bawat laban. Hindi ito parang boxing na pwedeng umatras ang isa o umiwas sa gulpi. Todo-todo lang hanggang sa may sumuko. Pagkatapos, putok ang labi at kilay ng dalawa. Dumura sila ng dugo sa kartong nakalatag sa sahig. Nagyakapan sila para ipakitang walang sakitan ng loob, saka sila bumalik sa mga kaibigang nag-aabang sa gilid. Hindi nagtagal, may dalawang lalaki na naman na pumunta sa gitna ng grupo at nagsimula muli ang labanan.

Isa’t kalahating oras kong nilunok ang mga tanong ko, atras nang atras tuwing napapalapit sa akin ang aksyon, at pilit umiilag sa mga mata ng mga tao sa bodegang iyon. Naiihi na ako. Napapraning sa mga sigaw sa paligid ko, sa tunog ng mga suntok at lagapak ng laman sa karton sa sahig. Gusto kong magyosi. Kinakabahan ako. Ano ba itong pinasukan ko?

Hindi ko na kayang magtagal pa sa loob ng bodega. Paglabas namin ni A, nakita naming nakaupo sa bangketa ang bugbog na duguang lalaki-na-nakapolo, tumatawa kasama ng mga kaibigan niya. Ibinibida niya ang kanyang sarili na para bang hindi namin siya napanood. “Di ko alam kaya ko palang sumuntok ng ganoon,” sabi niya, tumatawa kahit maga na ang isang mata.

Pangkaraniwang gabi lang umano ito sa underground fight club kung saan nagtitipon ang iba’t ibang lalaki mula sa iba’t ibang uri at pamumuhay, nagsasama-sama para sa isang gabi ng karahasan. Bago sumikat ang araw, liligpitin at itatago o itatapon ang mga kartong natuluan ng pawis at dugo, at babalik ang mga lalaki sa kani-kanilang tahanan. Kinaumagahan, walang makakahula kung anong nangyari dito kagabi.

Mantakin mo, isa lang daw ang napuntahan ko sa maraming grupong “fight club” na nagsisulputan sa lunsod.

(Itutuloy)

*humiling na hindi ipakilala ang tunay na pangalan


Photo: “In’s In the Air” by Polina Sergeeva, c/o Flickr. Some Rights Reserved

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>