candle

Paniniwala sa albularyo, manghihilot, medico, at iba pa

Written by

Thursday, 5 February 2015 - Last Updated on February 5, 2015
candle

candleSi Linda, isang mananahi ay naniniwala sa kakayahan ng albularyo na gumamot ng karamdaman. Kapag may ubo, sipon, lagnat, sugat, bali, pananakit ng katawan, at iba pang sakit ang sinumang miyembro ng kanilang pamilya, pumupunta sila sa albularyo ng kanilang barangay.

Tanyag si “Aling Teresita” (hindi niya tunay na pangalan) bilang isang magaling na albularyo sa kanilang bayan. Halos araw-araw siyang tumatanggap ng pasyente sa kanyang bakuran. Marami sa kanyang mga ginagamot ay mga bata.

Ayon kay Linda, namana ni “Aling Teresita” ang panggagamot mula sa kanyang albularyong ina na ngayon ay matanda na at hindi na nanggagamot.

Matiyagang pumipila ang mga tao para sila ay matignan ng albularyo. Sa kanyang munting terrace nanggagamot si “Aling Teresita”. Mayroon siyang isang imahe ng Sto. Nino, isang maliit na lamesa, kahon na puno ng mga maliliit na pirasong papel, ballpen, kupita ng pandikit, at lata ng biskwit kung saan hinuhulog ng mga tao ang kanilang donasyon na pera.

Isa-isa tinitignan ni “Aling Teresita” ang mga pasyente. Tulad ng doktor, inuusisa niya kung ano ang mga sintomas na nararamdaman at kinakapa niya ang apektadong parte ng katawan. Pagkatapos kumukuha siya ng kapirasong papel mula sa kahon at sinusulatan niya ito. Pinapahiran ni “Aling Teresita” ang papel ng pandikit at tinatapal ito sa parte ng katawan na may problema. Tapal kung tawagin ito ng ibang tao. Tinatapal ang papel sa parte ng katawan na sumasakit. Kapag may lagnat, karaniwan idinidikit ang papel sa ulo. Hindi basta idinidikit ang papel. Pinapadulas ito sa parte ng katawan hanggang sa kusa nalang ito huminto at dumikit ng kusa.

Ordinaryo papel lamang ang gamit ni Aling Teresita ngunit bawat guhit o marka na nilalagay niya sa kapirasong papel ay may katumbas na dasal upang gumaling ang pasyente. Karaniwang sinasabihan ni Aling Teresita ang pasyente na huwag muna maligo o basain ang parte ng katawan na mayroong papel upang maging mabisa ang dasal.

Pinapayuhan din ni Aling Teresita ang ibang mga pasyente na magpatingin sa doktor kapag hindi niya kaya paggalingin ang isang karamdaman.

Hindi nanghihingi si Aling Teresita ng eksaktong bayad mula sa kanyang mga pasyente kundi donasyon lamang. Kung ano mang halaga ang kaya nilang ibigay ay sapat na ito para sa albularyo. Hinuhulog ng mga tao ang pera sa isang lata sa lamesa na may nakasulat na “donasyon”. May ilan naman na nagdadala ng gulay, prutas at iba-ibang pagkain biglang pasasalamat.

Uri ng mga manggagamot

Tulad ng doktor, may iba’t ibang uri o eksperto ng alternatibong panggagamot. May kanyang-kanya silang kakayanan.

Albularyo – Sa modernong panahon na ito, marami pa din ang naniniwala sa kakayahan ng mga albularyo na manggamot ng karamdaman. Sa mga probinsiya, ang mga albularyo ay kinikilala bilang “general practitioners” na nagbibigay ng pangunahing lunas sa mga ordinaryong sakit at mga karamdaman na may kinalaman sa kababalaghan. Ang kanilang kakayahan manggamot ay karaniwang pinapasa-pasa sa kanilang pamilya. Ang kaalaman tulad ng mga dasal, bulong, orasyon, at iba pang mga pamamaraan ay mula pa sa kanilang mga ninuno.

May iba’t ibang klase ng albularyo. Mayroong eksperto sa tawas, luop, tapal, bulong, orasyon, pang-kontra, at iba pang pamamaraan ng pagbibigay lunas sa karamdaman.

  • Tawas (alum) – Ang karaniwang pagtatawas ay isang ritwal kung saan ang iniindang sakit ng isang tao ay dina-“diagnose” sa pamamagitan ng interpretasyon sa hugis na nabubuo gamit ang pinainitang tawas mula sa kandila na pinatulo sa isang palanggana ng tubig.
    Sa pagdaan ng panahon, may mga nagtatawas na natutong gumamit ng ibang mga sangkap sa kanilang panggagamot.
  • Itlog – Isang hilaw na itlog ang binabasag sa isang basong tubig at ito ay dahan-dahang kinakalog. Sa pagkabasag ng puti ng itlog, nagkakaroon ng hugis ang tubig. Ito ay binabasa ng alubularyo upang matunton ang pinagmulan o dahilan ng sakit.
  • Papel – Isang papel ang binubulungan ng dasal at ineekis sa buong katawan o apektadong parte ng katawan. Tinitignan ng albularyo kung may mga aninong nabubuo at ginagamit itong batayan upong malaman ang sanhi ng sakit.
  • Binalot na papel – Isang papel ang pinapahiran ng langis ng niyog. Pagkatapos ito ay hinihingahan at dinadasalan ng albularyo. Tinatapat ang papel sa liwanag o ilaw upang basahin ang mga hugis na namuo. Mula dito, nagkakaroon ng ideya ang albularyo sa maaaring dahilan ng karamdaman.
  • Kandila – Isang sinindihang kandila ang tinatapat sa salamin ng albularyo upang basahin ang mga hugis na namuo sa salamin mula sa usok. May mga manggamot naman ng tinutunaw ang isang pirasong kandila gamit ang kutsara at nilalagay sa tubig. Binibigyan ng interpretasyon ng albularyo ang mga hugis na namuo sa tubig upang matukoy ang puno’t dulo ng sakit.

May mga albularyo na kilala sa pagluluop. Nais ko ibahagi ang kwento ni Lola Anita, isang retiradong titser na nagpapagamot sa albularyo tuwing sumasakit ang kanyang tiyan. Madalas sinasabi ng albularyo kay Lola Anita na siya ay napapaibig sa isang pagkain kaya’t sumasakit ang kanyang tiyan. Pinapayuan siya ng albularyo na magluop sa pamamagitan ng pagsunog ng isang pirasong palaspas, uling, at kapirasong pagkain (kung saan siya napaibig) sa loob ng isang lata o metal na plato. Himala naman na pagkatapos mausukan sa buong katawan si Lola Anita, nawawala ang sakit ng kanyang tiyan.

Manghihilot – Ang isang manghihilot ay eksperto sa pagbibigay lunas gamit ang paraan ng pagmamasahe. Ang karaniwang manghihilot ay gumagamit langis sa kanyang panggagamot. Mayroon din naman gumagamit ng orasyon, bulong at dasal.

Sinasagawa ang “panghihila” gamit ang dahon ng saging o kapirasong cellophane. Pinapadaan ito sa katawan. Kapag huminto ang dahon o cellophane sa isang lugar sa katawan, ito ay binibigyang pansin sa pamamagitan ng pagmamasahe.

Medico – May mga ibang albularyo na pinagsasama ang kaalaman ng alternatibong panggagamot at Scientipikong lunas. Tinatawag silang medico dahil nagbibigay sila ng preskripsyon ng gamot at minsan ay nagtuturok pa ng gamot. May ilang mga medico na natuto ng panggagamot dahil nagtrabaho sila sa ilalim ng isang doktor o tradisyonal na manggagamot.

Faith healer – Ang mga karaniwang “faith healers” ay naniniwala na binigyan sila ng Panginoon ng espesyal na kakayanan upang manggamot ng may mga sakit. May mga “faith healers” na gumagamit ng dasal, langis, krus, anting-anting, at iba’t ibang mga “paraphernalia” sa kanilang panggagamot. May mga ilan na nagsasabi na sila ay sinasapian ng espiritu upang makapagbigay ng lunas. May mga tinatawag din na “psychic surgeons” na nakakapag-opera gamit lamang ang kamay upang tanggalin ang mga masamang elemento sa katawan.

Mag-ingat at maging mapanuri

Bagama’t hindi masamang maniwala sa alternatibong panggagamot, pinapayuhan din ang madla na mag-ingat at maging mapanuri. Huwag basta-bastang iinom ng mga gamot lalo na ng antibiotics mula sa medico. Kung sa tingin ninyo na ang inyong karamdaman ay hindi gumagaling o lumalala, mas makakabuti na magpatingin sa tunay na doktor upang maresetahan ng tama at angkop sa inyong sakit. Tandaan na may mga gamot na maaaring mayroong masamang epekto o “side effects” kapag ininom na hindi angkop.

 

Photo c/o Flickr. Some rights reserved.
—————————–
Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. Rachel is a chocolate lover, full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>