airport

Paghihintay

Written by

Saturday, 12 July 2014 - Last Updated on July 23, 2014
airport

airportIlang oras na lang at darating na si Lea. Tila kaytagal ko itong hinintay kahit pa wala namang isang taon ang kontratang kinukuha niya. Seawoman si Lea at kabahagi ng kanyang trabaho ang ganitong set-up sa aming relasyon. Mahirap noong una pero ngayong pangalawang pagkakataon ng kanyang pagdating parang masasanay na ako hanggang sa magretiro siya.

Halos hindi ako makatulog nang maaayos kagabi. Sobrang excited ako sa pagdating niya.  Panay nga rin ang pag-check ko online ng status ng kanyang connecting flights. Masaya ako sa kanyang pagdating. Ang dami kong gustong ikwento sa kanya ng personal, hindi kasi sapat ang Skype lalo na kapag nasa laot siya at ilang araw na walang koneksiyon.

Gusto kong makita na niya si Tiffany, ang tutang Labrador na kasa-kasama ko sa bahay habang wala siya.  Kahit pa mahigit isang araw paglapag ng eroplanong lulan niya ko pa siya  makikita, ayos din lang basta sa pagdating niya ay andun ako kasama ng kanyang pamilya. Siyempre gusto ko siyang halikan at yakapin kapag dating niya pero malabo iyon dahil andun ang buong angkan niya. Makukuntento muna ako sa malaking ngiti at panghahawakan ang pag-asang pupuntahan niya ako sa bahay na saksi sa aming ugnayan matapos niyang gawin ang mala-ritwal na pagpapakain sa mga kamag-anak at pamimigay ng mga pasalubong sa kanilang bahay sa Bulacan.

Nagbago na ang flight status, nagpalit na ng kulay. May mga dumating ng eroplano at kabilang dito ang sinasakyan ni Lea. Hindi ko maintindihan pero mas excited ako ngayong pangalawa kaysa noong una niyang dating. Tinawag na ng Mommy ni Lea ang Daddy niya dahil nakarating na raw ang eroplano. Kaybilis kong hinigop ang pangalawang baso ng Milo at tumungo sa CR para umihi. Inayos ko ang aking buhok at naghilamos para hindi halatang napuyat ako sa kahihintay kagabi. Nagtanong ang Mommy ni Lea kung may text na daw ba sa akin ang anak nito. Wika ko’y wala pa at sa tingin ko’y baka natagalan ito sa pagkuha ng baggage niya. Ilang sandali pa ay sabay na tumunog ang cellphone ko para sa mensaheng pinakahihintay ko.

Naghihintay nga ng baggage si Lea at pagkabasa ng parehas na mensahe sa kanyang ina ay tinawagan niya ang Mommy niya para maghintay ng ilan pang sandali. Nagtanong din kung saan kakain bunga ng siya’y kanina pa raw nagugutom. Tinanong ako ng Mommy ni Lea at dahil umaga pa iyon, sabi ko ay maaaring mag- drive thru sa isang fastfood pantawid gutom tutal naman ay bongga sa mga nilutong pagkain sa bahay nila sa Bulacan.

Tumango sila at ilang sandali pa ay lumabas si Lea bitbit ang mga gamit. Sinalubong siya ng kanyang bunsong kapatid at Daddy habang nahuhuli naman ako sa paglalakad. Ayokong makiagaw ng eksena at sapat na sa aking maayos na nakauwi ang aking minamahal. Makapaghihintay ako, iyon ang palagi kong ipinapasok sa utak, at nginitian si Lea nang pagkalambing-lambing.

Dali naming tinungo ang parking area at nag-drive thru para sa pagkain sa daan. Aba, mahaba-haba rin ang ibibiyahe namin hanggang Bulacan. Gising na gising ako habang nagda-drive. Kahit sa salamin ko lang nakikita si Lea dahil sa harap umupo ang kanyang kapatid na lalaki, okay lang sa akin dahil alam ko at pasasaan ba’t ilang araw na lang ay pupuntahan kami ni Lea sa bahay. Naiinip na rin siguro si Tiffany gaya ng pagkainip ko.

Masarap ang nagsilbing brunch sa bahay nila Lea. Halos sabay-sabay na nagsasalita ang mga tao para sa iba’t-ibang kwento. Nanatili ako hanggang alas-dos ng hapon  para makapagpahinga na si Lea. Magtatawagan na lang kami mamaya kapag nakabalik na ako ng Maynila. Masaya akong umuwi balot ng pag-asang ilang oras na lang pupunta na rito sa bahay si Lea. Mayayakap ko na siya nang pagkahigpit-higpit na para bang kinabukasan ay aalis na naman siyang muli para sa panibagong kontrata.

Matutulog muna ako para ipahinga ang napagal na katawan, may bukas pa naman.

Photo: “At the airport“ by Glacomo Petronio, c/o Flickr. Some Rights Reserved.
Eva Callueng (55 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>