sorbetero

Pag mababaw ang kaligayahan: ang kuwento ni Boy C. Abenyu

Written by

Tuesday, 28 April 2015 - Last Updated on April 28, 2015
sorbetero

sorbetero

Kapag mababaw ang kaligayahan, madaling ma-kuntento. Di naman ibig sabihin na walang pangarap. Simple lang kung mag-trip at dumiskarte. Swabeng-swabe. Napapatawa sa baduy na punch lines, napapangiti sa palabirong bati sa kaarawan. Low maintenance baga. Hindi mahalaga ang regalo, mahalaga ang oras at panahon na ibinigay ng dumalo sa mahahalagang araw sa buhay natin. Kadalasan nga, ang mga taong ito, at mga kaibigan nila, araw-araw nagkikita, pare-parehong kuwento ang pinagta-tawanan, ngunit kung inyong mamasdan, sa kanilang kababawan, sila pa ang tunay na masaya, sa kabila ng kawalan ng magarang tahanan na may maid’s quarters, at Volvo sport utility vehicle. Sa kakulangan nila sa materyal, napunuan naman ng pusong mapagmahal.

Sa pagkaka-lahad, aakalain siguro ng iba na tanging mape-pera lamang ang may kakayahang mag-drama, mag-inarte, ang magkaroon ng high standards. Makakasalubong natin ang iba’t-ibang uri ng tao sa kalsada ng buhay natin. At naka-aaliw dahil itong mga tagpong mala-lahad ay maaaring halaw sa tunay na mga pangyayari. Marahil naranasan ninyo na rin, o kaya nama’y nasubaybayan ang ilan sa mga kathang tagpong ito, sa buhay ni Boy Construction (o Boy C. Abenyu, dahil kalsada ang madalas kinukumpuni nila ng amo niya).

Si Boy C. ay tumanda na sa pagiging pahinante. Maaari siyang naging foreman, ngunit ang trabaho ay patay-sindi, gaya ng tubig at kuryente nila sa kanilang barong-barong na tahanang mailap ang sikat ng araw, sa gitna ng siyudad, na ngayo’y napapaligiran na ng mga gusaling kinukumpitensya ang mga ulap, at naghihimagsik laban sa langit. Sa kung anong dahilan, hindi niya alam, ang alam lamang niya ay kahanga-hanga ang mga batong buko na ito, puno ng buko na siya niyang giliw na giliw na inaakyat noong kabataan niya, at binubuksan pamagitan ng ipin lamang upang inumin, ipanglutong gata, at ipagbili. Hindi siya bumisita kailanman sa dentista, ngunit ang ipin niya, sadyang tuwid ang pagkaka-hanay, gaya ng mga kalsadang hinu-hulma nila sa EDSA, at mga karatig siyudad.

Binihisan niya ang mga bata, upang magtungo sa simbahan, kaarawan ng panganay niya, si Elsa, mabilog na bata, bilog ang mata, bilo-bilo ang kulot na buhok. Sinuot ng nanay nila Elsa at ni Bunso ang kanilang mga pamaskong damit. Tatlong pasko na ang dinaanan ng kanilang panimba, ngunit taon-taon lumalaki ang mga bata, at ang pamasok sa eskuwelang uniporme, at pambili ng ice tubig at putok sa bakery pambaon ang mas mahalaga sa kanilang mag-asawa.

Iniwan na muna ni Boy C. ang maybahay, makapagpahinga man lang isang araw sa kalikutan ng dalawang anak niyang may pet name siyang “mga tuta.” Siya man ay niyaya ng amo niyang magpa-‘spa’ kahapon, araw ng sweldo nila, ngunit bukod sa ayaw niya sa bayarang babae (hindi naman pala iyon ang ‘spa’ na ibig sabihin ni amo), ay inilaan niya ang natipid niya sa baon niya sa pagsabit na lamang sa dyip at paglalakad papuntang site, para sa pagkain nila ng Jollyhappy chickenstick – ang parating bukambibig ng mga ‘tuta’ sa tuwing magtatanong siya kung saan nila gustong kumain sa magarang selebrasyon ng kaarawan nila. Ngunit tinabangan na sila sa ganoong gawi, at isa pa, may mas magandang surpresa siya kay Elsa, at lahat sila makikinabang, pati mga kalaro niya.

Dati-rati naman nakapapasok ang mga anak niya sa mall nang naka-sinelas lamang. Minsan ipinuslit niya ang mga bata na hindi nagpaalam sa misis niyang si Elsa (ang pinanggalingan ng pangalan ng panganay niya. Lalaki nga ang gusto niya, dapat Junior niya, si Elsa naman ang nagkaroon ng Junior), ngunit umuwing luhaan ang mga bata, pagkat natanggihan sila, dahil karapatan nga naman ng management na itaboy ang mga amoy isda at naka-syort, sando, at sinelas na may putik burak na tulad nila. Galit na galit ang misis niya nang malaman ang nangyari. Noon lamang niyang narinig na rumepeke ang bibig ng kanyang tahimik at matiising maybahay.

Ang paliwanag niya ay gusto lamang naman niya na maka-kain sa sikat na fastfood joint na pangarap kainan ng bawat bata. Bakit si Kidlat, yung snatcher ng cellphone, dahil maayos ang bihis, walang tanong-tanong, binabati pa nang may galak, at palakpak, maka-ilang bagsak, ang hinaing niya sa misis noon. “Dahil maayos ang bihis niya!,” at doon lamang niya nakitang sabog ang butas ng ilong ng nakata-tandang Elsa, at mula noon ay di na muli niyang itinakas ang mga bata.

Naglakad na lamang sila sa putikang daan, at marami ang nag-alok kay Boy C na shumat muna ng gin, rum, lambanog, at mabango ang mga pulutang sitsaron, mani, isaw, atbp., ngunit hindi ngayon panahon para lamang sa kanya. Araw nila ito ng mga anak niya. Mahalaga sa kanila. Mahalaga sa kanya. Halos sagrado, gaya ng pagsisimba.

Sa may paanan ng malawak at mataas na batong hagdan, marami ang mga namamalimos. Binigyan niya ng mamiso ang dalawang bata, upang bigyan ang sino man sa mga iyong nais niya. Siya rin ay makapagbibigay, naitigil na kasi niya ang paninigarilyo mula nang mamatay sa sakit sa baga ang Amang.

Nakagawian na nila Boy C ang magpalimos, at kapag tanggihan nila ang iba, pasasalamatan pa sila ng may paggalang, at pagtalikod nila, pakiwari niya’y nasampal siya ng sariwang tatsi ng kalabaw. Dahil siya ay hindi masyadong alagad ng kabutihan ng Diyos noong mismong oras na iyun. May iba naman, binigyan na nila ng mamahaling tinapay galing sa paborito nilang bakery sa may kanto, yung may icing pa na tig-li-limang piso ang isa, tatanggihan pa sila, at sasambiting, “Apol pay is gud, but we nid cash, Joe.”

Ang mga tuta ni Boy C ay aral-uwi ang gawi. Di nakakapamasyal, di nakala-labas ng bahay, di nagba-barkada, at di nakakapag-mall. Tuwing bibisita sila, namamangha siya at napapatingala sa mga malalaking istrukturang gawa ng mga batikang arkitekto, at dahil rito, si Elsa ay nangangarap maging arkitekto. Marahil magamit ni Boy C ang pangpatayo nila ng maayos na bahay sa matrikula niya sa kolehiyo, pero hindi na importante sa kanya ang bahay na bato. Mahalaga makatapos ang mga anak niya at magkaroon ng masayang masaganang buhay. Tutal sawa na rin naman siya sa mga bato. Kung gusto niya, makapupunta naman siya sa mga business districts para matyagan ang mga dambuhalang mga gusaling ito. At maging sa may kanila, marami na rin ang nakatayo’t iniatayo pa.

Ngunit hindi na rin sila madalas bumabalik sa mall na iyon, dahil natanggihan, at tapos magsimba, ibinibili na lamang niya ng sorbetes at lobo ang mga tuta. Kumakain na lamang sila sa karinderya. Umorder ng kalahating paksiw si Boy, at tig-i-tig-isang kanin para sa kanila, at hotdog naman para sa mga tuta.

Mausok sa tabing kalsada ng karinderya ni Mang Tonyo, na nasa may likuran lamang ng simbahan. Maraming nagbebenta sa bangketa, umiihi, dumudura, umuubo, at ang sabi ng mga eksperto sa mga nakaha-hawang sakit, ang mga lugar na ito ang kadalasang pinanggagalingan ng tuberkulosis, o sakit sa baga, na karaniwan sa mga mahihirap.

Ngunit ang mga bata, sadyang mababaw at low maintenance ang mga mumunting puso, masayang hinahampas ng lobo upang kalmutin ito ng mga pusang kalyeng balot ng sugat mula sa kapwa pusa, at sugat sa pukol ng bato at hampas ng dos-por-dos ng may-ari ng karinderya. Nagnanakaw kasi ng pagkain. Kapag nga lamang nangagat, baka may rabis, at katakut-takot na pila na naman sa opisina ni Meyor, at sa mga nagpapataya ng lotto ang aabutin ni Boy C. Di na bale, ang isip niya, ang mahalaga, naipasyal niya ang mga tuta.

Ang upuan ay isang pahabang bench na hindi pa naliliha, at magkamali lamang ng kuyakuy ang mga yagit ni Boy C, malalim na sugat na linggo kung maghilom ang kapalit. Laro lang ang mga bata, sa tabi ng kalsadang mausok, makipot, at may rumaragasang bus at dyip na ibinibyahe kahit kalbo ang gulong at pudpod ang brake discs.

Masayang isinasabaw ng mga tuta ang sorbetes sa hotdog at kanin. Nakasanayan na nilang magkapatid. Wala namang kaso sa kaniya basta uubusin lamang nila at hindi itatapon o ipapakain sa mga pusa ang pagkain. Maraming tao sa karinderya ngayon, siksikan. May tumapik sa may puwitan ni Boy C. Paglingon niya ay may namamalimos na bata. Kumuha siya sa bulsa niya sa harap ng mamiso. Dagliang tumalilis ang bata. Di man lamang nagpasalamat. Sanay na siya. Tuloy sa pagkain at pagsaway sa mga tuta.

“Halina, sa bakery ni Aling Lusing, at may sorpreeza ako sa inyo,” ang yaya ni Boy C sa mga tuta, na dagliang inubos ang natitirang sabaw ng sorbetes sa kanilang mga plato, at kinaladkad ang kanilang tatay papunta sa bakery.

Ngunit pagkapa ni Boy C sa kanyang bulsa sa likod, ay umimpis na ito. Wala na rin ang kanyang pitaka. Naalala niya yung sumiksik sa kanya sa karinderya, at yung tumapik sa bulsa niya, pati na ‘yung batang namamalimos. Magkasabwat siguro. Mga alagad ni Kidlat. Mag-uusap sila sa mga susunod na linggo, itaga niya sa bato.

“Tatay, bakit po?,” ang tanong ni Elsang tuta.

“Oh, heto na yung chocoleyt keyk na inorder mo, Boy. Maligayang bati, Elsa!,” bati ni Aling Lusing.

Nangingimi si Boy. Nais niyang manggigil sa galit, ngunit naroon ang mga tuta. Kinuha niya ang lahat ng barya sa harap ng bulsa, may sampung piso pa siya. Sapat na para sa dalawang piraso ng espesyal na tinapay na parang cake.

“Nanay Lusing, pasinsya na, na-isnatch ang pera ko sa may simbahan,” paluhang paliwanag ni Boy C, “hindi ko na po makukuha ang cake, pasinsya na, pasinsya po. Puwede pa po ba ako bumili nung tinapay na parang cake, dalawa po para sa mga bata?”

Hindi nagsalita si Aling Lusing. Tumingin sa kabilang kalsada, at tulala ang dalawang tuta. Pumasok sa loob ng bakery si Aling Lusing bitbit ang cake. Matagal bago bumalik, at lumabas na ng bakery, sa may kalsada upang harapin si Boy C.

“Boy, kaarawan nung bata, huwag nating ipagkait ang kaligayahan niya. Bayaran mo na lamang ito sa akin kapag nakaluwag-luwag ka na.”

Sabay labas ng mister ni Aling Lusing at may dala siyang kahon na may plastic cover sa taas.

Sa madaling salita, nagdungis at dumighay ng matamis na chocolate cake ang mga tuta, at kalaro nila, ang misis ni Boy C, nang hapong iyon.

Photo: www.pinterest.com/https://www.pinterest.com/leah23aviles/philippines/

Jose Francisco Cruz (38 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>