ebook

Ang bookworm at ang e-book

Written by

Friday, 22 August 2014 - Last Updated on August 31, 2014
ebook

ebook

Sinong mag-aakala na bibigay rin pala ako? Ilang taon din akong nag-tiis. Parang isang teen-ager na may bagong crush. Konting sulyap. Konting atensyon. Pasilip-silip. Minsang aayawan, minsang gusting-gusto. Hindi alam kung itutulak ba, o kakabigin. Feeling ko kasi, it’s a matter of being loyal. Pwede bang may dalawang ‘loves’ ka sa buhay?
Pero nagbago ang aking pagtingin magmula nung 2012, ng bigla na lang naisipan ng akong butihing asawa na iuwi ang bagay na aking matagal ko ng ‘crushing crush’ – ang e-book.
At nakakatuwa na nakakainis, hindi para sa akin ang e-book na inuwi nya sa bahay namin. Iyon daw ay reward dahil sa magandang grades ng aming bunso. Katulad ko ay mahilig din magbasa ang aming bunsong anak. Bawat may madaang library o bookstore, kailangang usyosohin nya. Katulad ko din. At bawat mayroong makitang libro na hindi na nya maiwan, ay talagang mag-mamaka-awang bilhin ito para sa kanya. Katulad ko rin.
Natuwa ako na na-shock nung mag-uwi ng e-book ang aking asawa. Kasi nga, di ba, ilang taon din akong nag-tiis at nagtimpi. Inayaw-ayawan ko pa sya. Pinilit-pilit na itabig. Sabi ko sa sarili ko, mas maganda ang tunay na libro. Mahahawakan mo sya. Maamoy mo sya. Feel na feel ng mga kamay mo ang mga pahina, sya ang gabay para tuklasin ang mga susunog na pahina. Pwedeng ipahiram para naman may kakwentuhan ka sa nakakatuwang mga eksena. O kaya naman pwedeng mang-hiram din. Atsaka, masarap na nakikita ang mga koleksyong libro. Tapos mas masarap pa na balik-balikan ang mga pahina dahil mayron kang paboritong quotations.
Naalala ko pa nga, may isang panahon sa buhay ko na nagkaroon ako ng interes sa mga librong inspirational. At dahil subsob ako sa mga inspirational words, talagang gumagamit pa ako ng highlighter sa i-highlight nga ang mga salita o phrases na paborito ko. Imagine, ako pa naman ang taong ayaw na madumihan ang libro. Ingat na ingat akong hindi malukot. Kaya talagang gumagamit ako ng kahit anong bookmark dahil ayaw na ayaw kong tiklupin ang pahina ng kahit anong libro. Feeling ko kasi, sacrilege yun.
Pero gusto kong lagyan ng pangalan ko at date ang mga librong binili ko. At yung mga librong regalo sa akin, gusto kong may dedication naman. Kasi ang sa akin, ang mga tunay na libro ay mananatiling akin habang buhay. Isang magandang pamana sa mga anak at sa mga apo.
Mabalik tayo sa e-book na binili ng asawa ko para sa aming bunso. Hindi talaga ako natuwa, siguro kasi sobrang inggit ko. Kasi ang usapan namin, bibilhin namin lahat ng gustong libro ng mga anak namin. Libro ang sabi ko ha, hindi e-book. Wala kaming pinag-usapang e-book. Mag-uwi ba naman ng e-book edi medyo nainis naman ako. Kasi natakot ako na mawala ang loyalty ng anak ko sa libro, baka maging tutok na lang sya sa e-book.
Ang feeling ko kasi, parang e-games din ang e-book. Parang electronic item ba na ma-aadik sya. Na magkakaron sya ng ibang mundo. Na hindi na nya kami papansinin. E sa totoo lang, aaminin ko, kapag nagbabasa ako ng libro, mayron talaga akong ibang mundo. Pinapasok ko ang mundo ng kwentong asa librong binabasa ko. Atsaka, aaminin ko din, adik din ako sa libro. Bookworm nga, di ba?
E ano bang inarte-arte ko na ayaw ko kunyari ng e-book? Samantalanang ako din ang nauna para matutunan kung papano gamitin ang e-book ng anak ko. Pero siyempre, nagtimpi din ako ng konti. Ang mga pinili naming libro para sa kanyang e-book ay mga librong para sa kanya talaga. Sige na nga, namili din ako ng dalawang libro na para sa akin, just to check, you know. Atsaka ang una naming pinuntahan ay yung mga librong libre. Siyempre, try-out muna. Atsaka sunod nito ay yung mga sample pages ba. Test-test lang talaga.
Siyempre, nag-enjoy naman ang aming bunso. Pero hindi ibig sabihin nun ay hindi na sya nagbabasa ng tunay na libro. Sa totoo lang, mas madalas ko pa nga syang makitang hawak ang mga tunay na libro kesa sa kanyang e-book. Lalo na kapag asa restaurant kami. Siguro kasi ayaw nyang magkaron ng responsibilidad. Masyado kasing maingat itong si bunso. Ayaw nyang magas-gasan, at ayaw nyang mawala. Dahil nga naman, mas mahal yung e-book nya kesa sa kanyang mga libro.
Ako naman ay curious lang. Sobrang curious. Sa sobrang curious ko, binalikan ko ang matagal ko ng tinititigan – ang amazon kindle. Oo, ibang e-book ang binili ng asawa ko para sa anak ko. Isang e-book na galing isang sikat na bookstore chain dito sa Alemanya. Kaya naman mas daming libreng libro sa German language.
E ang gusto ko siyempre ay mas mga librong English version. Kaya naman pabalik-balik ang sulyap ko sa amazon kindle. Mas marami kasi syang English books kesa dun sa e-book ng aking bunso. Sumisilip din ako sa e-book ni bunso paminsan-minsan, pero mas malaki talaga ang advantage ng amazon dahil nga sa mas marami ang kanyang English books.
Kung akala nyo ay agad-agad din akong bumigay – hindi po. Di ba nga at 2012 binili ng asawa ko yung e-book ni bunso? Nitong nakaraang buwan lang ako bumigay. Nitong nakaraang buwan lang din ako nagbasa ng mga reviews tungkol sa kindle. At nitong nakaraang buwan ko lang din nakita na merong special offer ang amazon.com.
Dahil sa mga nabasa ko (at dahil sa special offer na rin), talagang nag-isip ako. At naisip ko, pwede! Hindi dahil sa kung anong dahilan, kundi dahil nagsimula akong mag-freelance bilang English communication teacher. At dahil ayaw kong magbitbit ng ilang kilong German-English, English-German dictionary, ito ang nagtulak sa aking bumili na ng amazon kindle. Sa tinagal-tagal ng panahon na nagka-crush ako sa kindle, nitong nakaraang buwan ko lang nalaman na meron pala syang dictionaries! Ang nakakatuwa pa, iba’t ibang languages, pwede mong i-down-load. Mas nakakatuwa pa, libre!
Nakakahiya mang aminin, ang salitang ‘libre’ ang talagang dahilan kung bakit bumili ako ng e-book. Libre ang dictionaries, ang daming libreng English books (pero mas maraming libreng German books) at dahil nga freelancer ako, pwede kong gamitin ang e-book para mabawasan ang tax ko, dahil nga supposedly e gamit ko sya sa aking trabaho, di ba?
Dami ko pang paligoy-ligoy, e sa totoo lang, hindi lang crush kundi na-in love talaga ako sa kindle. Pero hindi ibig sabihin ay hindi ko na gusto ang mga tunay na libro ha. Pareho ko pa rin silang love, yun nga lang, mayron talagang advantages ang bawat isa na dapat nyong malaman.
Ang e-book ay:
– may mga libreng dictionaries
– may mga libreng libo
– kadalasan ay mas mura ang mga libro
– hindi mabigat
– hindi nangangailangan ng malaking espasyo sa bahay o sa bag
– pwedeng bitbitin kahit saan
– pwede ring lagyan ng notes at highlights
Ang real books ay:
– pwede mong bilhin ng second hand
– pwede mong ipahiram sa iba
– pwede mong i-exchange ng ibang libro
– pwede mong pagkakitaan – ibenta sa e-bay, sa flea markets, atbp.
– pwede mong itago sa iba
– pwedeng mag-collect ng kahit ilang piraso
– pwedeng i-display
– pwedeng i-regalo na may personalized handwritten dedication
– pwede kang bumili ng kahit milyong piraso
May mga disadvantage din namang makikita sa isang e-book o kaya sa real books. Sa e-books kapag deleted na ang libro, wala na. Kailangan mo sya uling bilhin. Pero ganun din naman sa real books, kapag binenta mo sya, wala na rin. Pero kayo na ang maghusga sa kanilang mga disadvantages kasi sa akin, mas marami silang advantages.
Sa huli, pwede naman palang pagsabayin ang e-book at real books. Ang tip lang: bitbitin sila depende sa kanilang advantages. Kapag may lakad, e-book; kapag sa bahay, real books.
Ngayon ay nag-eenjoy ako dahil meron akong e-book at ang dami ko pa ring real books na nag-aantay na basahin ko sila.
Raquel Erhard blogs at Home Worked.

Photos: By Raquel Erhard, some rights reserved

Racquel Erhard (4 Posts)


One thought on “Ang bookworm at ang e-book

  1. Paul

    Well written :) Natutuwa ako kasi tugma yung punto natin. How I wish na kapag nagkaanak ako, makahiligan nya rin ang pagbabasa ng libro. Cheers booklovers :)

    Reply

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>