Mga patok na negosyong “sideline” tuwing tag-init

Written by

Wednesday, 18 April 2012 - Last Updated on April 18, 2012

Nandito na naman ang panahon ng tag-init.  Hindi mo ito maitatanggi dahil sa matinding init ng sinag ng araw at sa hindi maiwasang pagtagaktak ng pawis.  Sa panahon ng tag-init, mayroong mga negosyo na swak na swak sa ating mga Pilipino. May mga maliliit na negosyo na pwedeng maging “sideline” ngayong tag-init. Alamin natin kung ano-anu ang mga ito:

 

Yelo at “ice water”

Ang isa sa mga pinakamadaling negosyo kapag tag-init ay ang pagbebenta ng yelo.  Napaka-simple lamang nito dahil kailangan mo lamang ng ice plastic at malinis na tubig. Punuin ang ice plastic ng malinis na tubig at itali ang plastic ng mahigpit.  Ilagay lamang ang mga plastic na may tubig sa loob ng freezer hanggang sa tumigas at maging yelo.  Minsan may mga tao na gustong bumili ng hindi pa lubusang nagyeyelo. “Ice water” ang kalimitang tawag nila dito.  Patok ito sa mga trabahador at mga kabataang naglalaro sa kalye. Ang buong yelo at “ice water” ay maaaring ibenta sa halagang P3 hangang P5 (depende sa laki ng plastic).

 

Halo-Halo

halo-haloAng halo-halo ay paboritong panghimagas at pang-merienda ng mga Pilipino.  Madali lamang ito gawin at magaan pa sa bulsa.

May mga Pilipino na umunlad ang buhay dahil sa simpleng halo-halo. Ayon sa artikulo sa Pinoy Bisnes Ideas, ang pamilyang Zaguirre ay naging matagumpay sa pagnenegyosyo ng halo-halo.  Itinayo ni Catalina Zaguirre ang kanyang halo-halo business sa tapat ng kanilang bahay noong 1933 sa Pagsanjan, Laguna sa kapital na P10 lamang. Naging suki niya ang kanyang mga kapitbahay at nakilala ang kanyang munting negosyo sa pangalang Aling Taleng’s Halo-Halo.  Mula noon ay dumami ang kanilang mga suki. Nanatiling matagumpay ang negosyo hangang sa ito ay minana ng kanyang apo na si Rita Zaguirre.

Ang sikat na Razon’s halo-halo ay nagsimula bilang isang maliit na eatery sa isang subdibisyon sa Guagua, Pampanga noong 1960s. Pinalaganap nila ang simple ngunit masarap na halo-halo sa kanilang bayan na nakilala bilang Razon’s halo-halo. Simple lamang ang sangkap ng kanilang halo-halo —  leche flan, macapuno at saging na saba ngunit gustong-gusto ng mga suki nila ang pagiging malambot at ma-krema nito.  Unti-unting dumami ang tindahan nila. Ngayon ang Razon’s halo-halo ay mayroong dalawampu’t siyam na tindahan at may iba pang tindahan na magbubukas.

Ang isa sa mga pinaka-malakaas na negosyo tuwing summer ay ang halo-halo.  Sa halagang dalawang libo ay maaari ka na magkaroon ng isang maliit na halo-halo business sa inyong bahay.

Ang mga kasangkapan na kailangan bilhin:

  • Pangkaskas ng yelo
  • Styrofoam box – Ito ang gagawing lalagyan ng yelo upang hindi agad matunaw.
  • Mga lalagyan na may takip – Maaaring gumamit ng mga lumang bote na hinugasan, plastic container na may takip at iba pa.
  • Baso – Mataas na basong plastik o “disposable” na mga baso
  • Kutsara – Bakal, plastik o “disposable”

Mga sangkap ng halo-halo:

Ang dami ng mga sangkap ay magiging batayan sa presyo ng halo-halo. Kapag mas maraming sangkap, mas mahal itong maibebenta. Ang halo-halo ngayon ay naglalaro sa presyong P15 hanggang P35.

  • Minatamis na saging
  • Minatamis na kamote
  • Sago
  • Gulaman
  • Beans
  • Minatamis na langka
  • Kaong
  • Nata de coco
  • Pinipig
  • Leche flan
  • Ube halaya
  • Asukal
  • Evaporated na gatas
  • Kinaskas na yelo

Paraan ng paggawa ng halo-halo:

Simple lamang ang paggawa ng halo-halo.  Ilagay ang mga sangkap at asukal sa mataas na baso at punuin ito ng kinaskas na yelo.  Lagyan ng evaporated na gatas at lagyan ng leche flan o ube halaya sa taas.  Lagyan ng kutsara at isilbi sa kostomer.

 

Bukod sa halo-halo, maaari din magtinda ng ibang mga merienda na ginagamitan ng kinaskas na yelo tulad ng mais con yelo at saba con yelo.

Mais con Yelo (Maiz con Hielo)

Mga sangkap ng mais con yelo:

  • Sweet corn kernels – Nabibili na nasa lata.
  • Evaporated na gatas
  • Corn flakes
  • Asukal
  • Kinaskas na yelo

Paraan ng paggawa ng mais con yelo:

Maglagay lamang ng ilang kutsarang sweet corn kernels sa baso. Lagyan ito ng asukal, kinaskas na yelo at evaporated na gatas. Maaaring lagyan ng konting corn flakes sa itaas. Lagyan ng kutsara at isilbi sa kostomer.

 

Saba con Yelo

Mga sangkap ng saba con yelo:

  • Minatamis na saging
  • Asukal
  • Kinaskas na yelo

Paraan ng paggawa ng saba con yelo:

Maglagay ng 2 hangang 3 minatamis na saging sa isang maliit na bowl. Lagyan ng kinaskas na yelo at evaporated milk. Lagyan ng kutsara at isilbi sa kostomer.

 

Ice candy

ice_candyAng ice candy ay mabiling-mabili tuwing tag-init lalo na sa mga bata. Ito ay nagyelong juice na nakalagay sa mahaba at manipis na plastic.  Ito ay kinakain sa pamamagitan ng pagkagat sa dulo ng plastic at pagsipsip ng nagyelong juice.

Mga sangkap ng ice candy:

  • Manipis na plastik na pang ice candy
  • Imbudo
  • Pitchel
  • Kutsara para sa panghalo

Paraan ng paggawa ng paggawa ng ice candy:

Magtimpla lamang ng kahit anong juice at ilagay ito sa mahaba at manipis na plastik gamit ang isang embutido.. Itali ang dulo ng mahigpit at ilagay sa freezer. Sa loob ng isa o dalawang oras ito ay titigas at magiging ice candy. Maaari itong ibenta ng P2 hanggang P3 bawat isa.

Ang mga karaniwang “flavor” ng ice candy ay orange, grape, mango, melon, buko at buko pandan. Maaari din magtimpla ng chocolate na inumin.

 

Ice Scramble

Sa paggawa na ice scramble, mangangailangan ng Styrofoam box, maliliit na disposable na baso at maliliit na disposable na kutsarita.

Mga pangunahin sangkap ng ice scramble:

  • Evaporated na gatas
  • Asukal
  • Banana extract o flavoring
  • Pulang food coloring
  • Kinaskas na yelo

Para sa topping:

  • Powder na gatas
  • Chocolate na syrup
  • Rice kripies

Paraan ng paggawa ng paggawa ng ice scramble:

Paghaluin ang mga pangunahing sangkap at lagyan ng kinaskas na yelo. Patakan ng kaunting pulang food coloring at haluin hangang sa maging kulay “pink.” Ilagay ito sa malinis na sytrofoam box o “insulated” na lalagyan. Ito ang magiging ice scramble base.

Lagyan ang baso ng ice scramble base at lagyan ng toppings – powder na gatas, konting chocolate syrup at rice krispies. Maaaring lagyan ng maliit na kutsarita bago ibigay sa kostomer.

 

Mga simpleng paraan upang makatulong na maging matagumpay ang negosyong sideline ngayong tag-init

  • Panatiliing malinis ang iyong mga gamit at mga sangkap. Lagyan ng takip ang mga sangkap upang hindi langawin. Mag-hugas ng kamay bago gumawa ng paninda.
  • Mag-lagay ng isang karatula upang malaman ng mga kapit-bahay at ibang taong dumadaan kung ano ang inyong tinitinda.
  • Maaaring maglagay ng isang o dalawang maliit na lamesa at ilang mga s
    ilya sa tapat ng bahay para sa mga tao na nais doon kumain.
  • Gawing abot-kaya ang presyo ng paninda upang pumatok sa masa.
  • Maging mabait at magalang sa mga kostomer. Huwag sabayan ng init ng ulo ang init ng panahon.

 

Photos: “Halo-Halo” from Wikipilipinas; “Ice candy, dessert” from FreePik.

—————————–

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University.  She took up MBA at the same university.  Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur with a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>