ghost

Mga kwentong kakatakutan

Written by

Sunday, 1 November 2015 - Last Updated on October 31, 2015
ghost

ghost

Sa tanang buhay natin, mayroon at mayroon tayong naririnig, kung hindi man, tayo mismo ang nakaranas ng nakakapanindig-balahibong engkwentro sa mga elemento o kaluluwang ligaw. Madalas, pinag-uusapan ang mga ito sa kabilugan ng buwan o tuwing undas.

Todos Los Santos na naman, kaya todo na naman ang mga kwentong kakatakutan.

Isa na rito ang nangyari kay Ellen, team leader ng isang TV production group. Napilitan silang mag-check in sa isang resort sa Cavite dahil susundan nila ang buhay ng kanilang ininterbyu mula paggising ng madaling araw hanggang sa ito’y papasok sa TESDA.

Isang maliit na bahay sa resort ang kanilang nirentahan kung saan tag-isang kwarto ang mga camera crew at ang production staff.

Magpapahinga na ang grupo, nang mapansin nilang pumasok sa palikuran ang drayber. Sa tagal nya sa loob, nainip ang production assistant na si Beth kaya’t kinatok na nito ang kasamahan.

“Kuya Joel, matagal ka pa ba riyan? May susunod pa sa iyo.”

“Walang tubig.” sambit ang drayber

“Naku! Baka gumawa ka pa ng kababalaghan diyan. Walang tulo ang gripo?” ang pabirong tugon ni Beth.

“Walang tubig.”

“Ikuha na lang kita ng dahon? Sa bukid, walang papel,” sumali naman sa pangungulit si Ellen.

“Walang tubig,” sagot pa rin nito sa malamig nitong tono.

“Bakit ganyan ang boses mo, parang walang buhay? Masakit ba tiyan mo?” natatawa pang tanong ni Ellen.

“Sige tawagan na lang namin yung maintenance nila,” dagdag ni Beth.

Papunta na si Beth sa telepono nang napalingon siya sa bukas na kwarto ng camera crew. Kasama sa mga kalalakihang nagsisiksikang matulog sa kama… ang mahimbing na nagpapahingang si Kuya Joel.

Kung napasigaw ka sa istorya ni Ellen, heto pa ang isa.

Sumama si Marlene sa kaibigan niyang taga-Tayabas, Quezon para magbakasyon ng ilang araw.

Alas tres ng madaling araw gumising na si Marlene dahil sinabi ni Ana na alas sais sila luluwas pabalik ng Maynila.

Pagkaligo, nagpunta si Marlene sa veranda upang sulyapan ang magagandang halaman sa hardin sa baba. Sa di kalayuan, napatingin siya sa kalye at nagtaka kung bakit may lolang nakatayo sa gitna ng daan.

Napansin niyang nakabaro’t saya ang matanda, nakabandana at tila nagdarasal dahil magkasalubong ang dalawang palad. Pero may napansin si Marlene na kakaiba… walang mata, walang ilong, walang bibig. Blangko ang mukha ng matanda at nakalutang sa lupa ang mga paa!

Sa bahay naman ni Derrick, may multong doppelganger, isang Alemanyang salita na ang ibig sabihin ay manggagaya.

Minsan, napansin ng kaniyang kapatid ang tatay nilang naglalakad sa hardin. Nagtaka si ate dahil oras na iyon ng tulog ni Tatay pero di na niya ito pinansin. Patuloy siya sa panonood ng TV. Mayamaya lamang, bumaba si Nanay galing sa kwarto.

“Paki sara na nga ang pinto. Gabi na,” utos ni Nanay.

“Nasa labas pa si Tatay. Nagpapahangin yata.”

“Kanina pa tulog ang Tatay mo.”

Makaraan ang ilang taon… nabili ni Derrick ang katabing bahay ng tahanan nina Tatay at Nanay. Hardin lang ang pagitan. Nagpapark na si Derrik sa tapat nang matanaw ng asawa nito ang yaya, nakaabang sa pinto. Medyo nagtampo pa ang misis niyang si Jen dahil di man lang sila sinalubong ng yaya kahit nakitang may hawak siyang mga grocery bags.

Nadatnan niya itong nakaupo kasama ang mga bata, nanonood ng teleserye.

“Nicole, kanina ka pa ba riyan? Parang napansin kita sa pinto kanina, di mo man lang ako tinulungan magbuhat.” Tanong ni Jen.

“Ate, di ko po kayo namalayan dumating ni kuya kasi malakas ang TV.”

Di na umimik si Jen. Naisip niya na malamang nagparamdam na naman si doppelganger. Hindi lang minsan ito gumaya ng anyo ng isa sa kanilang mahal sa buhay. Minsan nga, malapitan na itong nagpakita…

Minsang nakitulog ang dalawang kaibigan ni Jen sa bahay dahil ginabi sa gimmick. Tumabi si Jo kay Jen sa malaking kama samantalang yung isa pang kaibigan na si Nelly ay sa maliit na katre. Papikit na si Nelly nang lumapit si Jo at tinulak pa siya nito.

“Usog ka, tatabi ako,” sabi ni Jo.

Kahit antok na antok na si Nelly, alam niyang sa lalim ng tulog ni Jo kani-kanina lang, di ito babangon at makikisiksik sa masikip na kama. Na-realize nya na kakaibang nilalang ito. Buong tapang niyang sinungitan ang nagpapanggap na Jo, “hindi ikaw si Jo. Magpatulog ka.”
Sabay pikit ng mata at talikod.

Taray!

Bagaman marami sa mga Kristiyano ang nangungumbinsing huwag paniwalaan ang mga kwentong multo o elemento dahil ito ay kathang-isip na gawa ng demonyo, tila hindi rin naman tamang basta magwalang-bahala dahil lamang hindi lubos na nauunawaan ang mga sinasabing paranormal na karanasang ito.

Marami rin naman ang nagtatangkang magpaliwanag na ang mga galang kaluluwa ay maaaring biktima ng karahasan o di kaya’y di matanggap ang kanilang pagkamatay dahil may mahal sa buhay o bagay na di maiwan o may mga bagay na nais pa nilang tapusin o di kaya’y napawian ng buhay dahil sa biglaang pamamaraan tulad ng aksidente.

Ayon kay Lawrence Cunningham, professor emeritus ng theology sa University of Notre Dame sa Estados Unidos, “pinaniniwalaan ng Kristiyanismo na minsan pinapayagan ng Diyos ang pagpapabalik ng kaluluwa sa lupa upang magturo, magbabala o humingi ng tulong sa mga buhay.”

Pero mahigpit na ipnagbabawal ng Simbahang Katoliko ang pakikialam sa dibinasyon na pinaniniwalaang gawa ni Satanas kasama na rito ang pagtatawag sa mga kaluluwa ng patay.

Dagdag pa ni Peter Kreeft, isang philosophy professor sa Boston College, ang mga pangitain ay ebidensya ng purgatoryo kung saan mayroon tatlong uri ng multo. Ang mga malulungkutin ay nakakaranas ng puripikasyon hanggang makahiwalay na ito sa makamundong pinagkakaabalahan.

Ang mga malisyosong at manlolokong espiritu naman na tinatawag ng mga taong buhay ay galing sa impiyerno.

Samantalang ang masasayahing kaluluwa naman ng mga kaibigan at pamilya lalo na ng asawa ay dumadalaw dahil sa pinayagan ng Diyos na makabalik at hindi dahil sa tayo ang tumawag. Sila ay pinapadalaw upang siguruhin sa atin na nasa mabuti silang kalagayan.

Anuman ang turo o paniniwala ukol sa mga kababalaghan, isang bagay ang di natin dapat kalimutan, ang Espiritu ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, na siyang magsasalba sa ating kaluluwa, ligaw man o hindi. At dapat lamang na ipagdasal ang mga “lost souls” upang sila’y gabayan ng maluwalhating liwanag patungo sa kanilang tahanan sa kalangitan.
Photo: from www.flickr.com, some rights reserved

 

Jasmine Barrios (56 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>