Mas masarap magbakasyon sa bahay

Written by

Wednesday, 14 April 2010 - Last Updated on April 14, 2010

child_craftEwan ko nga ba sa mga anak ko — ang tatamad maglakwatsa.

Kahit nga kumain lang sa labas, inaayawan. Samantalang dati, isigaw mo lang na ‘Jollibee’ – naku, kahit ano ang suot nila, kahit nga walang tsinelas, takbo agad yan sa labas ng bahay.

Pero ngayon? Ang hirap na nilang hilahing palabas.

Ang init-init daw kasi. Malagkit na naman daw sila pag-uwi. Pawis na naman daw sila. Madungis. Amoy araw. Ah basta, kung anu-anong dahilan.

Eh papano pa kaya sila kung mag-plano kaming magbakasyon sa ibang lugar? Sabi namin mag-beach kami. Akala ko, magsisigawan sila sa tuwa. Aba hindi. Nagsigawan sa inis.

Bakit pa daw aalis sa bahay. Eh ang init-init daw kasi. Malagkit na naman daw sila pag-uwi. Pawis na naman daw sila. Madungis. Amoy araw. Ah basta, kung anu-anong dahilan.

Ano pang magagawa namin? Kaysa naman pilitin silang isama sa sasakyan na nagwawala; ang pangit naman yatang simula iyon ng bakasyon.

Bakasyon sa bahay ang naging desisyon. Boring ba kanyo? ‘Yun ang akala ninyo.

Alam ninyo, kayang-kayang bilangin sa mga daliri namin ang oras ng itinigil naming sa bahay kapag may mga pasok sa eskwela ang mga bata. Kaya naman siguro, para sa kanila, kapag bakasyon – mas masarap ang tumigil sa bahay.

Ngayon ang pagkakataon nila para gawin ang mag bagay na pinasintabi nila dati; o hindi nila matagal na-enjoy noong may pasok pa sila sa eskwela sa maraming kadahilanan: kailangan na nilang gumawa ng homework, matulog nang maaga, mag-attend ng activities, atbp.

Sa kauurirat ko, eto ang sinabi nilang mga dahilan kung bakit mas masarap para sa kanila ang magbakasyon sa bahay.

Charity time. Pwede na silang maghalungkat at hanapin ang mga laruan na matagal na nilang hindi nalalaro at mga damit na hindi na kasya para ibigay sa mga batang mas kailangan ang mga ito. Enjoy silang kolektahin at isalansan ang mga laruan at damit na ireregalo nila sa ibang kabataan.

Time with friends. Pagkakataon na nila para makipag-laro nang walang sawa sa mga kaibigan nila. Magbisikleta, mag-bahay-bahayan, magkipag-taguan, at kung ano-ano pa.

Larong pinoy. Panahon na rin para turuan ko pa sila ng mga tradisyonal na larong Pinoy tulad ng luksong baka at patintero (isang larong tinatawag ding harang taga o tubigan), at mabalikan ang piko at jackstones. Gusto ko din sanang mag-jolen, kaso sementado lahat ng daan dito sa amin, walang magawang butas. Sayang!

Picnic sa garahe. Masarap mag-picnic sa garahe. Simple lang. Blanket, basket na may lamang prutas at pandesal na may palaman, iced tea at mga baso. Huwag kalimutan ang plastic bag para sa basura at ang tissue para pamunas, siyempre! Ilatag ang blanket, ilapag ang basket, ilabas ang mga laman nito at magkuwentuhan.

Gardening time. Busy sila sa pagtatanim. Busy sila sa pagdidilig. Busy sila sa pagbisita sa kanilang tanim. Pati kami naiinip sa pag-usbong ng kanilang itinanim. (Sayang,natuyo ang kamatis, sobrang init kasi!)

Pet time. May oras na sila para sila mismo ang maglinis, magpakain, at makipag-usap sa kanilang kaibigang ibon.

Swimming time. Ay, masaya na sila sa loob ng timba o batya. Mas masaya kapag may tabo pa nga. Pero dahil may malapit namang public swimming pool dito sa amin, minsan, doon din sila nagtatampisaw.

Bisita time. Tuwang-tuwa sila kapag may dumarating na mga bisita sa bahay. Kasi sila ang bida. Sila muna dapat ang kausapin. Sila muna ang dapat laruin. Sila muna dapat lahat. Oo nga naman, minsan lang naman na makaharap sila ng bisita, kaya pagbigyan. Pero kapag may bisita, sila din naman kasi ang nag-aasikaso. Sila ang nag-iikot sa barangay, sila ang nagpapakilala sa mga kapitbahay, sila ang aming tourist guides.

Cleaning time. Oo naman. Enjoy din silang magkiskis ng plato, magwalis ng bahay, mag-mop ng sahig (wala lang kaming bunot, pag meron type din nila ‘yun), magpalis ng dumi, mag-wagayway ng feather duster laban sa alikabok, sumakay sa vacuum cleaner, magbuhat ng basura, at maglinis ng sasakyan.

Arts and crafts time. Nagkakaubusan ng papel at pintura o colored pens sa aming bahay kapag bakasyon. Kakapal na naman ang mga iniipon kong art work folders ng mga anak ko. At naku, dagdag kuskos na naman sa mga tumulong pintura pero di bale na, makulay naman ang mundo namin. Balak kong papinturahan sa kanila isa-isa yung mga bato-bato dito sa aming munting hardin, ano sa tingin ninyo?

Discovery time. Oras na namang maghanap ng makahiya. Manghingi ng hinog na bunga ng prutas tulad ng mangga at chico sa mga kapitbahay. Manghabol ng tutubi. Sumunod sa mga paru-paro.

Saranggola time. Puwedeng sariling gawa at puwede ding bumili sa palengke. Ang masarap doon, yung mapalipad ang saranggola. Habang ikaw ay nakatingala at pahila-hila, mawawala ka sa sarili mo at papailanglang sa itaas kasama ng iyong saranggola.

Ay, marami pang iba. Sigurado ko, pati kayo may listahan din kung bakit mas gusto ninyong magbakasyon sa bahay.

Agree naman ako sa mga anak ko. Bakit pa daw aalis sa bahay. Eh ang init-init daw kasi. Malagkit na naman daw sila pag-uwi. Pawis na naman daw sila. Madungis. Amoy araw. Ah basta, kung anu-anong dahilan.

E samantalang sa aming bahay; ganun din naman ang mangyayari sa kanila – maiinitan, lalagkit, papawisan, magdudungis – yun nga lang, hindi sasakit ang ulo nila o sasama ang sikmura sa biyahe. At makakatipid si Nanay at Tatay!

 



 

Photo: “Felt Puppets” by Alanna George, c/o Flickr. Some Rights Reserved

___

 

A former stay-at-home mom in Germany who loves to share her parenting and expat stories by blogging about them at Homeworked; Raquel Erhard is now back in the Philippines where she is a publisher of The International Filipino, a newspaper for overseas and migrant Pinoys; and has an advocacy to promote the Philippines as a tourism haven and is deep into creating a model community for retirement and healthcare of expatriates in the Philippines.

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>