swimming

Marunong ka bang lumangoy?

Written by

Tuesday, 29 July 2014 - Last Updated on July 29, 2014
swimming

swimming

Inaaamin ko, hindi ako marunong lumangoy.

Sigurado ako, hindi ako nag-iisa sa aking “problema” ng kawalan ng abilidad na lumangoy kahit na ako ay nakatira sa isang bansang napaliligiran ng tubig at binubuo ng mahigit pitong libong isla. Ironic din na hindi ako marunong lumangoy sa kadahilanang ang aming bahay ay isa’t kalahating kilometro lamang ay may dagat na.

Naalala ko dati, namasyal kami sa isang isla upang mag-snorkle. Siyempre ako at ang dalawa ko pang mga kasama nakasuot ng vest dahil natatakot kaming malunod. May kahirapang tumingin sa tubig dahil sa vest. Suportado naman ako ng aking mahal na asawa at hawak niya ang aking kamay habang nakatingin sa mga isda sa tubig kahit hindi naman malalim ang aming pinuntahan.

Nung isang linggo, kaming mag-anak ay nag-swimming. May isang pamilyang kasabay naming nagswimming din at napansin ko sa kanila, dalawang lalaki lamang ang marunong lumangoy. Ang mga salbabidang naka-abang sa pool na may tali na for emergency purposes ay ginagamit ng mga kasamang may edad na.

Parang nakikita ko ang sarili ko sa kanila, nakaupo lamang sa may hadgan ng pool o kaya nakatayo sa gilid kung saan naaabot ng paa ang ilalim.

Naikumpara ko sila sa aking mga anak na walang takot lumangoy, paroo’t parito mula sa bahaging 10ft patawid sa bahaging 4ft. Ang aking panganay na anak ay walang gamit kahit na ano sa kanyang paglangoy. Si bunso at si kuya na may mga dalang kickboard pang-suporta ay sa bandang 10ft pa naglalagi at kung madalas ay nagpapalutang-lutang pa. Proud ako siyempre, kahit na sabihing may dalang kickboard ang dalawang bata, di sila natatakot malunod kahit di sila kagalingang lumangoy.

Importante nga ba ang marunong lumangoy?

Ang sagot ay oo, importante ang marunong lumangoy.

Isa sa paboritong gawin nating mga Pinoy kapag summer vacation o kapag may long weekend ay ang mag-swimming. Ang karaniwang destinasyon ay sa pool o sa dagat. Masayang lumangoy, sa mainit na tubig katulad ng sa “hot springs,” sa maalon katulad ng sa dagat o kaya naman sa mabatong ilog. Hindi naman masasabing nakapag-swimming talaga kapag palakad-lakad lang ang gagawin sa gilid ng pool o kung saan humahampas ang alon di ba?

Ikaw na hindi marunong lumangoy ay maaaring magkaroon ng pakiramdam of being left-out kapag ang mga kasama ay masayang naglalaro sa tubig samantalang ikaw ay nasa tabi lang dahil hindi ka marunong lumangoy.

Ikaw na hindi marunong lumangoy, sasama ka ba kung napagdesisyunan ng mga kasama na mag-snorkelling? O kaya sasakay ka ba sa bangka papunta sa iba pang isla? Sasama ka ba kung magkayayaan na maglaro ng water sports? Paano mo mai-enjoy ang surfing, kayaking, canoeing, at whale-watching kung may takot at pangamba na maaaring malunod dahil sa kawalan ng abilidad sa paglangoy at ito ay isang dahilan upang hindi mai-enjoy ang bakasyong katulad nito.

Ang pinaka-importanteng advantage ng marunong lumangoy ay ang hindi pagkalunod. Oo, maaaring sabihin ng iba na hindi naman sila nagbabalak sumakay ng bangka o maging lifeguard upang matutong lumangoy. Ang swimming ay isang maituturing na life skill na nakadadagdag sa self-confidence.

Ang swimming ay nakapagpapalakas sa katawan. Hindi nga ba ito ay isang gawaing inirerekomenda para sa mga batang mahina ang pulmon? Ang swimming ay isang total body workout kung saan ang buong katawan ay kailangan upang magpush, pull, kick, and move. Not necessarily low impact pero hindi katulad ng ibang sports, mukhang mas enjoy sa swimming lalo na ang mga bata.

Sa pagkakaroon ng skills sa paglangoy, maaari din sumali sa kompetisyon hindi lamang pagpapatunay sa galing kundi upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Ito ay isang malaking hamon upang lalong pagbutihin ang sarili sa paglangoy. Ang pagsali naman sa swimming team ay isang hakbang upang matuto hindi lang sa pakikisama sa iba, pagsunod sa alituntunin at pagkakaroon ng mga bagong kaalalaman mula sa ibang swimmers ukol sa paglangoy.

Paano nga ba maituturo ang paglangoy, lalo na sa mga bata?

Bilang isang ina, ini-encourage ko ang aking mga anak na matutong lumangoy. Masaya akong nakikita sila na hindi takot sa tubig at nag-ienjoy. Ito ay isang paraan din upang matutunan nila ang pagrespeto sa tubig na bagama’t nakapagbibigay ito ng kasiyahan sa kanilang paglangoy, maaari din itong maging sanhi ng aksidente kung sila ay hindi mag-iingat.

Mayroong mga swimming lessons kapag summer vacation para sa mga bata. Ito ay isang hakbang upang matutunan nila ang mga makabagong technique sa paglangoy at sa mga safety precautions na kasama dito.

Sa paaralan ng aking mga anak, iba’t-ibang experiences na ang kanilang pinagdaanan ng may kinalaman sa paglangoy: pagligo sa waterfalls, swimming as a club, river wading o pagtampisaw sa mababaw na tubig ng ilog na nagiging paglangoy sa huli, paliligo sa ilog na may kalaliman, at pagsakay sa balsa sa lawa. May mga safety precautions sa kanilang activities katulad ng pagsusuot ng vest at pagkakaroon ng mga bantay sa lugar kung nasaan sila kaya sila ay pinapayagang sumama.

Tanong: may pag-asa pa bang matutong lumangoy ang mga hindi na bata?

Sa mga hindi na bata na gusto matuto lumangoy, pwede pa naman.

Isa sa mga dahilan upang hindi gaanong nai-encourage upang matutong lumangoy ang mga hindi na bata ay hiya. Bakit? Nakakahiya nga naman na matanda na sila hindi pa sila marunong lumangoy o kaya naman, sa isang swimming school, puro mga bata ang nag-aaral lumangoy tapos sila din tinuturuan.

Ang solusyon sa problemang ito ay maghanap ng swimming instructor o swimming school na magtuturo sa mga kasing-edad na gustong matutong lumangoy.

Maaaring may kamahalan ang kanilang singil dahil maitututring specialized group hindi dahil ito ay mga taong hindi marunong lumangoy kundi dahil may mga takot na malunod, pangambang hindi matututo agad o may kaba na baka hindi nila kayanin. Kung nahihiya maaari din mag-private swimming lessons upang mas magkaroon ng confidence na kakayanin dahil walang makakakita sa mga struggles sa tubig o kaya sa pag-panic kapag nakaramdam ng takot.

Maaaring mas matagal ang pagkatuto kumpara sa mga batang mas madaling turuan lumangoy ngunit sa kabila ng mga pagsisikap, ng countless at billed hours upang matuto lumangoy, hindi ba mas masaya naman ang kapalit na natutong lumangoy at i-enjoy ang ibang water activities?

Hindi ba masarap sabihin na (may kasamang konting yabang) : “Tignan nyo ako, marunong na ako lumangoy!”

Julie Fuertes-Custodio (33 Posts)


2 thoughts on “Marunong ka bang lumangoy?

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>