Malas-swerte sa buhay Pinoy

Written by

Friday, 5 August 2011 - Last Updated on August 5, 2011

luck-black_catLikas na sa mga Pilipino ang maniwala sa konsepto ng malas at swerte.  Marami sa mga paniniwalang ito ay ipinasa pa sa atin ng ating mga ninuno.  Kung iyong iisipin, parang nakakabit na sa puso ng Pilipino ang paniniwala sa malas at swerte magmula sa araw ng kapanganakan hangang sa kamatayan.  Madalas pinapaikot ng mga Pilipino ang kanilang buhay sa mga paniniwalang ito sa pagnanais na magkaroon na masagana, matiwasay at masayang buhay.

Maraming sa mga paniniwalang ito ay walang saysay at hindi kapani-paniwala. Ang iba pa nga ay nakakatawa ngunit ang nakakapagtaka madami pa din ang sumusunod sa mga ito. Ang iba siguro ay takot malasin. Sino nga ba naman ang gustong makaranas ng malas? Mas nanaisin nalang ng iba na sumunod para makaiwas sa malas at magkaroon ng pag-asa na baka nga mabiyayaan ng konting swerte.

Maraming mga banyaga ang hindi ito maintindihan. Kalokohan lang daw ang mga paniniwalang ito. Sayang lang daw ang oras at pagod ng mga taong sumusunod sa mga ito. Mas mabuti pa daw na pairalin ang “common sense” imbes na maniwala sa mga bagay na walang kakwenta-kwenta.

Dahil sa nakagisnan, marami pa din Pilipino ang ayaw iwanan ang mga kinagisnan na paniniwala. Wala naman daw mawawala kung tayo ay maniwala, ang madalas sabihin ng mga Pinoy.

Ang mga sumusunod ay mga iba’t ibang paniniwala na aking natipon tungkol sa konsepto ng malas at swerte.  Marahil narinig niyo na ang iba sa mga ito mula sa inyong lolo, lola, magulang, kapatid, tiyahin, tiyuhin, pinsan, kamag-aral, kapitbahay o kaibigan. Kung mapapansin niyo, halos sa bawat yugto ng buhay ng isang tao, mayroong nakadugtong na kasabihan na nagtuturo kung ano ang swerte at kabaliktaran nito.  Napakaraming mga paniniwala tungkol sa malas at swerte; ang mga sumusunod ay kapirangot lamang kung tutuusin.

Ikaw naniniwala ka din ba sa malas at swerte?


Mga bagay bagay na pinaniniwalaang nagdadala ng swerte

  • Maswerte daw ang batang pinanganak na may malaking tenga. Hudyat daw ito ng mahabang buhay.
  • Magiging masagana ang buhay ng bagong kasal kapag hinagisan sila ng bigas paglabas ng simbahan.
  • Pinapabasbasan ng mga Katolikong Pilipino ang kanilang mga bahay at pati na rin ang kanilang mga sasakyan upang swertehen at malayo sa sakuna.
  • Maswerteng regalo ang arinola sa mga taong ikakasal.
  • Hudyat ng biyaya at swerte ang ulan habang ikinakasal.
  • Maswerte ang makatangap ng pitaka na mayroong pera sa loob, papel man o barya.
  • Swerte daw pag nangati ang kanang palad dahil may parating na pera pero kapag ang kaliwa ang nangati, may darating na gastos.
  • May darating na pera kapag may mga itim na langgam na makita sa loob ng bahay. Hindi daw ito dapat paalisin para di mawala ang darating na swerte.
  • luck_fruitsMagiging swerte ang bagong lipat ng bahay kung ang uunahing ipapasok sa loob ng bagong bahay ay bigas, asukal, at tubig.
  • Maswerte ang paghanda ng mga bilog na prutas tuwing Bagong Taon.
  • Binubuksan ang ilaw, pintuan at mga bintana ng bahay pag sapit ng Bagong Taon upang papasukin ang swerte.
  • Maswerte daw ang magsuot ng damit na maraming bilog kapag bagong taon dahil ito ay simbolo ng pera.
  • Ang pagpapaputok at paglikha ng iba pang ingay ay nakakatulong upang maalis ang malas ng nakaraang taon.
  • Maswerte ang maghagis ng mga barya papasok sa bahay sa araw ng pagbasbas ng bagong bahay at tuwing bagong taon.
  • Maswerte daw ang managinip tungkol sa ahas at tae dahil may parating na pera.
  • Ang paghahanda ng mahabang noodles tulad ng pancit at spaghetti tuwing kaarawan ay hudyat ng mas mahaba pang buhay.


Mga bagay bagay na pinaniniwalaang nagdadala ng malas

  • Ang pangangalumbaba lalo na sa hapag kainan ay di magandang gawain. Bukod sa ito ay hudyat ng walang pagalang, nagdadala din daw ito ng malas.
  • Huwag magbukas ng payong sa loob ng bahay dahil uulanin ka ng kamalasan sa buhay.
  • Di dapat sinusukat ng ikakasal na babae ang kanyang traje de boda dahil baka hindi matuloy ang kasal.
  • Mamalasin ang magkasintahan kapag nahulog ang singsing, aras o belo habang ikanakasal.
  • Malas ang pagsuot ng perlas sa araw ng kasal dahil simbolo ito ng luha.
  • Malas ang magregalo ng kutsilyo at iba pang matutulis na bagay sa taong ikakasal dahil magdudulot ito ng hiwalayan.
  • Malas daw na magpakasal ang magkapatid sa parehong taon. Tinatawag itong “sukob” na maaaring magdala ng malas sa pamilya.
  • Malas ang tumangi na maging ninong o ninang sa kasal o binyag.
  • Di daw dapat na tumayong ninang sa binyag ang babaeng buntis upang maiwasan na mahirapan sa panganganak at mamatayan ng sanggol.
  • Malas daw na magpatayo ng bahay ang babaeng buntis para hindi mahirapan sa panganganak.
  • Nagdadala ng malas at naghuhudyat ng sakuna ang pusang itim. Huwag daw tumuloy sa patutunguhan kapag may dumaang itim na pusa isa iyong harapan.
  • Ang taong makakabasag na salamin ay mamalasin nang pitong taon.
  • Ang taong makapatay ng pusa, aksidente man o sadya ay mamalasin nang pitong taon.
  • Malas ang maglakad o dumaan sa ilalim ng hagdan o panhikan.
  • Kapag nagwalis sa gabi, para mo na rin winalis palabas ng iyong bahay ang swerte.
  • Kapag may nabasag na pingan o baso, may masamang mangyayari.
  • Malas ang maglabas ng pera sa gabi dahil mas madaling mauubos ang pera.
  • Malas daw ang magpautang sa buena mano o unang tao na bibili sa tindahan.
  • May dalang malas kapag nahulog ang litrato mula sa dingding.
  • May masamang mangyayaring kapag nanaginip na natangalan o nabunutan ng ipin. Para daw ito kontrahin, ibulong ang panaginip sa isang puno at kagatin ang sanga ng puno.
  • Malas daw kapag ang isang tao ay nagkikiskis ng ipin sa kanyang panaginip. Upang kontrahin ang malas, sampalin daw ang taong nanaginip ng tsinelas at itapon ito pagkatapos.
  • Hindi daw dapat humawak o magdilig ng halaman ang babaeng may regla dahil mamamatay ang mga halaman.
  • Malas daw ang magpalitrato ng tatluhan dahil unang mamatay ang nasa gitna.
  • Malas na magkaroon ng 13 na baitang ng hagdanan.
  • Malas ang magkatapat na pinto ng kwarto.
  • Hindi dapat magligpit ng mga pinagkainan kapag may kumakain pang taong hindi pa kasal. Baka daw hindi na ito makapag-asawa.
  • Hindi daw dapat magwalis kapag may mga nagbabaraha o nagsusugal dahil mawawala ang swerte ng mga naglalaro.
  • Kapag nakatangap ng panyo bilang regalo, papaiyakin ka ng taong nagbigay nito.
  • Malas daw ang maglagay ng bag sa sahig dahil madaling mauubusan ng pera ang taong gagawa nito.
  • Malas ang nunal sa ilalim ng mata dahil daluyan ito ng luha. Senyales daw ito na magiging biyudo o biyuda ang tao.
  • Hindi maganda ang maghanda ng manok tuwing bagong taon. Ang manok ay simbolo ng paghihirap dahil sa kasabihang, “isang kahig, isang tuka.”
  • Malas daw ang gumastos o magpautang sa unang araw ng taon dahil baka magpatuloy ito sa buong taon.
  • Ang asong nagaalulong ay maaaring hudyat na mayroong mamamatay na malapit sa pamilya.

luck-broken_glass


Magkakabit ba ang suerte at malas?

Nguni’t ano ba ang malas at ano ang swerte?  Hindi ba magkabilang dulo lang yan ng isang spektrum o tinatawag na continuum? Lahat ng mga pangyayari, my side A at side B. 

Sabi ng aking kaibigan:  Tingin daw niya tumigil ang mundo niya nang siya ay na-Ondoy. Nguni’t pagkalipas ng dalawang taon, may bagong bahay sila, mas malaki, mas maganda, mas mataas (dahil naglagay sila ng ikalawang palapag upang hindi maabot ng pangalawang Ondoy).  Hindi lang materyal na bagay ang regalo sa kanya ni Ondoy. Sa tingin daw niya, tumibay ang samahan nila na kanyang asawa at mga anak dahil sama-sama silang nakibaka sa unos, gutom, at hirap habang nagngangalit ang bagyo at pagkatapos  nang ito ay humupa habang sila ay naglilinis, nagliligpit, nagkukumpuni, at nagpupumilit makabangon muli. 

Sa kabilang dako, sabi sa isang pag-aaral ng mga nanalo sa grand lotto sa Amerika, karamihan ng mga nagwagi ay hindi bumuti ang  buhay, ilang taon pagkatapos nilang makuha ang dyakpat.  Naging mas makuwarta man ang iba, hindi ito nangahulugan na sila ay naging mas masaya.

Sabi naman ng maraming mapagisip, ang kapalaran ay nasa ating mga palad.  Tayo ang gumagawa ng sarili nating swerte at malas.


Photos: “Black Cat” by Joshua Brown, c/o Flickr. Some Rights Reserved; “Broken Glass at Work-12” by Eric Schmuttenmaer, c/o Flickr. Some Rights Reserved; “Dragon Fruit” by Thinh H, c/o Flickr. Some Rights Reserved.

—————————–

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University.  She took up several units of MBA at the same university.  Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur with a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>