Father Holding Daughter's Hand

Mahirap magpalaki ng magulang

Written by

Monday, 13 July 2015 - Last Updated on August 3, 2015
Father Holding Daughter's Hand

Father Holding Daughter's Hand

“Mahirap magpalaki ng magulang.” Madalas nating naririnig ito sa mga anak lalo na kung nayayamot sa ama o ina na tila di nakakaintindi sa kanilang sitwasyon.

“Talaga namang mahirap magpalaki ng magulang dahil malaki na sila,” ani naman ng isang pilosopo. Pero sa totoo lang, mahirap talang intindihin ang ating mga magulang dahil magkaibang-magkaiba ang perspektibo ng isang anak at ina o ama. Maiintindihan mo lamang sila kapag ikaw mismo ay maging isang magulang.

Kaya siguro, napakaraming naglalabasang mga pelikula tungkol sa pagpapalit ng katawan o “body swap” ng magulang at anak. Sa Hollywood palang, nariyan na ang Freaky Friday na unang ipinalabas noong 1976 kasama sina Barbra Harris at Jodie Foster. Ito’y ginawan ng remake noong 2003 nina Jamie Lee Curtis at Lindsey Lohan.

Nariyan din ang Like Father, Like Son noong 1987 nina Dudley Moore at Kirk Cameron, Vice Versa noong 1988 kasama sina Judge Reinhold at Fred Savage. Kakatawanan man ang mga sineng ito, kapag seryoshin naman ang tema, may mga magagandang aral na matututunan.

Para kay Janine, hindi kengkoy na palabas ang nagpamulat sa kaniya kundi tunay na buhay. Mula nang siya’y naging teen-ager, wala na silang ginawa ng kaniyang nanay kundi magbangayan. Muntik pa itong mauwi sa paglalayas ni Janine dahil sa sobrang galit sa nanay. Mabuti na lamang at pinigilan siya ng isang tiyahin kundi tuluyan na siyang napariwara.

Sa kanyang pagdadalantao, marami naging realisasyon si Janine. Kinailangan niyang mag-bed rest sa unang tatlong buwan dahil sa maselang pagbubuntis. Doon pa lamang, nakita na niya ang sakripisyo ng isang ina alang-alang sa ikabubuti ng anak. Sa mga panahong iyon, ni hindi makakilos ng normal si Janine. Ang mga dating gawain tulad ng pagbabadminton, paglalamierda sa iba’t ibang lugar o simpleng paglalakad ay kailangang itigil. Ni hindi siya makapunta sa palikuran o maligo man lang nang di humihingi ng tulong sa iba dahil kapag namali ang kilos, maaari itong ikasawi ng sanggol sa sinapupunan.

Noong araw ng kapanganakan ng kaniyang panganay, naranasan ni Janine ang marahil ay pinakamasakit na pisikal na sakit. Sa bawa’t hilab ng labor, papalapit sa paglabas ng bata, lahat ng uri ng dasal ay nasambit, lahat ng santo at santa ay tinawag, hindi lamang para malampasan ang kalbaryo, kundi lalo na para mailuwal ng ligtas ang kaniyang anak.
Sa pag-iisa sa labor room, sa kabila ng pabugsu-bugsong at teribleng hilab, tila mga eksena sa pelikula ang tumakbo sa kaniyang utak kung saan muling nabalikan ang mga panahong naging pasaway siya sa magulang.

Sa isang iglap, pawang naramdaman ang kurot sa puso ng ina sa bawat masasakit na salitang kaniyang binitiwan at bawa’t pagsuway na kaniyang nagawa.

Tila nadala siya sa purgatoryo at ang labis na pamimilipit sa sakit ay nagbukas ng diwa upang maintindihan kung gaano kalalim ang pagmamahal ng isang magulang sa anak na madalas ay naipapahayag ng mali kaya’t nauuwi sa di-pagkakaunawaan.

Sa sobrang pagmamahal kasi, madalas na takot na ang namamayani sa puso ng magulang upang maiwasang magkamali at masaktan ang anak. Ito ang dahilan kung bakit nagiging sobra ang paghihigpit ng magulang.

Sa pagkasanggol pa lamang, bawal madapuan ng anumang insekto ang anak sa takot na pagmulan ng sakit ang mga ito.

Sa edad na natututo nang maglakad, bawal malingat ang sinumang nagbabantay sa bata sa takot na baka madapa, masubsob o mabagok ang ulo.
Pagtuntong sa paaralan, kung pwede ay di iwanan ang anak sa takot na ma-bully ng ibang bata, o di makayanang mag-isa sa isang bagong kapaligiran.

Sa pagdating ng buhay-teenager lalo na sa anak na babae, bawal maging malapit sa mga kalalakihan sa takot na baka maligawan at mabuntis ng maaga.

Kahit sa pagtanda ng anak, kay rami pa ring ipinagbabawal ang magulang sa kung anu-anong bagay dahil sa takot pa ring magkamali at masaktan ang supling.

Samantala… ang anak ay unti-unting napupuno sa galit dahil sa dami ng ipinagbabawal ng mga magulang. Sa kagustuhang tumayo mag-isa, matuto ng mga bagong kaalaman, at lumipad nang matayog, ang pagnanais na makawala sa kapit ng magulang ay nasasamahan ng inis. Ang inis ay nagiging galit at minsan sa pagkamuhi dahil sa inaakalang sobrang paghihigpit at kakulangan sa pag-unawa ng kanilang magulang.
“Mahirap talagang magpalaki ng magulang” sabay iling dahil tila walang mararating ang madalas na alitan.

Sa pag-uha ng kaniyang bagong silang, hindi lamang tulo ng luha ng galak ang naramdaman ni Janine. Kundi luha rin ng pasasalamat sa pagbunyag sa kaniya sa Itaas kung bakit “mahirap magpalaki ng magulang.”

Kaya’t ang unang namutawi sa kaniyang labi nang makitang muli ang kaniyang mga mahal na ama’t ina, “Patawad po, pilit ko kayong pinalaki bilang magulang. Dapat kong isinantabi ang pagmamalaki bilang anak at nagpaalalay sa inyong gabay. Dahil ang lahat ng inyong sakripisyo at pagsisikap ay ginawa dahil sa inyong pagmamahal.”

Photo: from flickr.com

Jasmine Barrios (56 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>