bamboo

Lucky charms: Mga pampaswerte sa buhay

Written by

Sunday, 6 July 2014 - Last Updated on July 6, 2014
bamboo

luckyMarami sa ating mga Pilipino ang may kanya-kanyang mga pampaswerte o lucky charms.  Naniniwala ang karamihang Pinoy sa mga bagay-bagay na maaaring makapagdala ng swerte o ginhawa sa buhay.  Kahit anong bagay ay may potensyal na gamitin bilang pampaswerte. Madalas nagiging maswerte ang bagay para sa isang tao dahil sa magandang karanasan o mabuting paniniwala na kaakibat nito.

Nagtanong-tanong ako sa mga tao tungkol sa kani-kanilang mga pampaswerte at nakaipon ako ng mga tagpi-tagping kwento.

Mga bagay-bagay na maswerte – Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga maswerteng bagay na iniingatan ng mga taong aking nakilala.

Lapis at ballpen na may basbas ng Holy Water - Kwento ni Mona, isang medical representative, may pamahiin daw siya noong estudyante pa siya.  Tuwing mayroong eksaminasyon, gumagamit daw siya ng lapis o ballpen na may basbas ng pari.  Nakaugalian na niya na magtungo sa simbahan ng Antipolo taon-taon na may dalang isang kahon ng lapis at ballpen.  Ang mga ito ay kanyang pinapabasbasan sa pari.  Ginagamit niya ang mga lapis at ballpen na may basbas ng Holy Water tuwing mayroong eksaminasyon.  Ito diumaano ang kanyang ginamit noong kumuha siya ng board exam sa nursing at siya ay nakapasa.

Imahe ng Sto. Nino – Tuwing bi-byahe si Babette nang malayo, parati niyang dinadala ang isang maliit na imahe ng Sto. Nino sa kanyang bag.  Naniniwala siya na kahit saan man siya pumunta, siya ay gagabayan at ililigtas sa kapahamakan ng mahal na Sto. Nino.

Medyas – Noong nasa kolehiyo si Romano, manlalaro siya ng football. Miyembro siya ng varsity ng kanilang paaralan.  Mayroon daw siyang swerteng medyas na parati niyang suot tuwing may laban sila sa football.  Kwento ni Romano, may kapwa atleta daw siya ng nagsusuot ng rosaryo sa leeg tuwing may laban sila ng football.  

Pitaka na may pitong dollars – Ilang taon na ang nakakaraan ng regaluhan ako ng aking ina ng isang pitaka.  Katerno iyon ng bag na regalo din niya sa akin. Dati-dati kapag nagpapalit ako ng bag, nagpapalit din ako ng pitaka ngunit napansin ko na yung isang pitaka na bigay sa akin ng aking ina ay hindi nawawalan ng pera.  Naisip ko na maswerte yung pitaka na iyon. Noong binigay niya iyon sa akin, may laman itong pitong dollars. Huwag ko daw aalisin sa loob ng pitaka dahil swerte iyon.  Nagkatotoo naman ang sabi ng aking ina dahil naging maswerte ang pitaka na iyon sa akin.  Parating may lamang pera ang pitaka na iyon kaya mula noon, yun na lamang ang aking ginagamit.

rosaryRosaryo – Lahat ng aming mga sasakyan sa pamilya ay mayroong nakasabit na rosaryo. Naniniwala kami na ito ay nakakatulong na panatilihin kaming ligtas habang nasa daan.

Bala – Parating dala ni Jeremy ang isang piraso ng bala na tinangalan ng pulbura.  Dala-dala niya ito sa loob ng bag o minsan naman sa bulsa.  Ibinigay ito ng kanyang lolo noong siya ay nasa high school pa. Maswerte daw ang bala na iyon dahil tinataboy nito ang mga masasamang elemento.  Natatakot daw dito ang mga masaasamang espiritu.

Wind chimes – Swerte ang wind chimes sa bahay ayon kay Eleonor. Nagiimbita daw ng swerte ang bawat tunog ng wind chimes tuwing umiihip ang hangin. Bukod doon, nakaka-relax din ang tunog ng wind chimes para kay Eleonor.

Imahe ng pusang kumakaway – Si Tina, may-ari ng isang botika ay may meneki-neko, isang figurine ng pusa na tila kumakaway.  Nakalagay ito sa tabi ng kanyang cash register. Maraming negosyante tulad ni Tina ang naniniwala na nagdadala ito ng swerte sa negosyo. Madalas inilalagay ang meneki-neko sa may entrance o bungad ng tindahan, restauran, salon, opisina, at iba pa. Kinakawayan daw at iniimbita nito na pumasok ang swerte sa loob.

Mga hayop na nagbibigay ng swerte – Hindi lamang mga gamit ang maaaring magdala ng swerte. Maraming mga Pilipino ang nag-aalaga ng iba’t ibang uri ng hayop dahil naniniwala sila na magdadala ito ng kabutihan sa kanilang buhay.

arowanaArowana at flower horn – Si Keats, isang negosyante, ay may alagang Arowana. Ito ay isang isda na nabubuhay sa tubig tabang.  Malaki ang bibig, mahaba ang katawan at mayroong itong malalaking mga kaliskis.  Sa laya, kaya nitong tumalon  ng mataas mula sa tubig upang maabot ang anumang insekto na nakadapo sa halaman. Naniniwala si Keats na maswerte ang arowana sa buhay. May nagsasabi din na ang alagang arowana ay nakakapagsalba ng buhay ng tao.  Ilang taon na ang nakakaraan ng maaksidente ang kanyang minamanehong kotse. Himalang nakaligtas siya na walang kagalos-galos. Sa kanyang pag-uwi nalaman niya na ang alagang arowana ay bigla na lamang tumalon mula sa aquarium.  Hindi ito napansin ng kanyang kasambahay kaya namatay ang arowana. Naniniwala si Keats at ang kanyang pamilya na sinalba siya ng alagang arowana sa kapahamahakan.  Muling bumili si Keats ng arowana na kanyang pinalaki.

Bukod sa arowana, ang pagaalaga ng isdang flower horn ay sinasabi din na maswerte. Kakaiba ang itsura ng flowerhorn dahil para itong may bukol sa ulo.  Maswerte daw ang flower horn ayon sa mga Chinese.

Pusa – Si Mon, isang interior decorator ay mahilig mag-alaga ng pusa.  Nagdadala daw kasi ng swerte ang mga pusa sa kanya.  Inaalagaan niyang mabuti ang kanyang mga pusa at tinuturing na kapamilya.  Naniniwala si Mon na dumadami ang kanyang mga kliyente dahil sa dalang swerte ng kanyang mga pusa.

Mga maswerteng halaman – May mga halaman din na tinuturing nagdadala ng swerte.

Cactus – Si Cristina, isang empleyado sa hotel ay mahilig sa mga cactus. Swerte daw ang mga cactus na taliwas sa mga sinasabi ng iba na malas ang mag-alaga ng cactus dahil sa taglay nitong mga tinik. Para kay Cristina ang kanyang mga cactus ay nagdadala ng saya at sigla sa kanyang kapaligiran.

Money plant – Marami akong kakilala na mayroong money tree plant. Sa katunayan, isa na kami doon.  Nagdadala daw kasi ng swerte sa kabuhayan ang money tree plant.  Bukod dito maganda din kasing palamuti ang halaman na ito sa loob ng pamamahay.

bambooChinese bamboo – Napapalibutan ng Chinese bamboo ang garden ni Odette.  Maswerte daw kasi ang bamboo ayon sa Feng Shui.  Mabuti daw ang Chinese bamboo para sa kalusugan at kasaganahan ng pamilya kaya’t nagpasya si Odette na magtanim nito sa palibot ng kanyang garden. 

Ikaw, ano ang pampaswerte mo?

Photos: Four leaf clover c/o Pixabay. Public domain; Arowana c/o Flickr. Some rights reserved; Bamboo c/o Flickr. Some rights reserved; Rosary c/o Flickr. Some rights reserved.

—————————–

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University.  Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog calledHeart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>