mom and child

Kwento ng mga espesyal na ina

Written by

Sunday, 10 May 2015 - Last Updated on May 24, 2015
mom and child

 

,

mom and childAng pagiging ina ay hindi nasusukat sa pagsisilang lamang ng anak. May mga taong maituturing din mga ina sa espesyal na dahilan.

Kwento ni Nanay Linda

Si Linda, may edad na 57 ay isang matandang dalaga. Noong siya ay nasa edad na 20, lumipad patungong Italya ang kanyang mas nakakatandang kapatid na may isang anak sa pagkadalaga upang magtrabaho bilang domestic helper. Ipinaubaya ng kanyang kapatid sa kanya ang pangangalaga ng anak na may pangalang Angelica habang nakikipagsapalaran ito sa ibang bansa. Sanggol pa lamang ang kanyang pamangkin noong umalis ang kanyang kapatid. Si Linda ang tumayong pangalawang ina ni Angelica habang nagtratrabaho ang kapatid niya sa ibang bayan.

Buong puso niyang minahal at binigyan ng lubos na atensyon ang kanyang pamangkin. Nandoon siya nang una itong magsalita, maglakad at tumakbo. Si Linda ang nagpupuyat tuwing ang musmos ay nagkakasakit. Tinawag siya nitong Nanay Linda.
Bagamat maraming taon ang binilang na hindi umuwi ang kanyang kapatid sa Pilipinas, hindi pinagkait ni Linda ang karapatan niya bilang tunay na ina.

Habang unti-unting lumalaki at nagkakaisip ang kanyang pamangkin, ikinukwento ni Linda ang tungkol sa kanyang tunay na ina. Araw-araw niyang pinapakita ang litrato nito upang matanim sa isipan ng bata na mahal na mahal siya ng kanyang ina kahit nasa malayong lugar ito.

Nabago ang takbo ng buhay ni Linda mula nang alagaan niya ang kanyang pamangkin. Nawalan siya ng oras para sa mga kaibigan. Imbes na mamasyal, manood ng sine, at magpunta sa “party”, mas ninais pa ni Linda na manatili sa bahay upang mag-alaga ng bata. Hindi na siya nagkaroon ng nobyo dahil wala siyang panahon makipag-date.

Lahat ng gastusin sa bahay at pangangailangan ng kanyang pamangkin ay pinapadala ng kanyang kapatid. Dahil sa pagod at pagsisikap ng kapatid, nagkaroon ng mabuti at komportableng buhay si Angelica.

Hindi na nakapag-asawa si Linda dahil sa pagiging abala sa kanyang ginampanang papel sa buhay.

Pagkatapos ng 15 taon, umuwi sa Pilipinas ang kanyang kapatid kasama ang napangasawa nitong banyaga. Kukunin na daw niya si Angelica. May bahay daw sila sa Italya at may kaunting negosyo. Nais daw niyang doon pagaralin ang kanyang anak.

Parang biniyak ang puso ni Linda sa sobrang sakit nang malaman niya ang balak ng kapatid. Hindi siya tumutol dahil alam niya na wala siyang karapatan.

Naging napakahirap nang paghihiwalay nilang mag-tiya. Halos maubos ang kanilang mga luha at ayaw bumitiw sa yakap nang sila ay nasa paliparan ng eroplano. Yun na yata ang pinakamasakit na araw sa buhay ni Linda.

Kahit nagkahiwalay sila ng landas, hindi nagbago ang pagtitinginan ni Linda at ng kanyang pamangkin sa isa’t isa. Hindi kayang burahin ng distansiya ang tunay na pagmamahal.

Si Linda ay maituturing isang butihing ina kahit na hindi siya ang nagdala sa sinapupunan at nagluwal kay Angelica.

Maswerte si Angelica dahil mayroon siyang dalawang inang nagmamahal sa kanya. Mahal niya pareho ang kanyang tunay na ina at ang kanyang Nanay Linda.

Kwento ni Mama Josephine

Si Mama Josephine, real name Joselito, ay isang lalaking may pusong babae. Sabi niya bata palang siya alam na niya na siya ay ang isang tunay babae na nakulong sa katawan ng isang lalaki.

Mayroon siyang isang maliit na parlor sa Maynila. Magaling siyang gumupit ng buhok at mag-makeup. Bukod dito, masayahin at kwela din siya kaya marami siyang mga suki. Minsan may isang buntis na nagpunta sa parlor. Akala niya magpapagupit lamang ang babae ngunit ganun na lamang ang gulat ni Mama Josephine ng alukin siya ng babae na ampunin ang bata sa kanyang sinapupunan. May anim na daw siyang anak at hindi na niya kaya pang alagaan ang isa pa. Ang tanging hiling lamang niya kay Mama Josephine ay bayaran ang magagastos sa lying-in kapag siya ay nanganak.

Hindi agad nakapagdesisyon si Mama Josephine. Hindi naman niyang pingangarap na mag-ampon. Tinanong niya ang babae kung bakit sa dinami-dami ng tao, siya pa ang napili niya. Sabi ng buntis, pinagdasal daw niya sa Panginoon na bigyan siya ng hudyat kung kanino niya maaaring ipagkatiwala ang kanyang magiging anak. Nang napadaan daw siya sa tapat ng parlor, nabasa niya ang pangalan na Josephine. Yun daw ang pangalan ng kanyang lola. Mahilig sa mga bata ang kanyang lola. Nagkataon naman na death anniversary ng lola niya nung araw na iyon. Naisip ng babae na baka yun na ang hiling niyang hudyat mula sa taas.

Ilang araw ang nakalipas, bumalik muli sa parlor ang babae. Naisip ni Mama Josephine na ito ay isang malaking biyaya na hindi dapat tangihan. Nakipagkasunduan si Mama Josephine sa babae.

Nagpunta siya sa lying in noong araw ng kapanganakan. Parang nahulog agad ang damdamin ni Mama Josephine sa sanggol na ito ay kanyang halikan at mahawakan.
Pinauwi ng ina ang bata kay Mama Josephine at mula noon siya ay naging isang ina sa puso at damdamin.

May mga taong nagulat ng malaman na nag-ampon ng sanggol si Mama Josephine. Alam niya na maraming nagbubulong-bulongan sa kanyang likod. Marahil ang iba ay hindi sangayon sa kanyang ginawa. Walang pakialam si Mama Josephine sa mga sabi-sabi ng ibang tao. Basta’t gagawin niya ang lahat, mabigyan lamang ng mabuting buhay ang sanggol.

Sa kasalukuyan, ang batang inampon ni Mama Josephine ay anim na taong gulang na. Siya ang nagbigay ng inspirasyon kay Mama Josephine na lalong magsumikap sa buhay.  Tinuturin niyang isang biyaya mula sa langit ang kanyang anak. Masaya silang “mag-ina” kahit maraming mga tao na nagtataas ng kilay kapag nalaman ang kanilang sitwasyon.

Maligayang araw ng mga ina!

 

Photo c/o Flickr. Some rights reserved.
—————————–
Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>