Kuwentong kababalaghan: Manananggal, kapre atbp

Written by

Tuesday, 18 May 2010 - Last Updated on May 18, 2010

aswangMayaman sa kuwentong kababalaghan ang mga Pinoy. Maraming istorya ang bumabalot sa iba’t ibang uri ng mga nilalang na tunay namang magpapataas ng iyong balahibo.

Kinalakihan ko na ang ganitong mga kuwento kaya naman may namumuong takot sa akin kapag ako ay nag-iisa sa madilim na lugar.

Manananggal

Kapag manananggal na ang pinag-uusapan, agad sumasagi sa isipan ko ang pangatlong istorya sa Shake, Rattle & Roll noong 1984. Pinamagatan itong “Manananggal” na idinerek ni Peque Gallaga. Kuhang-kuha ng pelikulang ito ang mga katangian na nasaliksik ko tungkol sa isang manananggal. Si Irma Alegre ay pumapapel bilang isang magandang babae na nakatira sa liblib na parte ng gubat. Di siya mahilig makihalubilo sa ibang tao. Nabighani sa kanya ang isang lalaking taga-barrio (Herbert Bautista). Di naglaon nalaman ng lalaki ang sikreto ng magandang dilag isang gabing kabilugan ng buwan. Nakita niyang lumabas ng bahay ang dilag at may ipinahid na langis sa bandang tiyan. Kitang-kita niyang lumabas ang pakpak sa likod ng babae at unti-unting nahati ang katawan nito sa dalawa. Lumipad ang kalahating katawan sa himpapawid at naiwan sa lupa ang kalahating katawan. Nang nilapitan ng lalaki ito, naamoy niya ang masangsang na bituka na nakalitaw. Binudburan niya ng asin ang bituka at namilipit ang kalahating katawan sa sakit. Hudyat ito ng pagkamatay ng kalahating katawan ng mananaggal. Nagalit ang manananggal ng nalaman niya ang kinahantungan ng kanyang iniwang katawan. Inatake ng manananggal ang lalaki at kanyang pamilya sa kanilang tirahan. Upang protektahan ang kanilang mga sarili, pinaghahampas nila ito ng palaspas na may bendisyon. Nang sumikat ang araw, namatay ang manananggal at natapos ang kanilang kalbaryo.

mananggalAng manananggal daw ay mahilig lumipad sa gabi at dumapo sa bubong ng mga kabahayan upang maghanap ng butas kung saan maaari niyang isilid ang manipis at napakahabang dila sa paghahanap ng mabibiktima. Ang dila ang nagigiging instrumento ng manananggal sa paghigop ng dugo ng tao o di kaya ng sanggol sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao. Ito ay ikinamamatay ng biktima. Ayon naman sa ibang kuwento, maaari ding sundan ng manananggal ang biktima at kapag nahuling nag-iisa ay kanyang kakainin ang puso at iba pang mga laman loob nito.

Meron akong kakilala na pinagsabihan ng isang albularyo na maglagay ng asin, abo, at dinikdik na bawang sa tela at isabit sa bintana ng silid upang itaboy ang manananggal. Kasalukuyang buntis ang kanyang asawa noon. Tutal wala naman daw mawawala sa kanila, ginawa nila ang pinagbilin ng albularyo.

Aswang

Matagal ng usap-usapan na ang mga aswang ay nagmula sa mga probinsya ng Capiz, Iloilo, at Antique. Ang aswang daw sa umaga ay mukhang ordinaryong tao ngunit pagsapit ng gabi, ito ay nagiging halimaw na kumakain ng lamang-loob ng tao, lalo na ng atay. Tulad ng manananggal, ang aswang ay may mahaba at malasinulid na dila na isinisilid nito sa butas ng bubong upang mahigop ang sanggol sa sinapupunan ng isang buntis.

Paborito daw ng aswang ang mga buntis. Maaring magbalatkayo ang aswang bilang isang hayop tulad ng ibon, paniki, baboy, o aso.

Sabi ng aming kasambahay na taga-Capiz, ang aswang daw ay may alagang ibon. Ang tawag daw dito ay tiktik o wakwak. Pag malapit daw ang tunog ng tiktik o wakwak, ibig sabihin malayo ang aswang. Pero mag malayo ang tunog ng mga ito, marahil nasa malapit lang ang aswang. Ito daw ang paraan ng aswang para malito ang mga tao.

Nung ako ay buntis, nakarinig daw ang yaya ko ng tiktik na dumaan sa tapat ng bahay namin pero wala naman akong narinig. Pero natakot ako at di halos nakatulog. Awa naman ng Diyos, wala akong nakita o naramdamang di karaniwan noong gabing yun. Minsan talaga, ang takot ang nagpapalala ng sitwasyon.

Sa Panay ipinanganak at lumaki ang mga magulang ko pero kahit kailan daw di naman sila nakakita o nakaramdam ng aswang. Tinanong ko din ang mga pinsan ko na doon ipinanganak at lumaki na nagsabi na hindi pa din siya nakakita ng aswang. Nung nabubuhay pa ang lola ko, malimit kaming magpipinsan magbakasyon sa probinsya. Sabi ng lola ko meron silang taga-baryo na binansagang aswang. Di daw niya alam kung totoo yun pero yun daw ang sabi sabi sa lugar nila. Ang taong ito daw ay napakabatang tingnan para sa edad niya at itinuturong dahilan ng pagsakit ng tiyan ng ilang mga dayo sa lugar.

Naisip ko tuloy na kawawa naman ang mga taong tulad niya. Hindi biro na pagbintangan kang aswang ng mga tao sa iyong paligid.

Sa Reporter’s Notebook – Halloween Special na ipinalabas noong 2006, ipinakita ang isang babaeng taga-Panay na nagngangalang Annabelle Barrera. Siya ay naghihinagpis dahil siya ay pinagbibintangang aswang ng kanyang mga kapitbahay. Nilalayuan daw siya ng mga tao sa kanila. Di naman daw yun totoo at ang sakit na nararamdaman niya sa pagbibintang ay mas ay higit pa sa pisikal na sakit.

kapre_imageKapre

Ang kapre ang tinaguriang “big foot” ng Pilipinas. Ito ay isang maitim, mabalahibong higante na mahilig diumanong manigarilyo ng tabako. Masangsang daw ang amoy kapag may kapre sa paligid. Mahilig itong manatili sa taas ng malalaking puno tulad ng balete, matandang acacia, o di kaya’y puno ng mangga. Tinatakot ng kapre ang mga batang mahilig maglaro sa gabi. May kasabihan na kung ikaw ay naliligaw at parang paikot-ikot sa iisang lugar, baliktarin lamang ang suot na damit dahil malamang napaglalaruan ka ng kapre.

Ang sabi ng matatanda, ang kapre ay di naman napagpahamak na nilalang. Huwag lamang daw sisirain o puputulin ang kanyang tirahan. Maari daw mag-iwan ng pagkain sa paanan ng puno kung saan nakatira ang kapre, hudyat na ikaw ay kaibigan niya.

Tikbalang

Ang tikbalang ay kalahating tao at kalahating kabayo. Taglay nito ang ulo ng kabayo, katawan ng tao at paa ng kabayo.

Kapag lalakbay sa gabi, dapat daw magdala ng kasama at baka iligaw ka lamang ng tikbalang sa daan. Kayang-kaya daw ng tikbalang na gayahin ang anyo ng isang kakilala upang tuluyang iligaw ang isang tao sa kagitnaan ng gubat o bulubundukin. Kung ikaw ay naliligaw at may hinala kang isang tikbalang ang nasa likod nito, maaari daw hubarin ang suot na damit, baliktarin ito, at isuot muli.

Sa isang banda, may nagsasabing ang tikbalang ay mahilig gumala sa gabi upang pagsamantalahan ang kababaihan na makasalubon
g nito. Ang babae na pinagsamantalahan ay mabubuntis at manganganak ng isa ding tikbalang. Ayon sa aking pananaliksik, marahil daw ang kwentong ito ay binuo ng mga conquistador upang takutin ang mga Pilipino sa gabi.

Sabi naman ng matatanda pag umuulan at kasalukuyang sumisikat din ang araw, meron daw kinakasal na tikbalang.

tikbalang

Tiyanak (cha-nak)

Ang isang sanggol na bata na nakunan sa sinapupunan, ipinalaglag ng kanyang ina, o kaya’y namatay ng hindi binibinyagan ay sinasabing maaring maging isang tiyanak. Ginagamit ng masamang espiritu ang katawan ng sanggol upang umatake ng biktima. Ang tiyanak ay diumanong kumakain ng lamang-loob ng tao at umiinom ng dugo nito.

Sa araw, ang tiyanak ay mistulang isang ordinaryong sanggol. Ngunit sa gabi ito ay nagiging halimaw. Humahaba at nagiging matulis ang mga ngipin, humahaba ng mga kuko, nangingitim ang balat, at nagiging mabalahibo.

Ginagamit ng tiyanak ang iyak ng isang sanggol na naabandona upang akitin ang kanyang biktima. Ang taong magkamali na siya ay lapitan o damputin ay agad sinusungaban ng tiyanak at pinapatay. May nagsasabi din na mahilig iligaw ng tiyanak ang isang biyahero at kumidnap ng mga bata ngunit di niya pinapatay ang mga bata. Ang isang ina na magkamaling pasusuhin ang tiyanak na nag-aanyong sanggol ay mamamatay dahil sisipsipin ng halimaw ang lahat ng dugo niya.

May ilang paraan upang maiwasang maging biktima ng tiyanak. Pag may hinala na inililigaw ng tiyanak, mabutihing baliktarin ang suot ng damit. Minsan daw nagiging katawatawa ito sa tiyanak at hinahayaan na lamang ang biyahero. Takot daw ang tiyanak sa malalakas ng tunog tulad ng mga paputok tuwing bagong taon. Sindak ang tiyanak sa rosaryo at umiiwas sa amoy ng bawang.

Sa pelikula ni Lore Reyes at Peque Gallaga na pinamagatang “Tiyanak” noong 1998, maaari daw patayin ang tiyanak sa pamamagitan ng pagsunog sa orihinal na saplot ng tiyanak na nagbabalatkayong sanggol. Ang saplot na sanggol ay ang totoong balat ng tiyanak.

Dwende / nuno

Sila ay mga maliliit na nilalang na maaaring nakatira sa bahay, puno, ilalim ng lupa o sa punso. Pwede sila magdala ng suwerte sa mga tao ngunit kaya din nila gumawa ng di kanais-nais. May mga mabait na dwende at ang iba naman ay may kapilyuhan, depende sa pakikitungo sa kanila ng tao. May mga Pilipino na nag-iiwan ng pagkain sa sahig sa paniniwalang may dwendeng nakatira sa kanilang bahay. Ito ay symbolo ng mabuting pagsasamahan.

Sabi ng mga matatanda, bigkasin daw ang “tabi tabi po” pag dumadaan sa gubat o lugar na madaming puno at halaman. Paalala daw ito sa mga nuno sa punso na may dadaang tao para di sila basta-bastang magambala. Pag natapakan daw sila, maaring magkasakit ang isang tao.

dwarf

Kwento o katotohanan?

Marahil parte na ng kultura ng Pilipino ang paniniwala sa mga nilalang na nababalot ng kababalaghan. Maraming kwentong nakakatakot at nakakakilabot ang naipasapasa sa maraming henerasyon. Madalas ginagamit ng mga matatanda ang mga kwentong ganito upang takutin at sawayin ang mga bata na lumabas pag gabi.

May mga naniniwala sa mga nilalang na nabanggit ko. Meron din namang hindi.

Tandaan lamang na ang takot ay may kakayanang paikutin ang ating imahinasyon. Minsan dahil sa takot, kung anu-ano ang sumasagi sa ating guniguni.

Photos:

Screencap from Slly09 / Screencap from angdarlingkongaswang / Screencap from tiyanaks04 / Screencap from mykolcabrera / ‘Tikbalang’ by Mikel Samson. Used with permission. / ‘Squatting dwarf’ by Kai Schreiber, c/o Flickr. Some Rights Reserved.

Administrator (18362 Posts)


One thought on “Kuwentong kababalaghan: Manananggal, kapre atbp

  1. Pingback: Ano ang Manananggal? | Pandayan Bookshop

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>