beach beauty

Kapag tumitingin sa ibang chicks ang syota/mister mo

Written by

Monday, 7 March 2016 - Last Updated on March 7, 2016
beach beauty

 

beach beauty

Ang mga lalake, mga walang kwenta talaga. Ito ang pambansang awit ng mga kababaihan. Tapos na ang buwan ng mga puso, at dahil nakuha na nila ang gusto nila mula sa inyo, ay nanlalamig na sila. Hindi sila sensitive. Hindi nila makuha ang mga hinaing ninyo, at ang nais lamang nila ay ang uminom kasama ang mga tropa. Tila ang utak ay nasa ibaba. Utak sabaw, kumbaga. Kaya nga naman si Freud, inalay ang buhay at talino sa pagsasaliksik sa kuneksyon ng labing-labing at kung papaaano tumakbo ang mundo. Ang napag-alaman niya? Labing-labing sa kama ang motibo sa lahat ng desisyon ng tao. Sa lathalang ito, iiwasan nating ipako sa krus ang mga lalaking nakatira sa kweba. Sapat na ang apatanapung hagupit ng latigo sa likuran. Semana Santa na rin naman. Ang galing lang, tapos ng Pag-ibig, Semana Santa. Biro lang.

Baka may stiff neck. Isipin ninyo, saan ba galing ang stiff neck? Diyata’t napadalas ang biglaang pagbisita ninyo sa Daang Gawing Pa-Kaliwa, at medyo masidhi ang bakbakang nagaganap sa pagitan ninyong magsing-irog. Paki-tingnan na lang kung may smiley face ang diary entry ninyo kagabi. Paki-imbentaryo na rin kung ilang smiley face mayroon ang diary ninyo sa buwan ng Pebrero. Ang solusyon rito ay simpleng-simple lang. Pumunta sa spa. Samahan ninyo ang damuho. Siyan nga pala, baka kung saang spa magpunta. Sa kabilang banda naman ng batok ang stiffneck niyan paglabas, sige kayo.

Baka naman pinagseselos ka lang. Sa tagal na ng pinagsamahan ninyo, masyado ka nang kampante na siya ay iyo, at ikaw ay kanya. Pakiramdam niya paulit-ulit na lamang ang mga kaganapan sa buhay ninyo. Mula sa pag-aaral, sa mga gimik, sa mga kaibigan, trabaho, negosyo, sa mga bata, atbp. Baka panahon na upang mamasyal, na kayo lamang dalawa. Muling sariwain ang pagkaka-kilanlan sa isa’t-isa. Kumuha ng hobby kung saan may bago kayong pagkaka-sunduan, pag-uusapan, kasasabikan, at magiging kasiya-siya. Masaya ang couple shirt, pero mas mainam ang libangan na may natututunan.

Baka may commitment issues. Sa ganitong banda, wala sa inyo ang may sala. Ang sanhi ng takot sa paghangad na maging mas seryoso ang relasyon ay ang mga dating naka-relasyon. Kung ikaw ang unang katipan, tumingin sa magulang ni Utoy. Matutong makinig. Panigurado may pahapyaw iyan kung nag-aaway parati, nambababae ang tatay, o sa kasamaang-palad, nagkahiwalay ang mga mahal na magulang. Alamin rin sa mga kapatid kung totoo ang alibi. Mahirap na. Tandaan: Walang kwenta ang mga kalalakihan. Pero swabe ka lang ha. Pag binanatan mo nang: “Ate, babaero ba tatay ninyo?,” malamang masasapak ka ng panganay na babae nila.

Baka naman naumpog na. Dati-rati kahit anong sama ng ugali mo, wala kang naririning sa kanya. Bulag na bulag nga naman ang boyfriend mo sa kagandahan mo. Ngunit may isang pangyayaring nagbago ang lahat ng ito. Ito ba iyong maka-isang daang beses na pinagdala mo siya ng 10 o higit pang shopping bags at kahon. Hindi naman talaga sa bigat, mga damit at sapatos lang naman. Iyun nga lang, napansin na niya marahil, takip ang mukha nya ng mga kahon. At lagi na lamang siyang nasa likod naglalakad. Habang ikaw, naka-login sa smartphone, panay mga lalaking kaibigan ang ka-chat. At kapag may lakad kayo ng mga bago mong kakilala, hindi siya kasama.

Siya ang gumagawa ng term paper, research paper, naggu-gupit ng art paper para art project mo. Naglalampaso ng sahig, nagluluto ng tinola, nagsasaing ng bigas, at naglalaba pa-kamay. Nagca-carwash ng pagkalaki-laki mong sasakyan. Ikaw lang naman ang laman. At iyung aso mong si “Pooch” na tunay mong kinagigiliwan, dahil kasyang-kasya sa designer bags mo — siya ang nagpapaligo at nagsusuklay sa basahang asong pagkalinggit-linggit.

Baka naman panahon na para swelduhan mo siya, kung ita-trato mo lang din naman na Personal Alalay.

Baka ayaw mo magpagalaw. Sabihin ko man o hindi, alam na ninyo ang katotohanan. Huwag na tayo maglokohan. Ang tao ay banal, ngunit tao lamang. Ang sabi nga ng isang host na napamahal na sa kaniyang mga manunuod, itago natin sa pangalang Ginoong Jacket Gibb: “Ako’y marupok lamang.”

Pero teka. Definition of terms muna tayo upang di magka-lituhan sa usaping ito. Ang mga menor de edad, 16 pababa, ay off limits. Pedopilya iyan. Gawain ni Satanas. Ang one-night-stand din ay off limits. Ang affair lalo ay off limits/it’s complicated; huwag kang pumulot ng batong iuumpog sa ulo mo.

Isa lang naman ang tumbok nitong mga ito: Ang panggagamit ng ibang tao para mapunuan ang pagnanasa ng laman ay karumal-dumal.

Ngayong nagkalinawan na tayo, mga marurupok na mga tao, tanungin natin ang ating mga sarili. Mahabagin naman, ilang taon na ba kayo magkatipan o mag-asawa?

Sa magkatipan, kung ikaw ay takot na mabuntis at madungisan ang iyong pangalan, at siya naman sa tingin mo ay namimilit, mainam na maghiwalay na lamang ng tahimik. Isa lamang ang masasabi ko riyan. May mga kaibigan akong nabuntis nang maaga, ay maayos naman ang buhay. Limitahan lang ang bilang ng anak. May condom naman, at kung mahal ka niya, papayag siya magsuot ng goma. Tandaan mo, at mamimili ka ngayon: respeto ng magulang na nagpalaki sa iyo’t nagmamahal nang walang kapalit, o pasayahin ang taong mahal mo? Marahil ito ay usapin kung ang katipan ba ng isang babae ay nakikita na niya bilang potensyal na kabiyak sa buhay. Kung hindi, pakawalan na lamang. Hayaan ninyo nang tumingin at maghanap ng iba. Paka-tandaan natin, mali ang manggamit ng ibang tao para sa pansarili nating kaligayahan.

Duon naman sa magasawa, pagod lang ang dahilan kaya hindi napagbibigyan si mister. Kung umaayaw ka dahil hindi mo lang feel, hindi ba’t napaka-sadista mo naman? Ang mga aral ni Freud ay iyong balikan.

Parating may dahilan kung kaya tumitingin ang kalalakihan sa iba. Hindi patas na parating sa lalake ang kasalanan. Ngunit alam ninyo, kung tapat naman kayong mga babaeng nagmamahal at nakikisama naman sa abot ng inyong makakaya, may isa pa talagang dahilan. Huwag ninyo na sabihin sa iba. Atin-atin na lang.

Ang inyong boypren o mister, baka naman talagang, sadyang minalas ka, dahil kups lang, hanggang kaibuturan.

Ikaw naman, ngayon, ang tumingin na sa iba.
Photo credits: From Butz.2013, flickr.com, some rights reserved

 

Jose Francisco Cruz (38 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>