mask

Kapag mayroon lulong sa pinagbabawal na gamot sa pamilya

Written by

Monday, 20 July 2015 - Last Updated on July 20, 2015
mask
mask

mask

Si Bernie at Cora (hindi nila tunay na pangalan) ay nagdaan sa isang napakalaking pagsubok sa kanilang buhay nang madiskubre nila na ang kanilang panganay na anak ay naging lulong sa pinagbabawal na gamot tatlong taon na ang nakalilipas.

Noong panahon na iyon, abalang-abalang ang magasawa sa kanilang negosyo. May malaki silang manukan sa kalapit na probinsiya. Araw-araw sila dati kung pumunta sa kanilang farm upang manduhan ang kanilang mga tao at siguraduhin na walang problema. Si Bernie ay isang beterinaryo kaya siya din ang nagaalaga sa kalusugan ng kanyang mga manok. Maingat sila na hindi magkasakit o maapektuhan ng peste ang kanilang mga manok. Malaking pera ang iginugol nila sa kanilang farm kaya tutok na tutok sila dito.

Maaga palang umaalis na sila ng bahay at minsan inaabot sila ng gabi lalo na kung may importanteng dapat asikasuhin sa farm. Madalas tulog pa sa umaga ang mga bata kapag umaalis sila Bernie at Cora. Hindi sila natatakot na iwanan ang mga bata sa bahay dahil nandun naman ang mas nakakabatang kapatid ni Bernie. Siya ang naiiwan na nakakatanda sa bahay. Sa hapon o gabi nalang ang mag-anak nagkikita-kita, pwera na lamang kung malalim na sa gabi nakakarating ang mag-asawa.

Bihirang makatuntong sina Bernie at Cora sa paaaralan. Kung may mga aktibidad tulad ng palabas sa entablado ang mga bata sa paaaralan, ang kapatid ni Bernie ang nagpupunta upang manood.

Hindi namalayan ng mag-asawa na napapabayaan na pala nila ang kanilang tatlong anak. Ang katwiran nila, lahat ng ginagawa nila ay para din naman sa kanila.

Minsan isinumbong ng kapatid ni Bernie ang tila pagbabago sa ugali ng kanilang panganay na anak na si Albert (hindi tunay na pangalan). Ang dating tahimik at palaaral na binatilyo ay madalas nagdadala ng barkada sa kanilang bahay. Maingay at makalat daw ang mga kaibigan ni Albert, sabi ng kapatid ni Bernie.

Kinausap ng mag-asawa ang kanilang panganay. Tinanong nila kung saan niya nakilala ang mga bagong kaibigan. Mga estudyante din daw sila sa parehong unibersidad sabi ni Albert. Hindi pinagalitan nila Bernie at Cora si Albert ngunit pinaalalahan lamang na huwag pababayaan ang kanyang pag-aaral. Nanganko naman si Albert na mag-aaral mabuti.

Makalipas ang ilang buwan, kapansin-pansin ang pangangayayat ni Albert at madalas nitong pagalis ng bahay. Nang tanungin siya ng kanyang magulang tungkol dito, ang katwiran niya ay abala sila sa isang malaking proyekto kaya minsan nakakaligtaan niyang kumain ng tama. Doon daw sila sa bahay ng kaklase niya gumagawa ng proyekto. Panay din ang hingi ng pera ni Albert kay Bernie at Cora. Buong tiwala naman ang mag-asawa na ang perang binibigay nila ay para sa proyekto. Ang hindi nila alam, unti-unti na palang nabubuyo ng mga kaibigan si Albert na gumamit ng pinagbabawal na gamot. Madalas na pala itong hindi pumapasok sa unibersidad at tumatambay sa apartment ng kaibigang addict.

Di naglaon, nadiskubre ni Cora na nawawala ang mamahaling cellphone at tablet ni Albert. Nang tanungin nila ang binata, na-“snatch” daw sa kanya ilang buwan na ang nakakaraan. Hindi daw niya ito ipinagtapat dahil natatakot siya na mapagalitan. Naniwala naman si Cora at nagpasalamat na walang nangyaring masama kay Albert. Tamang-tama naman na malapit na ang kaarawan ni Albert kaya naisipan nilang bilhan ito ng bagong cellphone at tablet, kapalit ng nawalang mga gamit. Tuwang-tuwa ang binata nang malaman niya ito.

Humingi si Albert ng pera sa magulang sa araw ng kanyang kaarawan. Ililibre daw niya ang kanyang mga kaibigan sa isang pizza parlor. Hindi naman nagdalawang-isip ang mag-asawa na bigyan siya ng pera.

Hindi nagtagal nakatanggap ng tawag ang mag-asawa mula sa unibersidad. Nagulantang sila ng malaman na hindi na pala pumapasok si Albert sa paaaralan. Wala pa din daw silang natatanggap na bayad para sa kasalukuyang semester. Agad nilang tinawagan ang anak sa kanyang cellphone pero iba ang sumagot. Binenta daw sa kanya ang cellphone na iyon ni Albert isang linggo na ang nakararaan.

Galit na galit ang mag-asawa nang dumating si Albert kinagabihan. Nang tanungin kung saan siya galing, mabilis na sumagot ang binatilyo at sinabing nag-research daw siya sa library kaya gabi na dumating. Nang hanapin sa kanya ng magulang ang cellphone at tablet, yumuko si Albert at sinabi na muling nanakaw ang kanyang gamit.

Huling-huli ni Bernie at Cora ang pagsisinungaling ng kanilang anak. Napaiyak sa sama ng loob si Cora. Nang makita ng anak ang luha ng kanyang ina, napaluha na din ito.

Kinausap ng mag-asawa ang kanilang panganay tungkol sa mga nadiskubre nila. Wala ng nagawa si Albert kundi aminin na ginamit niya ang pera sa ibang bagay ngunit ayaw niya naman sabihin kung anong bagay ito. Naging tikom ang bibig ni Albert nang tanungin na siya tungkol sa mga kaibigan. Siya pa ang nagalit nang sabihin ng kanyang magulang na masamang impluwensiya sa kanya ang mga ito.

Pinagbawalan ng magulang si Albert na lumabas ng bahay. Laking gulat na lamang nila ng magwala ito dahil ginagawa siyang preso sa sarili niyang pamamahay. Nagtapon at nagbasag siya ng mga gamit. Ang dati nilang mabait at malumanay na anak ay biglang naging mainitin ang ulo.

Nang ipagdugtong-dugtong nila ang mga obserbasyon at mga nangyari, kinutuban sina Bernie at Cora. Humingi sila ng tulong sa ibang mga kamag-anak at dinala nila si Albert sa doktor. Doon napag-alaman na lulong sa pinagbabawal na droga si Albert.

Napakasakit ng nangyari sa kanilang pamilya ngunit pinilit nila maging matatag. Dinala nila si Albert sa isang rehabilitation center upang magpagaling.

Pagkatapos ng maikling panahon ay pinatawag ng center sina Bernie at Cora upang makausap ang anak. Naging madamdamin ang kanilang muling pagkikita. Parang natauhan ang binatilyo sa mga mali niyang nagawa. Humingi siya ng tawad sa magulang at humiling na bigyan pa siya muli ng pagkakataon na matuwid ang mga pagkakamali at makabalik sa unibersidad.

Mahigpit na niyakap nina Bernie at Cora ang kanilang panganay at sinabing pinapatawad na nila ito. Humingi din sila ng paumanhin sa anak dahil sa kanilang kakulangan bilang magulang. Nangako sila na bibigyan nila ng mas maraming oras ang pamilya upang matiyak na wala ng mawawala sa landas sa kahit sinuman sa kanilang mga anak.

Nagpasya ang mag-asawa na ilipat ng ibang unibersidad si Albert upang malayo sa tukso. Ipinaalam din nila sa paaralan ang mga pangalan ng mga kabarka ng anak upang masabihan ang kanilang mga magulang.

Ayon sa Centre for Addiction and Mental Health, ang adiksiyon ay isang ugali o gawain na mahirap ihinto at maaaring makasira sa buhay ng isang tao at mga taong malalapit sa kanya. Isang halimbawa nito ay ang adiksiyon sa droga.

Walang isang sanhi kung bakit nalululong ang isang tao sa pinagbabawal na gamot. Maraming posibleng dahilan sa likod ng pang-aabuso sa droga. Maaaring ikubli ang “addiction” pansamantala ngunit lilitaw din ang katotohanan tulad ng basurang itinago sa loob ng isang kahon. Kahit gaano pa kaganda ng balot ng kahon, lalabas at lalabas din ang masangsang na amoy ng basura. Ganyan ang adiksiyon. Kahit pilit itong itago, darating ang panahon na malalaman ng ibang tao ang tungkol dito.

Walang edad na pinipili ang adiksiyon sa droga. Maaari itong maranasan ng mga teenagers o mga nakakatanda. Ang adiksiyon sa droga ay nakakaapekto hindi lamang sa indibidwal ngunit sa kanyang buong pamilya. Kapag mayroong miyembro ng pamilya na lulong sa pinagbabawal na gamot, buong pamilya ang nagdurusa.

Buksan ang mga mata sa mga posibleng indikasyong ng adiksiyon sa droga tulad ng mga sumusunod:

  • Madalas ng pag-“absent” sa paaralan o trabaho
  • Kawalan ng gana o “interest” sa mga pangaraw-araw na gawain at aktibidad
  • Kawalan ng enerhiya
  • Kawalan ng “interest” sa pansariling kalinisan at kasuotan
  • Pagbabago sa paguugali
  • Madalas na paghingi ng pera ng walang sapat na dahilan
  • Pagsisinungaling, pangungupit o pagnanakaw

Tandaan na ang mga taong lulong sa pinagbabawal na gamot ay madalas na pinagtatakpan ang kanilang problema at ayaw magpagamot. Maaaring mangailangan ng “intervention” upang tulungan ang miyembro ng pamilya o mahal sa buhay na may adiksyon sa droga. Ang “intervention” ay pinaguusapan at pinagpaplanuhan ng mabuti. Maaaring humingi ng tulong sa doktor, drug counselor o intervention professional upang maayos na maisagawa ito.

Makikita ang listahan ng DOH Accredited Treatment and Rehabilitation Centers sa Dangerous Drugs Board website.

 

Photo c/o Pixabay.  Public domain.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>