Jueteng: larong pangarap ng mahihirap na Pilipino

Written by

Monday, 30 August 2010 - Last Updated on August 30, 2010

juetengMahilig mangarap ang Pilipino. Masarap at libre ito. Wala itong batas na dapat sundin at wala din itong hangganan. Pwedeng mangarap nang mababa o mataas. Kahit imposibleng bagay pwedeng pangarapin. Maraming Pilipino ang nangangarap na makaahon sa hirap kaya marami ang nahuhumaling sa mga larong numero na pinapairal ng swerte o “baka sakali.”

Ang jueteng (kung bigkasin ay hwe-teng) ay isang ilegal na laro gamit ang numero. Ito ay pabaritong nilalaro sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Naging kontrobersiyal ang larong jueteng noong 2000 kung saan nasangkot ang pinakamataas na pinuno ng bansa. Naging napakalaking usapin ang pagiging sangkot ng dating Pangulong Joseph Estrada sa usaping jueteng payola (pera mula sa jueteng). Itinuro ang dating pangulo bilang pinakamataas na galamay sa likod ng ilegal na larong jueteng ni Governor Luis Singson. Nagimbal ang buong Pilipinas at pati na din ang ibang mga bansa sa paglantad ng balitang ito na humantong sa prosesong impeachment laban sa dating Pangulong Estrada.

Bilang panlaban sa ilegal na jueteng, itinatag ang small town lottery. Halos pareho lamang ang paraan ng paglaro ng jueteng at small town lottery ngunit tila mahirap sugpuin ang jueteng dahil patago pa din itong ginagawa sa ilang lalawigan sa Pilipinas.

Ano ba ang jueteng?

Ang salitang “jueteng” ay hango sa salitang Chinese na “hue” na katumbas ng bulaklak (flower) at “eng” na ibig sabihin ay pagtaya (to bet). Ang jueteng sa Pilipinas ay mula pa noong panahon ng kolonya ng Espanya.

Ang jueteng ay dumedepende sa dami ng mga tumatayang tao. Simple lamang laruin ang jueteng. Pipili ka lamang ng dalawang numero mula 1 hanggang 37. Ang larong ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno kaya ang pagbola nito ay palihim na ginagawa.

Ang nananalong pares na numero sa jueteng ay binobola, gamit ang maliliit na bolang kahoy (tinatawag na “bolitas”) na markado ng numerong 1 hanggang 37. Ang bola ay ginagawa ng isang “bolero” at sinasaksihan ng mga “cabo.” Pagkatapos kalugin ng “bolero” ang bote ay kumukuha siya ng isang “bolita.” Ang numero sa “bolita” ay sinusulat at ang “bolita” ay binabalik sa bote. Kinakalog muli ito ng “bolero” at kumukuha ng ikalawang “bolita” at sinusulat. Ang dalawang magkasunod na numero ng “bolitas” ay ang nagiging panalong kombinasyon sa bolang iyon. Hindi pare-pareho ang panalo sa jueteng. Nagbabayad and operator ng P700 hanggang P900 para sa nanalong kombinasyon sa bawat pisong taya. Napag-alaman ko na ang jueteng sa probinsiya ay ginagawa tatlong beses isang araw. Isa sa umaga, tanghali at gabi.

Dati daw pwede tumaya sa jueteng sa halagang 25 centavos lamang. Ngunit sa aking pagtatanong, ang malimit na pinakamababang taya ngayon ay piso. Wala naman daw limitasyon ang tayang pera. Ang jueteng ay popular sa mga mahihirap at mga “lower-middle class” na Pilipino.

Terminolohiyang jueteng

Sa aking pagtatanong tungkol sa jueteng, may mga terminolohiya akong natutunan. Ang tawag sa taong nangangalap ng taya ay “kubrador.” Ang taya naman ay tinatawag na “kubra.” “Bangka” ang ngalan ng pinagbibigyan ng lahat ng taya sa isang lugar. Ang mga numero naman na napipisil na lumabas ay “paya.” Ang tawag sa papel na sinusulatan ng mga taya ng isang kubrador ay “dilito” at “ligaho” naman ang mala-diary na pinagsusulatan ng mga numerong tumama na. Minsan may pagkakataong magkaparehong numero ang tumatama. Ang tawag sa parehong numerong lumabas ay “tupyang” o “pares” (halimbawa 23×23).

Ang tumbok ay kapag ang unang numero mo ay tugma sa unang numero na lumabas sa bola, mananalo ka ng pera base sa iyong taya. Ang sahod ay ang taya sa panghuling numero kung sakaling nauna ang panghuling numero mo sa kinalabasan ng bola. Saklang ang tawag kapag tumaya ka ng parehong halaga sa dalawang numero. Ang “alaga” ay ang mga numerong paboritong tayaan o paulit-ulit na tinatayaan. “Butas” naman ang siyang tawag kapag kamuntikan nang lumabas ang numero mo ngunit nagkulang o sumobra lamang ito ng isa.

Panaginip at jueteng

May nagkwento sa akin na maari mong gamitin ang panaginip mo sa pagtaya sa jueteng. May listahan akong nakita na tinatawag na annunsyo. Dito nakasulat ang katumbas na numero ng mga panaginip. Nakopya ko ang iba sa mga ito.

Mga halimbawa ng katumbas na numero ng mga panaginip:

1 – lalaki, ahas na maliit, lubid

2 – babae, ibon

3 – lumilipad, tatlong sulok

4 – aso, kalaban, baka, kabaong

5 – ahas na malaki, apoy, dugo, kamay

6 – kuwintas, balon ng tubig

7 – itak, baril, gunting

8 – tae, hubad, ginapos

9 – patay, susi, pari

10 – bilog, lasing, putol

Mahaba ang annunsyo dahil hanggang 37 ang listahan. Mula pa daw noong panahon ng Espanyol ang pagpapakalat ng annunsyo ngunit marami pa din Pilipino ngayon ang naniniwala dito.

Isang kwentong hango sa totoong buhay

Si Fidel (hindi niya tunay na pangalan) ay isang OFW na nagtatrabaho sa London. Nasa London siya nang natanggap niya ang malungkot na balita ng pagpanaw ng kanyang ama sa Pilipinas. Hindi pa malaki ang kanyang naiipon sa London kaya noong una naisip niya na imbes na umuwi at gumastos sa pamasahe ay ipapadala na lamang niya ang pera sa Pilipinas para ipang-gastos sa burol ng ama. Nang nalaman ng kanyang mga kaibigang kapwa Pilipino ang sitwasyon ni Fidel, sila ay nag-ambag ng pera para ipamasahe ni Fidel pauwing Pilipinas. Lubos na lamang ang pasasalamat niya sa kanyang mga kaibigan at dali-dali siya umuwi ng Pinas.

Sa unang araw ni Fidel sa Pilipinas ay nakihalubilo agad siya sa mga taong dumalaw sa burol ng ama. Sa bahay nila sa probinsiya idinaos ang burol. Hindi pa nagpapalit ng Pounds si Fidel nung araw na iyon ngunit meron siyang isang libo piso sa kanyang pitaka (pera niya pa itong naitago noong siya ay umalis patungong London). Inutusan niya ang isa sa mga tao sa kanilang bahay na bumili ng pansit sa bilao at maiinom para sa mga bisita gamit ang isang libo. Bumalik ang taong kanyang inutusan dala ang pagkain at inumin at sukling dalawang daan at singkwenta pesos. Tamang tama naman na nanduon ang kubrador ng jueteng. Naisipan ng Fidel na magbaka-sakali at itinaya niya ang natirang sukli sa jueteng. Pinayuhan pa siya ng magjue-jueteng na tayaan ang kaarawan ng ama at ang araw ng libing. Nakinig si Fidel sa payo at tinayaan ang numerong 14×5 (tumbok ng dalawang daan sa 14 at sahod naman ng singkwenta sa 5).

Pinagdasal at hiniling ni Fidel sa ama na siya ay patamain sa jueteng upang merong ipang-tustos sa libing. Kinabukasan nagtungo ang kubrador sa bahay nila Fidel dala ang magandang balita na tumama ang 14×5. Dala ng kubrador ang halagang P140,000 para kay Fidel. Mataimtim na nagdasal at nagpasalamat si Fidel sa Panginoon at sa kanyang ama sa perang tila hulog ng langit. Ginamit ni Fidel ang pera sa gastos sa burol at paglilibing ng kanyang ama.

Jueteng sa buhay ng ordinaryong Pilipino

Ang jueteng ay naging parte na ng pamumuhay ng maraming mahihirap na Pilipino. Nagbabakasakali silang maambunan ng konting grasya kung sila ay mananalo sa jueteng. Alam naman ng maraming Pilipino na hindi talaga sila yayaman sa jueteng pero pagnanalo naman sila, makakatikim sila ng konting ginhawa kahit sa maiksing panahon lamang.


Photo: Jueteng” by Rachel Yapchiongco. Some rights reserved.

___

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. She took up several units of MBA at the same university. Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur with a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life in her personal blog called Heart of Rachel.


Administrator (18354 Posts)


One thought on “Jueteng: larong pangarap ng mahihirap na Pilipino

  1. ERNESTO JR ESTANOL

    pren anu ba numero tubig kc nanaginip ako naliligo daw ako langoy ako ng langoy sa ilalim ng tubig nag simula ako sa lake hanggan makarating ako sa dagat kakalangoy…. hindi siya umaagos pren…. tapos pag gising ko grabi napa relaxing ko anu kaya yun… anung numero kaya nun hehehehehe…

    Reply

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>