yolanda 3

Isang taon pagkaraan ni Yolanda: Kumusta na?

Written by

Monday, 13 October 2014 - Last Updated on October 13, 2014
yolanda 3

yolanda 3

by Ever Villacruz
Kung sinusuwerte at maagang makatapos sa trabaho, na minsan lang naman mangyari, dumadaan muna ako sa Kuwait City para magsimba at magpasalamat. Pagkatapos, bitbit ang kamera, maglalakad-lakad muna at at maghahanap ng subject, at mangunguha ng litrato para sa street photography. Pag napagod tatambay sa isang Pinoy restaurant at kakain ng lugaw at lumpia.  Habang kumakain, pakiramdam ko minsan ay para akong sira.

Sira talaga, dahil minsan iniisip ko na nasa Pinas ako, sa Santa Mesa gaya ng nakaugalian ko nung nag aaral ako sa PUP, kung kailan madalas ako sa popular na Lugaw ni Neneng.  Kilala ito hindi lang sa sarap ng pagkain kundi dahil na rin sa nagtitinda na anak ni Aling Neneng na Neneng din ang tawag namin at ang kakambal nito na Neneng din kung tawagin. Teka pati ako nalito na.  Basta Neneng lahat sila na nagtitinda ng paborito kong lugaw. Ang turing ko sa umuusok na meriendang hindi malimutan: Lugaw Ligaya!
Balik tayo sa usapan natin. Minsan naman mag-aabang kay Kabayan na naglalako ng kakanin para pag uwi ko ng bahay, doon ko kakainin at sasabayan ng mainit na kape habang nanood ng replay na palabas ng Eat Bulaga. Mas gusto ko ito kesa manood ng balita na nakakasawa, puro paandar at balitaktakan pare-pareho lang naman at minsa’y sobrang nakawalang-pagasa.  Depressing, wika nga.  Ganun lang ang pampalipas oras ko o pamatayhomesick pag may pagkakataon.
Pero kanina iba ang nangyari, kahit nakakain na ako ng paborito ko at nakaharap na ako sa telebisyon at may mainit na kape na nakakaisang higop palang. Sumagi sa isip ko si Mang Roger isang taxi driver dito sa Kuwait. Kakabalik lang galing bakasyon, tubong Leyte.
Halos labinglimang taon na rin siya dito nagta-trabaho bilang isang mekaniko sa umaga at taxi driver naman sa gabi. Masayahin at medyo kalog na kakuwentuhan, halos hindi ko nga napansin ang traffic sa daan dahil sa mga nakakatuwa niyang istorya tungkol sa mga pag uugali ng ibang Pinoy at mga naranasan nya sa pagmamaneho at mga pasahero nya. Sa liit ng lugar ng Kuwait — halos malaki pa ang Quezon City — alam na alam na niya ang mga pasikot sikot at madaling daanan.
Kamusta naman po ang Leyte? — naitanong ko sa kanya.
Bigla siyang natahimik. Isang buntunghininga ang sagot. Palagay ko mga sampung sigundo bago nasabing okay naman sa bayan niya, pero mangilan-ngilan pa lang ang bumabangon.
Bumabangon? Bakit?- ito ang mga pumasok sa isip ko, bago ko ulit siya tanungin. Bigla niyang tugon: “Kasama kami sa mga lugar na napektuhan ng bagyong Yolanda.” Doon ko lang napag isip-isip, oo nga pala halos mag-iisang taon na ang nangyari at mabilis na panahon ang lumipas.
Babaguhin ko na sana ang usapan pero patuloy pa rin ang pagkukwento si Mang Roger. Malungkot at mahina na ang boses nang sabihin niya:

yolanda 2
“Nandito ako sa Kuwait noong nanalasa sa Tacloban si Yolanda at halos gusto kong lumipad pauwi pero dahil na rin sa katatapos ko lang magbakasyon nuong Septyembre 2013, kaya hindi nako nakauwi ng Nobyembre pagkatapos nga ng bagyong Yolanda. Ilang araw kaming walang komunikasyun ng pamilya ko nuon. Para akong nangangapa sa dilim sa pag-alala, lalo na ng mapanuod ko sa telebisyon ang mga nangyari. Malapit pa naman kami sa lugar na may barko na inanod sa kalye at nakita ko sa diaryo at sa programa sa TV na maraming bahay ang nawala malapit sa Tacloban at karatig lugar nito.
“Siguro mga isang Linggo bago ko nakontak ang kapatid ko at ang aking asawa. Laking pasalamat ko dahil ligtas naman sila kasama ng apat kong anak. Pero ilang araw din tubig lang ang laman ng sikmura nila dahil walang natira sa pagkain at gamit. Pati na yung bahay na malapit na sanang matapos, wasak din. Balak ko na sanang mag-retiro pagkatapos magawa ang bahay at pagbalik sa Pinas ay magtayo ng negosyo, kahit tindahan o restoran. Yun bang lugawan. Masarap kasing magluto ang Misis ko;  may pagmamahal daw kaya masarap. Malapit din kami sa dagat at sa abangan ng tricycle.”
Sa puntong ito, nakita kong ngumiti ng konti si Mang Roger. Pero naging seryoso ulit ng sabihin niya: “Kaya lang, sa ngayon, kayod ulit. Kaya ko pa naman kahit papaano. Tuloy tuloy lang hanggat alam kong buo kami at kalaunan, makakaipon ulit. Kaya ngayon lagare ako sa trabaho. Medyo nagkakaedad na, saka kakatapos lang ng panganay kong mag board exam nung nakaraan araw sa kursong abugasya, at naghihintay na lang ng result. Alam kong makakapasa; mana ata sa kanyang Ina na matalino.” Sabay ngiti at pakiramdam ko balik sigla ulit sa kanyang pagkukwento.
Babanggitin ko sana na nang magbakasyon ako nung Desyembre 2013 sumama ako sa isang outreach na magbigay ng konting tulong galing na rin sa mga kaibigan na nagbigay ng mga donasyon in kind at cash na nalikom namin para maipaabot sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Tacloban area.
Kaya lang, malapit na kami sa inuuwian ko, kaya nagpaalam nako at nagpasalamat ! “Salamat saan?” –tanong ni Mang Roger. Sagot ko: “Sa nakakainspire nyong kwento … inabot ko ang aking kamay at nagpaalam.
Sa susunod na pag daan ko ulit sa Kuwait City, kasama na sa aking aabangan si Mang Roger, para imbitahang kumain ng lugaw at muling makipagkwentuhan.

yolanda 1
Kamusta na kaya ang Tacloban o ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda? Nandun pa kaya ang barko sa kalsada? Ilang pamilya pa kaya ang natulungan na o tutulungan palang? Kasing bigat o higit pa sa dumaong na barko sa kalsada yung naramdaman ko nang makita ko ito, pati ang paligid na wasak ang karamihan. Ni hindi ko nakayanang ipitik ang kamera ko; sumisigaw ang tahimik na paligid. Ikatlong araw nang bumalik kami sa Manila, blanko ang isip ko. Paano pa kaya ang mga nakaranas nito? Kahit hanggang ngayon iyon pa rin ang tanong ko.
Link: Trip to Tacloban

Kung sabagay alam kong marami ang katulad ni Mang Roger. Ni hindi ko narinig sa kanya ang pag-angal o paninisi sa nangyari. Nalungkot, nabahala, pero bumangon! Naging matatag at nagpasalamat!
Kamusta na — pagkatapos ni Yolanda?! Sana may sasagot sa tanong kung ano na ang nangyari!

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>