Ilog Pasig

Ilog Pasig: May pag-asa pa

Written by

Saturday, 9 July 2016 - Last Updated on August 17, 2016
Ilog Pasig

“Anak ng Pasig naman kayo
Kalat doon, kalat dito
Natakpan na ang langit kong ito
Nilason din ang Ilog ko
Anak ng Pasig naman kayo
Tapon doon, tapon dito
Di niyo alam ang tinatapon niyo
Ay bukas ko at ng buong mundo

Akala ko’y ganoon talaga ang mundo
Hanggang makakita ako ng lumang litrato
Di maniwalang Pasig rin ang tinitingnan ko
Kaibigan ano ang nangyari dito”

Ilog Pasig

Ilog Pasig

Simple ngunit tagos sa puso ang mga linyang ito na hango sa kanta ni Geneva Cruz na isinulat ni Jimmy Antiporda noong 1992.

Ano na nga ba ang nangyari sa Ilog Pasig? May pag-asa pa ba ito?

Ang Ilog Pasig ang nag-uugnay sa Laguna de Bay at Manila Bay. May haba itong 25 kilometro. Hinahati nito sa dalawang bahagi ang Maynila, ang kapital ng Pilipinas.

Marahil sa mga mata ng kabataan ngayon, ang Ilog Pasig ay isang madumi at mabantot na ilog na tapunan ng basura. Marami sa mga tao ngayon ang dinadaan-daanan lamang ang Ilog Pasig. Pareng bale wala. Hindi na halos lumilingon ang mga tao para maiwasan na makita ang palutang-lutang na mga basura sa tubig. Madalas tinatakpan ng mga tao ang kanilang ilong upang maiwasan ang masangsang na amoy galing sa ilog.

Nakakalungkot ngunit yan ang totoo.

Balik tanaw

Lingid sa kasalukuyang henerasyon ang ganda at importansiya ng Ilog Pasig maraming taon na ang nakakaraan.

Noong panahon ng Kastila, pangunahing lagusan ang Ilog Pasig. Sentro ito ng komersyo at kalakal. Maraming mga malalaking pabrika at bodega ang nakatayo malapit sa Ilog Pasig. Marami sa mga mayayaman ang nakatira malapit sa ilog. Dito din matatagpuan ang Malacanang or presidential palace.

Ayon sa mga matatanda, maganda at malinis ang Ilog Pasig noon. Madaming pumupunta sa ilog upang maligo, mangisda at maglaba.

Ngunit makalipas ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig, mas dumami ang mga tao sa Pilipinas. Kasabay ng paglago ng populasyon ang pagpapatayo ng mga tulay, lansangan at mga gusali. Sa paglipas ng panahon, ang sentro ng lungsod ay inilipat mula sa Ilog Pasig sa ibang lugar.

Hindi nagtagal, naabanduna at nakalimutan na ang Ilog Pasig. Nagsara ang mga pabrika at nagsialisan ang mga mayayaman na nakatira malapit sa ilog. Unti-unting inokupahan ng mga mahihirap na tiga-lungsod ang tabi ng Ilog Pasig. Dahil sa kawalan ng disiplina sa lugar, naging isang malaking imburnal ang ilog. Doon umiihi at dumudumi ang mga tao na nakatira sa paligid. Ginawang tila isang malaking pampublikong palikuran ang kawawang ilog.

Nilapastangan ng mga tao ang ilog na nagdulot ng pagkasira nito. Noong 1930s, naging madalang ang paglalakbay ng mga isda mula sa Laguna de Bay.  Kumonti ang mga naliligo at naglalaba dito hangang sa dumating ang araw na pinayuhan ng Department of Health ang mga tao na huwag maligo sa maduming ilog. Tumigil na din ang mga tao sa paglaba dito.

Naging bihira ang pagtawid dito ng mga ferry boats hangang sa dumating ang panahon na tumigil na ang mga ito sa serbisyo.

Noong 1970s, naging masangsang ang amoy ng ilog. Makalipas ang sampung taon, inihinto ang pangingisda sa lugar para sa kaligtasan ng kalusugan ng mga tao. Maraming uri ng isda, halaman at lamang tubig na dati-dati ay sagana sa ilog ang nawala. Ang natirang matibay ay ang mga madahong water hyacinths at ang mga “janitor fish”.

Noong 1990s, base sa pag-aaral at pagsasaliksik ng mga eksperto sa ekolohiya, ang Ilog Pasig ay idineklarang isang (biologically dead) patay na ilog na hindi na kayang sumuporta ng buhay.

Rehabilitasyon

Ang pagkamatay ng Ilog Pasig ay nagbigay daan upang matauhan ang mga Pilipino sa kanilang kapabayaan sa kalikasan. Nagtulak ito sa gobyerno at iba’t ibang mga sector ng bumuo ng mga grupo na maaaring tumulong na buhayin muli ang Ilog Pasig.

Isa na dito ang The Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na itinatag noong Enero 1999 sa pamamagitan ng Executive Order No. 54, na pinagtibayan ng Executive Order No. 65 upang siguraduhin ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig sa dati nitong kalinisan na angkop sa propagasyon ng mga isda at iba pang lamang tubig, transportasyon, libangan, at turismo.

Ang PRRC ay binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang gobyerno, non-government, at pribadong ahensiya na nagtutulong-tulong upang tutukan ang mga problema at pangangailangan na may kinalaman sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig.

Naging puspusan ang paglilinis sa napakaduming ilog. Nagtulungan ang gobyerno, iba’t ibang mga grupo tulad ng pribadong kumpanya, ahensiya, media, at mga paaralan upang linisin ang Ilog Pasig.

Ang Kapit Bisig ay isang proyekto ng ABS-CBN Foundation, Inc. para sa rehabilitasyon ng mga estero at ilog. Layunin nito ang pagtutok muna sa mga estero at pagkatapos ay ibuhos ang konsentrasyon sa Ilog Pasig, Manila Bay at Laguna de Bay.

Naniniwala ang Kapit Bisig na isa sa mga susi ng tagumpay ng rehabilitasyon ng ilog ay ang epektibong relokasyon. Kasama dito ang paglilipat ng mga pamilya ng informal settlers na nakatira sa ilalim ng tulay, sa taas o sa tabi ng estero na maaaring maapektuhan ng pagbabaha, aksidente o water-borne na mga sakit. Ang mga informal structures na lumalabag sa “three-meter easement law” ay nagiging hadlang sa natural na daanan ng agos ng tubig na nakakadagdag sa mga basura sa estero.

Edukasyon at tamang impormasyon ay isa sa mga layunin ng Kapit Bisig. Nais ng organisasyon na turuan ang mga tao nga huwag baliwalain ang mga estero at tratuhin ito na tapunan. Pinaaalalahanan ang mga tao na ang mga tinatapon sa estero ay babalik at babalik sa kanila.

Pinagsisikapan ng Kapit Bisig na turuan ang mga Pilipino na ingatan ang mga estero at ilog dahil makakatulong ito sa turismo, transportation at kabuhayan.

Nag-oorganisa din ang Kapit Bisig ng Run For Pasig River taon-taon para sa pagpapalaganap ng impormasyon at paglipon ng pera sa pagtaguyod ng mga proyekto ng grupo. Nagkaroon na ng limang matagumpay na Run For Pasig River na nakatulong sa paglinis ng 16 estero.

Gumagawa ng iba’t ibang hakbang ang Kapit Bisig na itaas ang kalidad ng tubig sa mga estero at ilog upang magkaroon muli ito ng buhay.

Binigyan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kababaihang naninirahan sa may ilog ng mga livelihood na proyekto upang turuan silang maging responsableng mga ina ng komunidad. Ilan sa mga naturing proyekto ay ang pagawa ng bag gamit ang water lily at mga recycled materials tulad ng plastic tetra packs. Tinuruan din sila na mag-recyce ng gamit na cooking oil bilang biodiesel.

Noong nakaraang taon, binuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Pasig River Ferry System. May bagong commuter boat ngayon na ginagamit ng mga commuters bilang alternatibong paraan ng transportasyon.

Maaaring matagalan pa ang tuluyang pagbalik ng dating kalinisan at kagandahan ng Ilog Pasig ngunit nandiyan pa din ang pag-asa na balang araw mabubuhay muli ang ilog at dadayo muli dito ang mga tao. Suportahan natin ang mga aktibidad at proyekto para sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig.

 

 

Photo screencap from YouTube. Video c/o Youtube.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>