Nora Aunor & Vilma Santos

Eh Ano Ngayon: Shame, Shame, Shame Edition!

Written by

Friday, 11 July 2014 - Last Updated on July 11, 2014
Nora Aunor & Vilma Santos

ni Fabucelles

Lahat na lang ng kahihiyan sa mundo ng showbiz at higit pa, pinagdaanan na ng pagkarami-raming tao! Halina, pag-usapan natin kung anu-ano ang mga ito sa linggong ito, nang hindi na magtuluy-tuloy pa ang pagka-Ynez Veneracion ko sa nangyayari sa ating gobyerno at sa aking ibinabayad na buwis buwan-buwan.

Nora Aunor & Vilma Santos

Nora Aunor & Vilma Santos

Nora Aunor: Hindi National Artist

Paki-explain-explain nga sa akin, ‘pag may time? Bakit naging isyu ang di-umanong paggamit ng droga ni Nora Aunor sa kanyang pagiging National Artist? Unang-una, napatunayan na ba na talagang gumagamit siya? Nakitaan ba ito ng wiz na kaduda-duda na ebidensya?

Kung naging mamatay-tao ang ating Superstar, marahil, mauunawaan ko kung bakit kinakailangan siyang tanggihan bilang isang National Artist. Kung talagang Vilmanian lang naman pala si PNoy, baka naunawaan ko rin kung bakit hindi niya gusto maging National Artist si Nora. Ngunit hindi naman iyon ang mga dahilan kung bakit hindi nila tinatanggap si Nora bilang isang pambansang alagad ng sining, hindi ba? Hinahalo na naman nila ang moralidad ng isang tao, na malinaw na malinaw ay hindi naman dapat kinasasaklawan ng mga kategorya ng pagiging isang National Artist, at heto na naman tayo.

Aminin na natin: hindi naman natin alam kung ano ang mga ginagawa ng ating mga ibang National Artist sa loob ng kanilang mga tahanan araw-araw, at hindi naman dapat iyon ang batayan kung karapat-dapat sila maging National Artist. Hindi naman pinag-uusapan dito ang kanilang personal na buhay, kundi ang kanilang mga naging kontribusyon sa napili nilang larangan ng sining. Kung sa larangan lang naman na iyon, marahil, hindi kaduda-duda na madaling ituring na isang National Artist si Nora dahil sa kanyang mga ginawang pelikula.

Ano nga ba ang halaga ng isang pagtakda sa isang Pilipino bilang isang National Artist? Marahil, malaking bagay ito, kung ating aalahanin kung gaano kasama ang loob ni Carlo J. Caparas nang nabawi sa kanya ang pamagat na itetchiwa. Hindi mo maipinta ang mukha niya sa sobrang pagka-jirita, kaya heto tayo ngayon, inuulit ang ganitong pagkakait kay Nora, na di-hamak namang mas karapat-dapat kaysa kay Carlo J. Caparas.

So hindi nila gusto gawing National Artist si Nora. Eh Ano Ngayon?!? Sa kadulu-duluhan ng lahat, itaga niyo sa bato, matatauhan din si PNoy, at kung hindi, kung sino man ang susunod sa kanya, na hindi dapat saklaw ng moralidad ng isang tao ang kanyang kakayahang bigyang hustisya ang isang titulo, basta ba naman kwalipikado na siya. Aba, yung iba nga diyan, hindi naman kwalipikado, nagiging presidente porke’t namatayan lang ng nanay, eh.

Vilma Santos: Hindi Perpekto

Speaking of Vilma, humingi si Kris Aquino ng paumanhin sa Star For All Seasons dahil inaway ng mga nagmamarunong mag-Ingles si Vilma sapagkat mali-mali daw ang spelling ng kanyang iniwang sulat para kay Kris. Hiyang-hiya naman ang inyong abang lingkod sa mga perpektong hunghang na mga itey!

Marahil, pwede nating sabihin na hindi na dapat inilabas ni Kris ang sulat ni Vilma, dahil sigurado nga naman na alam ni Kris kung mali-mali ang pagbabaybay ni Vilma sa kanyang liham. Pero si Kris ba talaga ang dapat sisihin? Hindi naman siya ang nanlait kay Vilma, at lalong hindi siya ang nag-prisinta na perpekto siya mag-Ingles. Alam ng inyong abang lingkod na kagulat-gulat at kumakampi aketch kay Kristeta, pero hindi naman niya kasi away itey, daba? Ang talagang nagpakita ng kanilang tunay na kulay ay ang mga taong na-imbiyerna sa spelling ni Vilma, as if yun lang naman ang batayan ng pagiging isang mabuting tao.

Wala akong pakialam kung magaling na politiko si Vilma. Hindi iyon ang aking pinupuntirya ngayon. Ang sa akin lang, wala naman siyang ginawang masama, at kung mali-mali man ang Ingles niya, pwede naman siguro siya pagsabihan ng hindi siya binabastos, hindi ba? Sinasabi ng ibang tao na ang pagiging dalubhasa sa Ingles ay isang tanda ng pagiging edukado at alta sociedad. Paki-explain nga sa akin kung paano naging “edukado” at “alta sociedad” ang sinumang minura-mura si Vilma porke’t mali ang Ingles niya?

So hindi pila perpekto mag-Ingles si Vilma. Eh Ano Ngayon?!? Siya ba ang nakitaan ng pagiging wa class sa sulat niya, o yung mga ang yayabang kung maka-correct sa kanya? Hindi po si Vilma ang nagmukhang maledukado.

Paring Nanermon Sa Single Mom Habang Nagbibinyag: Hindi Karespe-Respeto

Pag-usapan natin ang RH Law ng saglit, at pag-nilayan natin ang panig ng simbahang Katoliko: dahil ito ay umaawat sa pagkakaroon ng bagong buhay, lumalabag ito sa mga adhikain ng kasulatan, na nagsabing “humayo kayo at magpakarami.” Maaring sang-ayon tayo o hindi sa adhikain na ito, ngunit dito nagmumula ang simbahang Katoliko. Siguro naman, hindi iyan kagulat-gulat.

Pero hindi malinaw kung bakit si Fr. Romeo Obach ay ginamit ang kanyang kapangyarihan bilang isang pari upang kastiguhin ang isang dalagang ina. Ina siya. “Nagpakarami” siya. At alam naman natin na ayaw na ayaw ng simbahan sa gumagamit ng kontrasepsyon o di kaya ay nagpapalaglag ng bata. Sorry na lang tayo at minor de edad na hindi pa kasal ang naging nanay, pero ano pa ba ang hinahanap ni Fr. Romeo? Perpektong tao?

Nakakapanlambot ang ginawa ni Fr. Romeo dahil siya ang pinagkatiwalaan na magbinyag sa anak ng kawawang dalaga. Nakakapanlambot dahil ang Santo Papa mismo, binibinyagan niya ang mga anak ng single mothers. Tawagin na nating “PR” lang ang ginagawa ng Santo Papa, sige, i-assume natin yun. Ang laki mo naman sigurong tanga kung tataliwas ka sa ipinakita na niyang PR, daba? Pero yun na ‘yun mismo ang ginawa ni Fr. Romeo, at hindi ko sukat-akalain na ganun kakitid ang utak ng iba sa mga tinatawag nating alagad ng Diyos.

At bakit ang dalaga lang? Siyempre, lusot na naman ang ama ng bata, hindi ba? Si dalaga lang ang nahuhusgahan, siya lang ang nalalait, siya lang ang nasesermonan, kasi malas na lang niya, siya lang ang may pisikal na ebidensya ng kanyang “kasalanan,” samantalang ang ama ng batang itey, kung sino man siya, ay lusot na lusot kung gusto niyang makalusot. Hindi siya ang ihihiya. Hindi siya ang tatawaging “disgrasyada,” na parang isang disgrasya ang pagkakaroon ng anak (akala ko ba pro-Life kayo, aber?). Ganyan ang ating lipunan: babae lang ang masama kapag siya ang nabubuntis ‘nang hindi kasal.

So may pari na namang ipinakita na hindi siya kagalang-galang bilang isang “alagad” ng Diyos. Eh Ano Ngayon?!? Kagulat-gulat pa ba iyan? O di kaya, iyan mismo ang maituturing na normal pagdating sa isang simbahan na ginagamit ang kanilang impluwensiya upang makisawsaw sa pulitika, samantalang hindi naman sila nagbabayad ng buwis?

Babala: ang kolum na ito ay pawang saloobin ng isang bading na handang magpabinyag ng anak sa harap ng paring hindi mapanghusga. Hindi nito sinasalamin ang saloobin ng POC, at kung sinasalamin naman nito, Eh ano ngayon?!?

*Photo courtesy of Facebook

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>