DongYan. Robin Williams. Thalia with her "ribs"

Eh Ano Ngayon: Paalam, Kapitan, o Aking Kapitan Edition

Written by

Saturday, 16 August 2014 - Last Updated on August 16, 2014
DongYan. Robin Williams. Thalia with her "ribs"

ni Fabucelles

DongYan. Robin Williams. Si Thalia at ang kanyang "ribs"

DongYan. Robin Williams. Si Thalia at ang kanyang “ribs”

Napipintong kasalan, isang di-umanong pag-kumpirma ng matagal na tsismis, at siyempre, ang pagpanaw ng isa sa pinaka-kilalang pangalan sa Hollywood ang ating pag-uusapan ngayon. Hindi talaga tumitigil ang ugong ng mundo ng showbiz, ano?

Sa nakaraang linggo, marahil, masasabi nating maraming nangyari na hindi pa natin ganap ma-proseso. Ngunit hindi ‘yun magiging hadlang na ating subukan, hindi ba?

Ang Tadyang Ni Thalia

Akalain niyo ‘yun, napag-tripan lang pala tayo ni Thalia? After all these years, nakukuha pa rin niyang makipagbiruan sa mga Pinoy fans niya.

Kamakailan lang, muling napag-usapan ang matagal na tsismis tungkol sa babaeng sumikat sa Pilipinas bilang si Marimar, Maria Mercedes, at Maria La Del Barrio, dahil siya raw ay tinanggalan ng tadyang para talagang magmukhang payat at seksi. Siyempre, si Kris Aquino na naman ang itinuturong dahilan ng pag-ugong ng tsismis na ito muli. Wala namang masama, kung tutuusin. Hindi naman kagila-gilalas kung may mga showbiz personalities na nagpapa-opera, kaya’t nakakatuwa siyang usapin, no more, no less.

Kaya’t ayun nga at “kinumpirma” ni Thalia na ganyan na ganyan nga ang nangyari, at hindi lang iyon: itinago pa daw niya ang mga tinanggal na tadyang sa kanya bilang palatandaan ng kanyang pasya na gawin ito! Nakakalohka!!! Mantakin niyo ‘yun, ginawang souvenir lang ang peg sa tadyang ni Thalia, at ayun naman, at pinagmamalaki niya itetchiwa.

‘Yun pala, nakikipagbiruan lang si Thalia sa kanyang milyun-milyong mga fans na Pinoy, at naglabas siya ng isa pang Instagram photo kung saan ipinahiwatig niya na hindi naman pala totoo na nagpatanggal siya ng tadyang. Yun naman pala, eh!

So hindi pala nagpatanggal ng tadyang si Thalia. Eh ano ngayon?!? Materyales Fuertes pa rin siya, hanggang ngayon.

Ang Kasalang Dong-Yan 

Well, well, well, well. Matapos ng ilang taon na magkasama silang dalawa, hiningi na rin ni Dingdong Dantes ang kamay ni Marian Rivera sa kasalan. Tiyak na tiyak, kilig na kilig ang labinlimang fans ng dalawa, although aminin na natin, iyan na yata ang unang beses na talagang napag-usapan silang dalawa in a long, long time. Bakit ganun na lang katahimik ang mga talent ng GMA-7 maliban kay Machete?

Nakakatuwang isipin na magkakatuluyan na rin sila, sapagkat matagal na rin silang magkasama at kitang-kita naman na masaya sila, at iyon naman siguro ang batayan kung bakit naisipan na rin ni Dong na yayain sa kasal si Marian after all these years.

Well, hindi naman siguro natin maaaring ipagkait sa dalawang itey ang kanilang nangingibabaw na saya dahil nga naman ang tagal-tagal na nilang dalawang nagmamahalan, so hindi naman kagulat-gulat na nag-propose na rin si Dingdong kay Marian sa wakas, diba? Mukhang malaki ang mangyayaring kasalanan na itetchiwa at tiyak na tiyak, i-te-televise nila iyan pagdating ng panahon. Malamang sa hindi, kukunin din nilang ninong si PNoy, kaya nga’t nanguna na rin ang ating pangulo at ipinahayag na kanyang ikinalulugod malaman ang balita tungkol sa dalawa. Sakto lang, since matinding ninong si PNoy. Protektadong-protektado ka, eh. Tanungin niyo lang si Abad saka si Mar. Alam na alam nila yun.

Kaya’t heto tayo ngayon, at excited na excited dahil ikakasal na sa wakas si Dingdong at si Marian. Eh ano ngayon?!? Kailan naman kaya ikakasal ang inyong abang lingkod, aber?

Paalam, Kapitan, o Aking Kapitan

Noong Lunes, nabalitaang pumanaw na ang komedyanteng si Robin Williams, na pinaghihinalaang nagpatiwakal dahil sa matinding depresyon na kanyang pinagdadaanan ng ilang taon na. Mahirap mang isipin, pero iyon ang katotohanan, at hindi isang simpleng bagay ang depresyon. Hindi ito basta-basta lumilipas. Hindi ito itinutulog lang.

Pwede tayong mag-ispekula tungkol sa mga pinagdadaanan ni Robin Williams, kung kaya’t naisipan niyang wakasan ang kanyang sariling buhay. Pwede natin gugulin ang buong bahaging ito para pag-usapan kung ano ang maaari sanang nagawa para matulungan siya. Ngunit lumipas na ang mga sandaling iyon. Ang hindi lilipas, kahit na ang taong nagbigay sa atin nito ay lumipas na, ay ang mga ala-alang iniwan niya sa ating lahat.

Hindi natin kailangan isipin ang kanyang koneksyon sa Pilipino sa pamamagitan ng kanyang ex-misis. Eh ano ngayon?!? Kailangan ba natin hanapan ng anggulong Pinoy Fried ang lahat na lang ng isyung dumadaplis sa ating kamalayan? Hindi ba sapat na alalahanin na lang natin ang daan-daang mga pelikulang tinampukan niya, kung saan talagang napatawa niya tayo, napaiyak, napaisip, o kahit nabagot dahil hindi natin talaga nagustuhan ito? Hindi ba sapat na isipin ang di-mabilang na mga sandali at mga salita na kanyang naibigay sa atin na kung ating kukumpuniin, ay naging matinding bahagi na rin ng buhay natin?

Oo, marahil na hindi kasing-sikat sa Pilipinas si Robin Williams kung ihahambing sa isang Dolphy, pero hindi natin maitatanggi na ang mga taong nakakilala kay Robin Williams ay naapektuhan sa kanyang pagkawala. Hindi dahil Pinoy sila, kundi dahil naging bahagi si Robin Williams ng buhay nila. ‘Yun ang mahalaga. ‘Yun ang dapat alalahanin.

Siyempre, dahil hindi ko naman ever nabanggit siya sa mga sulatin ko dito sa POC, madaling isipin na walang alaala ang inyong abang lingkod ukol kay Robin Williams, ngunit sa totoo lang, maraming-marami din. Hindi kailangang magpanggap na siya ang nag-impluwensiya sa naging takbo ng buhay ng inyong abang lingkod, ngunit kapag pinag-usapan ang aking kabataan? Aba, aba, aba. Mrs. Doubtfire? Hook? Aladdin? Dead Poets Society? Lahat iyon at higit pa, naging mga pelikulang paulit-ulit kong pinanood, at lahat ng mga iyon, naging magagandang alaala sa aking buhay dahil sa kakayahan ni Robin Williams bilang isang artista.

Kung dahil lang doon, dahil lamang sa katatawanan at damdaming nahugot niya mula sa akin at sa milyun-milyon ng nakapanood sa kanya, nais kong magpaalam at magpasalamat sa kanya para sa lahat nito. Ngunit higit pa doon, salamat din, Robin Williams, dahil isa kang mabuting tao, at ang iyong kabutihan ang siyang nagniningning sa iyong pagpanaw. Marahil, mahirap tanggapin kung bakit mo winakasan ang sarili mong buhay, ngunit hindi namin karapatan ang husgahan ka. Ang maaaring gawin lang naming ay magpasalamat.

Paalam, kapitan, o aking kapitan. Eh ano ngayon?!? Tiyak na kahit ilang beses kami magpaalam sa iyo, hinding-hindi ka pa rin mawawalay sa aming gunita at sa aming masasayang mga alaala. Maraming salamat.

Babala: ang kolum na ito ay opinyon ng isang bading na lumaking nais maging si Jasmine. Hindi nito nilalarawan ang saloobin ng POC. At kung nilalarawan man nito, Eh ano ngayon?!?

*Photos of DongYan and Robin Williams courtesy of Facebook, photo of Thalia courtesy of Instagram. Collage by the editor. 

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>