Claudine Barretto and Raymart Santiago with kids Sabina and Santino; Aljur Abrenica; Daniel Marsh

Eh Ano Ngayon: Let’s Go Mauling Edition!

Written by

Friday, 1 August 2014 - Last Updated on July 29, 2014
Claudine Barretto and Raymart Santiago with kids Sabina and Santino; Aljur Abrenica; Daniel Marsh

Ni Fabucelles

Claudine Barretto and Raymart Santiago with kids Sabina and Santino; Aljur Abrenica; Daniel Marsh

Claudine Barretto and Raymart Santiago with kids Sabina and Santino; Aljur Abrenica; Daniel Marsh

Dahil nagkakandagulu-gulo ang mundo ng pulitika, nakakagulat na wiz na may bagong kabulastugan na lumilitaw sa mundo ng showbiz tungkol kay Kris Aquino. Ngunit hindi pa rin tumitigil ang pag-ugong ng mundo ng showbiz, kaya’t heto pa rin tayo, at marami-rami ang mga kinahaharap na bagong pangyayari.

Sa harap ng pagkadami-daming trahedya sa ating mundo ngayon, lalo at lalong nauunawaan ng inyong abang lingkod kung bakit napapahilig tayo sa buhay ng ibang may buhay: masyadong malungkot ngayon, masyadong magulo. Ang masagwa nga lang, hindi naman nagkukulang ang mundo ng showbiz sa salimuot.

Tila baga, umiikot ang mga bagong pangyayari sa gulo at away. Marahil, sinasalamin lang ba nito ang ating lipunan? O ang lipunan ba natin ang sinasalamin nito? Pwes, huwag na siguro tayong magpatumpik-tumpik pa, at panahon na upang ating talakayin kung ano ang bago at kagila-gilalas na naman sa buhay ng ating mga artista.

Isang Maaaring Mapait Na Paghihiwalay

Matapos umamin nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla na hindi na sila, lumitaw naman ang balita ngayon na humihingi na sa korte si Aljur ng pagkakataong maputol ang kanyang kontrata bilang isang alaga ng GMA Network. Aba, aba, aba! Mukhang malaking pagbabago itey!

Bilang isa sa mga malalaking proyekto ng Kapuso Network, hindi maikakaila na nakakagulat ang pangyayaring ito dahil hindi pa naman masasabing napag-iiwanan na si Aljur sa kanyang career, at kahit gaano pa siya kabulol, o kahit gaano kahirap pa rin siya sa kanyang pag-arte, hindi naman maikakaila na ang naging bida ng Machete ay isa sa mga itinutulak ng GMA-7 bilang isa sa kanilang pambato sa publiko. Ngunit heto tayo ngayon, at tila baga, kulang pa pala ang lahat ng iyan para kay Aljur.

Masisisi ba natin talaga si Aljur kung gusto pa niyang gawin ang mga bagay-bagay na hindi daw siya pinapayagan na gawin dahil sa kontrata niya sa kanyang kinabibilangang network? Kung anuman ang mga malalalim pang mga detalye dito, hindi pa natin alam.

Marami ang nagsasabi ngayon na ingrato si Aljur, o di kaya’y tuso dahil sa kanyang ginagawa, sapagkat tatlong taon na lang naman ang nalalabi na sa kanyang kontrata. Bakit atat na atat siyang kumalas dito, samantalang hindi naman siya walang-wala sa mga proyekto ngayon? Marahil, hindi rin magtatagal at lalabas ang tunay na kadahilanan.

So ngayon, malamang sa hindi, magkakahablahan ang dalawang kampong itey dahil sa ninanais na pagkalas ni Aljur mula sa kontrata niya. Eh ano ngayon?!? Mabuti nga siya, may kontrata pang pwedeng kalasan, samantalang yung mga iba diyan, wala na ngang kontrata, nagpupumilit pa ring magka-projects, aba!

Ang Halaga Ng Isang Kabuhayan: 78.50

Kamakailan, lumabas ang balitang si Daniel Marsh, isa sa mga kasapi ng grupong “Juan Direction,” ay diumanong nambugbog ng isang tsuper ng taxi dahil ayaw daw siya pagbigyan na makalibre ng sakay sa taxi matapos niyang sabihing nawalan siya ng wallet. May mga kapitbahay na nakasaksi ng pangyayaring itetchiwa, kung gaano ka Jules Imvernes si Marsh, at kinumpirma na siya nga mismo ang nag-umpisa ng away, dahil kahit marami tayong nakikitang mga loko-lokong tsuper ng taxi, hindi naman ibig sabihin nito, dapat na silang bugbugin. Eh paano pa kaya kung wala naman palang kasalanan ang tsuper, hindi ba?

Ang bagsak nito, dahil sa 78.50, maaaring mawalan ng career si Daniel Marsh, dahil sa kanyang pinaggagawa sa sarili niyang buhay. 78.50 lang ang katapat, akalain niyo yun? Ang mga magnanakaw na pulitiko, milyun-milyon ang ninanakaw para masira ang kanilang pangalan, samantalang heto naman si Daniel Marsh, at 78.50 lang ang kaya niyang subukang huthutin bago niya nasira ang sarili niyang pangalan. Sa dulo nito, kahit ano pa ang sabihin niya, ang mga saksi at ang kanyang diumanong pambubugbog sa tsuper ng taxi ang matibay na ebidensiya na hindi siya ang nasa tama sa sitwasyong itey. Hindi naman mag-aatubili ang TV5 na pakawalan si Daniel Marsh, lalo na hindi naman siya isa sa mga stars na ipinapambato ng Kapatid network.

So marahil, ito na rin ang katapusan ng career ni Daniel Marsh, dahil lamang sa 78.50 at ang kanyang kalasingan. Eh ano ngayon?!? Malaking kawalan ba? Hindi naman, ‘di ba?

Pictorial Ng Bugbugan

Hinding-hindi kayang mawala ng pangalang “Barreto” sa balita, ano? Kada beses naiisip nila na baka nakakalimutan na sila ng madla, aba, parati na lang nagkakaroon ng bagong isyu para mapag-usapan sila. Ganyan na ganyan talaga ang nangyayari, kaya sino sa atin ang nagulat nang lumabas ang balitang nagkaroon ng pictorial si Claudine Barreto kung saan ipinapakita niya ang mga di-umano’y pambubugbog na natanggap niya mula kay Raymart Santiago?

Marahil, gumugulong na ang mga mata ninyo sa balitang itey dahil nakakasawa din naman na paulit-ulit na lang marinig ang pagpapalitan nina Raymart at Claudine ng bintang sa isa’t-isa, although since medyo kamakailan lang ang pictorial at alam na nating matagal na rin hindi nagkakasama si Claudine at Raymart, hindi ba nakakabahala na hanggang ngayon, may mga bakas pa rin na madaling maaninag sa katawan ni Claudine na nagpapakita ng diumano’y pambubugbog sa kanya ni Raymart? Mula sa peklat sa kanyang mga hita hanggang sa mga pasa sa iba niyang mga litrato, tila nakakalungkot naman na makita na ganito ang kababagsakan nilang dalawa, matapos ng lahat-lahat na pinagdaanan nila nung unang naging sila.

Sa tagal ng panahon nilang dalawa na magkasama, maging sa kanilang ipinakitang “united front” noong nakaaway nila si Mon Tulfo sa NAIA, hindi ba nakakalungkot din isipin na wala lang pala lahat ng iyon? Na ang katotohanan, ang pagmamahal sa mundo ng showbiz ay isang napakahirap na matagpuang bagay dahil palagi na lang itong nawawala at lumilipad kung saan-saan? Minsan, nakakawala rin ng gana, dahil sa likod ng mga happy ending na napapanood natin sa mga pelikulang ito, sa likod ng lahat ng salapi na natatanggap nila sa kanilang mga proyekto, minsan, mas malungkot pa ang mga buhay ng tao sa showbiz kaysa sa mga buhay ng mga hamak na umiidolo lang sa kanila. At sila rin mismo ang dahilan kung bakit nagkakaganoon sila.

Minsan, napapaisip din ako kung ano kaya ang maaring nangyari sa buhay ni Claudine kung hindi si Raymart kundi si Rico Yan ang nakatuluyan niya. Eh ano ngayon?!? Hindi naman ‘yun ang nangyari sa katotohanan, so dapat tigil-tigilan ko na rin ang walang saysay na pantasyang iyan.

BABALA: Ang kolum na ito ay pawang paglalarawan lamang ng punto ng isang bading na jaded na sa konsepto ng true love, at hindi nito sinasalamin ang mga pnananaw ng POC. At kung sinasalamin man nito, Eh ano ngayon?!?

*Photos courtesy of Facebook

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>