Showbiz round-up 082414

Eh Ano Ngayon: Ang Daming Hipon Edition

Written by

Sunday, 24 August 2014 - Last Updated on August 24, 2014
Showbiz round-up 082414

ni Fabucelles

Showbiz round-up 082414Isa na namang kagila-gilalas na linggo ang dumaan, at hanggang ngayon, pinag-uusapan pa rin ang mga pangyayari sa Davao, at ang pag-amin ng isang bagay na pagkatagal-tagal nang itinago, at isang pag-deny ng isang nakakatawa ngunit malabong tsismis na paugong-ugong. Halina’t ating pag-usapan ang mga nakaka-sttess Drilon na mga issue na itey!

Dawn at Bamboo

Nakakatawa na nakakalito ang naging tsismis na magkapatid daw ang artistang si Dawn Zulueta at ang mang-aawit na si Bamboo Manalac. Unang-una, ano ba ang punto ng mga tsismis na ganito? Ano ba ang mapapala ng mga tao kung malaman nila na magkapatid ang dalawa?

Ikalawa, bakit ba isyu ito, at sino naman ang maniniwala dito? Aba, eh kung gusto niyo lang gumawa ng mala-telenovela na kwento, pumunta na lang kayo sa mga Gutierrez, aba! Wala namang happening diyan kay Dawn dahil nananahimik lang naman siya, at maging si Bamboo din naman.

Akalaain niyo, isang nakakatawang tsismis ay humantong sa bagay na sumakit sa damdamin hindi lang ni Dawn, at maging ang pamilya niya. Hindi ba ito isang hudyat na dapat medyo mag-hinay-hinay tayo sa pakikialam sa buhay ng may buhay, lalo na kung wala naman silang kasalanan, unang-una. Pero malamang sa hindi, isang suntok sa buwan lang naman ang mag-Hilingan Perez na mabago na ang kinagisnan ng mga Pinoy pagdating sa mundo ng showbiz: kapalit ng milyun-milyon na kinikita nila, tila baga inaangkin na natin ang buong pagkatao nila, at tila baga hindi sila maaaring magkaroon ng kahit katiting man lamang na pagkakataong hindi mailantad lahat ng bagay na may kakaunti man lang na interes sa mga tagahanga nila.

So alam na natin na hindi magkapatid si Bamboo at si Dawn. Eh ano ngayon?!? Mas gumanda ba ang buhay natin nang malaman natin ito?

Derek, Umamin!

Umamin na rin sa wakas si Derek Ramsay na may asawa na siya mula 2002 pa lang, at may 11-anyos na junakis na rin pala siya. Anooooohhhh?!?

Teka lang, teka lang. Ilang taon din naging magkasintahan sina Derek at Angelica Panganiban? Hindi ba nagkaroon din ng panahon na magkasama sina Derek at si Cristine Reyes? Ummm… ah, eh, alam ba nila na may asawa’t anak na pala si Derek all this time? Ang gulo-gulo naman nun.

Ang sabi ni Derek, nasabihan daw siya na hindi balido ang kanyang kasal, kung kaya’t heto siya, tinuloy ang buhay niya as if single na single pa rin siya. Teka lang, hindi ba medyo ang tanga lang nun, at naniwala lang siya na ni hindi man lang siya nagkonsulta sa abogado kung tama ang opinyon na yun?

Well, heto nga at ang kinabagsakan ng lahat-lahat ng itey ay ang gulo na ngayong kinasasangkutan niya dahil naghain na ng reklamo ang kanyang diumanong asawa pa rin pala, at dahil diyan, kailangan na niyang managot sa harap ng batas. Malamang din naman sa hindi, madali din itong mareresolba, ngunit sa kadulu-duluhan, hindi ba mas mabuti sana kung nung umpisa pa lang, inareglo na ito ni Derek, kaysa heto ngayon, at kailangan niyang gumawa ng matinding damage control sa kanyang reputasyon.

So kung ganun, parang isinasabuhay lang ni Derek ang kanyang mga naging papel sa “No Other Woman” o kaya “A Secret Affair,” diba? Eh ano ngayon?!? Talaga bang may magugulat sa atin na may kakayahang mambabae ang isang katulad ni Derek Ramsay? Parang Wiz Kalifa naman, kung tutuusin.

Monra, Non Grata

Sa Kadayawan Festival, naging isang panauhin ng siyudad ng Davao ang kilalang “internet action star” na si Ramon Bautista, na siyempre, kilala natin bilang isang komedyante, at ang pasimuno ng “Tales from the Friendzone.” Marahil, mali ang naging tantiya niya sa mga tiga-Davao, dahil nang humirit siyang “ang daming hipon dito sa Davao,” kaagad siyang binate ng masaganang galit mula sa mga Dabawenyo. Hindi natuwa ang mga manonood, at maging ang alkalde ng Davao mismo, si alkalde Sarah Duterte, ay pinagmumura si Ramon, at matapos ng maikling deliberasyon, kaagad na idineklarang “persona non grata” si Monra, kung kaya’t hindi na siya maaaring makabalik sa Davao hangga’t hindi ito binabawi.

Maaalalang ganitong-ganito ang nangyari kay Candy Pangilinan noong 2009 nang nasa Baguio pa siya, at nagkamali siyang humirit ng “tao po ako, hindi Igorot.” Muli, ipinapakita ng mga LGU natin na hindi sila dapat kumukuha ng komedyante para sa kanilang mga piging, dahil ang dali-dali nilang mapikon kapag biniro sila.

Marahil, bilang mga sensitibong tao, hindi tayo natutuwa kapag ginagawa tayong katatawanan. Madaling maintindihan ang ganitong sentimiyento. Nguni tang hindi siguro naiisip ng mga taong nanggagalaiti sa mga tulad nila Ramon at Candy ay karapatan nila bilang malalayang mga tao na sabihin ang mga bagay na ito. Hindi mahalaga kung hindi natin gusto ang kanilang sinasabi. Hindi rin naman tayo pinagbabawalan na magalit o balikan sila ng sarili nating mga biro o di kaya insulto, kung yun ang tingin natin sa kanilang sinasabi. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang ating gamitin ang pamahalaan, na siyang dapat nagbibigay sa atin ng kalayaang mamahayag ng ating nais ipahayag, na kastiguhin at busalsalan ang mga komedyante. Komedyante. Hindi terorista. Hindi matay-tao. Komedyante. Hindi ba nila naiisip kung gaano yun ka-absurdo?!?

Unawain natin na may karapatan nga naman sumama ang loob ng mga Dabawenyo, maging ni alkalde Duterte. Pwede siya magalit. Pwede niya murahin si Monra, kahit na medyo hindi ito ang inaasahan nating pag-uugali ng isang “kagalang-galang” na pinuno, at isang tao na nagsasabing “bastos” si Ramon sa inilabas na hayag ng konseho nang pinag-usapan nila kung bakit nila nais gawing persona non grata si Ramon.

Karapatan ng tao na masabi ang nais niyang sabihin, basta ba naman hindi ito isang paghihimagsik laban sa pamahalaan. Iyan din naman ang dahilan kung bakit marami ang tumutol nang hinuli si Carlos Celdran dati sa simbahan, diba? Kung si Carlos Celdran, na tumuntong hindi sa isang simbahan, na hindi isang lugar na sakop ng pamahalaan, ay ating ipinaglaban, eh di lalo na dapat si Ramon Bautista, na isang komedyante sa isang pampublikong lugar.

Walang nagsasabing okay lang ang biro ni Monra. Kanya-kanyang kakayahang makatanggap lang naman ng biro iyan, eh. Pero hindi okay lang na bubusalan tayo ng mga politiko basta ayaw nila an gating sinasabi. Kung kaya nila awatin si Ramon, kaya nila awatin ako at ikaw.

Persona non grata nga si Ramon Bautista. Eh ano ngayon?!? Ano ba naman ang pinagkaiba ng isang taong nang-insulto ng mga Dabawenyo sa isang alkalde na tinawag na kung ano ang ina ng sinasabing komedyante?

Babala: ang kolum na ito ay opinyon ng isang bading na kabadong maawat ang okrayan sa mga comedy bar kapag nagpatuloy ang ganitong pagkapikon ng mga pinuno natin. Hindi nito nilalarawan ang saloobin ng POC. At kung nilalarawan man nito, Eh ano ngayon?!?

*Photos courtesy of Facebook. Collage by the editor.

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>