Dorm mates

Written by

Wednesday, 14 March 2012 - Last Updated on March 14, 2012

lgbt568Patapos na naman ang klase at siguradong sa Hunyo na muli kaming magkikita. Hindi daw kasi siya mag-susummer class dahil hindi daw sapat ang ipinadala ng Kuya niyang nasa abroad para pangtustos sa taun-taon naming tumataas na Tuition fee. Matinding lungkot ang naramdaman ko pagwika niyon habang kumakain kami ng siomai sa kahabaan ng Recto. Iyon na rin kasi ang tanghalian at miryenda namin lalo pa’t tatlong oras na naman kami sa isang klaseng isang beses kada lingo lamang kung magkita.


 

Isang taon na lang ay gagradweyt na kami sa kursong parehas naming hindi gusto noong una. Pinilit ako ng magulang samantalang siya naman ay pinakuha ng kapatid niyang nasa abroad na siya ring nagpapaaral sa kanya. Ang takot ko ay kailangan niyang magdagdag ng units sa susunod na semestre kapag hindi siya sumabay sa amin sa Summer Class at ang masama kung hindi pa ito available ay pihadong mahuhuli siya sa amin sa graduation.

“Ayoko!” sigaw ng isip lalo pa’t hindi ko siya masasabayan sa mga pagkain at ilang mga klaseng gusto ko siyang maging ka-grupo. Sanay na ako masyado sa kanya at sa hindi ko mawaring dahilan ay mas komportable akong kasama ko siya sa lahat ng lakad kahit pa hanggang sa dulo ng panahon. Noong una ko pa lang siyang nakikilala ay alam kong kailangan ko siya sa buhay ko. Kahit pa mas marami at mas madrama pa ang buhay niya sa akin ay may kung anong paraan siya para pawiin ang kahit na anong lungkot na aking nararamdaman. Ganun rin siya sa akin at inamin niya ito nang minsang madulas ito habang nagkakasiyahan sa malapit na milk tea shop sa aming tinitirhang dormitoryo.

Pinabigkas kong muli sa kanya ang winika niyang iyon at inulit niya na lamang iyon noong aking kaarawan na lagpas ang kanyang mga tingin. Siguro ay nahihiya siya lalo pa’t hindi siya siguro sa aking isasagot. Kailanman ay hindi ko binanggit sa kanya ang puwang na mayroon siya sa buhay ko. Ayoko kasing baka magbago ang pakikitungo ng bawat isa sa oras na makumpirmang parehas ang aming nadarama. Mas gusto ko na lang na ipadama iyon sa pamamagitan ng aking pag-aalaga sa kanya na higit pa sa matalik na kaibigan. Sa pag-aalaga sa kanya sa tuwing maysakit siya at pakikisalo ng makakain kapag nahuhuli ang padala sa kanya.

Subalit hindi ko na kaya ang ganoong sitwasyon. Nagpupumiglas ang aking puso sa tuwing dumidikit sa kanya ang isa pa naming kaeskwela na patay na patay sa kanya. Nagpalakad pa nga iyon sa akin at dahil sa hindi ko rin siya gusto dahil sa magaslaw na panunugod nito sa aking matalik na kaibigan ay nanatili na lamang siyang nakaabang sa anumang pagkakataon na ang kaibigan ko naman ang sumukli ng pagkagusto. Hinding-hindi mangyayari iyon dahil kahit hindi sabihin ng aking kaibigan ay may ibang laman ang kanyang puso. Alam ko iyon at tila piping nagsumisigaw iyon sa tuwing kami’y magkasama.

Maagang natapos kanina ang isa naming klase. Para daw iyon makapaghanda kami sa aming eksamin sa susunod na lingo. Sasapit na ang alas-sais kung kaya’t nagdesisyon kaming tumuloy sa kinakainang karinderya upang maghapunan. Muling naungkat ang usapin sa aming Summer Class subalit may kakaibang kirot pa na dumagdag rito. Natanggal daw sa trabaho ang kanyang kuya na nasa ibang bansa. Baka raw tuluyan siyang huminto upang mag-ipon muna para sa nalalabing isang taon ng pag-aaral.

Gusto kong umiyak noong mga oras na iyon subalit kailangan kong magpakatatag para sa kanya. Dagli kong naisip na may paraan upang matapos niya ito sa takdang panahon lalo pa’t tirahan, pambaon sa araw-araw at kaunting dagdag sa tution fee lang naman talaga ang kailangan niyang problemahin. College Scholar naman siya at ang kakulangan sa diskwentong matatanggap ay maaari niyang pagtrabahuhan sa pagtu-tutor.

“Kahit na may Practicum tayo next sem ay makakapag-tutor ka naman. Kaunting panahon na lang ay matatapos na tayo, Issa”, wika ko.

Lumiwanag ang kanyang mukha. Hindi na rin siguro ito makaisip ng diskarte lalo pa’t biglaan ang naging kapalaran ng kanyang kuya. Marahil sa naghahalong emosyon nito ay umaapaw ang pag-aalala nito sa asawa ng kanyang kuya na nagdadalang-tao. Tumugon siya matapos ang matamang pag-iisip na nabalutan ng pag-asa.

lgbt569“Basta ba tutulungan mo akong maghanap ng mas maayos na magbayad na mga Koreano”

“Siyempre naman, ikaw lang naman kasi ang mabait diyan at pumapayag kahit 50 pesos lang kada oras”

Mas okay na iyon kaysa sa tuluyang mawala siya sa akin. Magsasama pa rin kami sa dormitoryo, ako mag-aaral habang siya ay tatanggap ng kaliwa’t kanang tutorials.

Inakyat naming ang tatlong palapag na dormitoryo saka nagpahinga. Naiintindihan ko na hindi siya makakapag-summer class upang pag-ipunan ang pagpasok sa susunod na semestre.

Sa aming mahabang pagpapalitan ng kuru-kuro habang nagrerebyu sa eksamin, nilapitan ko siya at hinagkan sa labi. Nagulat siya subalit hindi pumalag. Unti-unting lumalambot ang kanyang halos mapaigtad na pakiramdam kanina nang hagkan ko siya saka tuluyang nagbaubaya. Matamis ang aming mga ngiti at noong mga oras na iyon, alam naming mag-dorm mate na saglit naming maaangkin ang mundo.

 

 

 


Photos by the author. Some rights reserved.

 

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>