Diborsyo: Sagot ba sa problemang mag-asawa?

Written by

Wednesday, 29 September 2010 - Last Updated on September 29, 2010

broken_heart“Tinatanggap mo bang maging kaisang-dibdib si …
na maging kabiyak ng iyong puso,
sa habang buhay,
sa hirap at ginhawa,
sa sakit man o kalusugan,
at mamahalin mo siya
sa habangbuhay,
gaya ng sagradong utos ng Panginoon?”

Ito ang kadalasang tinatanong ng pari sa magnobyong ikinakasal sa simbahan.

“Opo” ang sagot dito.

Dahil sa usapin ng diborsyo sa Pilipinas, pwede na bang bawiin ang mataimtim na “opo?”


Nagbabanggaang pananaw tungkol sa diborsyo sa Pilipinas

Nang isalang ang bill para maging legal ang diborsyo sa Pilipinas, sari-saring emosyonal na opinyon at pananaw ang naglabasan lalo na sa sektor ng Katoliko.  Malaking porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay Katoliko. Sa batas ng mga Katoliko, hindi nararapat na maghiwalay ang mga taong pinagsama ng kasal.  Ang kasal ay isang banal na unyon at marami pa din ang konserbatibo na naniniwala na ang sinumang pinag-isang dibdib sa harap ng Diyos ay di maaring paghiwalayin ng tao.

Ngunit di lahat ng mga taong ikinakasal ay may masayang kuwento ng pag-ibig.  Merong mga taong kasal na umiiyak, nasasaktan at naghihinagpis.  Ang kasal na minsan naging masayang okasyon ng buhay ay nagiging isang napakalaking dagok at pasanin para sa iba.

Walang diborsyo sa Pilipinas. Ang mag-asawa na di na nais magsama pa ay maaaring maghiwalay sa pamamagitan ng legal na separasyon. Maari ding kumuha ng annulment para ipawalang-bisa ang kasal.

Ang diborsyo sa Pilipinas ay naging paksa ng mainit na diskusyon. Kahit ang presidente ng bansa ay di naiwasang magbigay ng pananaw niya ukol dito. Ayon kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III, hindi daw siya sang-ayon sa diborsyo ngunit pabor naman siya sa legal na separasyon na magbibigay ng laya at karapatang mag-asawa muli ang mga taong hiwalay na.  Tanong ng marami … di ba halintulad na din ito sa diborsyo? Iba nga lamang ang tawag.

Ito rin ang tanong ni Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Family and Life.  Ayon kay Fr. Castro, sa isang banda, masaya ang simbahang Katoliko na hindi sang-ayon ang presidente ng ating bansa sa diborsyo ngunit ang sinasabi niyang pagbibigay-laya sa mga naghiwalay na mag-asawa upang magpakasal muli ay halos walang pinagkaiba sa diborsyo.


Iyak ng naghihinagpis na puso

Hindi lamang isa o dalawang beses nahuli ni Melinda na may ibang babae ang kanyang asawa. Tuwing meron silang komprontasyon tungkol sa ibang babae, nauuwi ito sa away.  “Pak!” Bigla na lamang siyang susuntukin ng asawa. Minsan sa braso, minsan sa dibdib at minsan sa sikmura.  Kapag di huminto si Melinda sa pagsasalita, isusubsob siya ng kanyang asawa sa sahig o pag minalas ay sa pader.

Maraming beses na siyang nasaktan at umiyak. Pasa at sugat sa katawan ang parusa sa kanya. Maraming beses na humingi ng tawad ang asawa at humiling ng isa pang pagkakataon.  Hindi na niya mabilang kung ilang beses siya nagpatawad at muling nasaktan.  Nawala na ang pagmamahal at respeto niya sa kanyang asawa. Naniniwala siyang hindi na ito magbabago.

Manhid na siya sa pisikal na sakit pero naguumapaw pa din ang hapdi sa puso niya. Parati niyang tinatanong sa sarili kung nasaan na ang mabait, pasensiyoso at mapagmahal na asawa na pinakasalan niya noon. Nagbago at napalitan ito ng isang taong babaero, palasumbat, at may magaang na kamao. Naglaho na ang saya at halakhak sa kanilang tahanan. Mataas na boses at iyak na lamang ang maririnig.

Humingi si Melinda ng payo sa piling malapit na kamag-anak tungkol sa pag-aaway nilang mag-asawa. “Magtiis ka na lang alang-alang sa inyong mga anak,” ang sabi sa kanya.  Ayaw naman ni Melinda isiwalat ang kaso ng karahasan sa iba dahil ayaw niyang mapahiya sa mata ng maraming tao.

Gusto na ni Melindang makipaghiwalay sa asawa pero parati siyang tinatakot nito na kapag umalis siya ng bahay, hinding-hindi na niya makikita pa ang kanilang mga anak. Dahil sa takot at kakulangan ng taong malalapitan, nagtitiis si Melinda sa tila mala-impiyernong buhay may-asawa.


Diborsyo, sagot nga ba sa problemang pang-magasawa?

Si Melinda ay isa lamang sa libu-libong mga kababaihan na nakakaranas ng karahasan mula sa kanilang mga asawa. Dahil sa kakulangan sa suporta sa batas, maraming babaeng tulad ni Melinda ang nakatali sa isang mapang-abusong relasyon.  Tahimik nilang tinitiis ang karahasan.

Para sa mga nagsusumikap na isulong ang diborsyo sa Pilipinas, ang pananakit ng isang asawa ay di natin dapat isawalang-bahala.  Huwag tayong magbulag-bulagan sa pangit na realidad na ito. Ayon kay Obeth Montes, Gabriela health and services director, ang babaeng binubugbog ng kanyang asawa ay dapat magkaroon ng layang iwanan ang kanilang kasal ngunit ang batas sa legal na separasyon at annulment ay hindi sapat para matugunan ang problemang ito.

Ang diborsyo na mahigpit na tinututulan ng simbahang  Katoliko ay siya namang pilit itinutulak ng Gabriela at Gabriela Women’s Party (GWP) na maipasa bilang isang batas. Layunin ng mga grupong ito na mahinto ang pantahanang karanasan (domestic violence) na laganap sa mga taong kasal.

Sa House Bill No 1799 , na binansagan ding “An Act sa Pagpapakilala sa Diborsiyo sa Pilipinas” ay isinulong sa pamamagitan nila Congresswomen Luzviminda Ilagan at Emerenciana de Jesus noong Hulyo 27, 2010. Sila ay parehong kasapi ng  Gabriela Women’s Party na nagnanais na ipasatupad ang karapatan ng mga kababaihan sa Pilipinas. Nais nilang tulungan ang mga kababaihan na ipaglaban ang kanilang mga karapatang pantao lalo na ang mga babaeng biktima na pantahanang karahasan.

Mahigpit na sinasalungat ng simbahang Katoliko ang panukalang-batas na ito.  Ayon sa tagapagsalita ng simbahan, ang diborsyo ay hindi solusyon sa isang masalimuot na pagsasama ng mag-asawa. Para kay Fr. Castro, ang diborsyo ay magiging instrumento lamang ng madaling pagtakas sa mga problemang mag-asawa. Hindi daw dapat itong sang-ayunan dahil ang kasal ay isang banal at panghabang-buhay na kontrata.

Sa konserbatibong pananaw, ang babae ang dapat magsakripisyo para iligtas ang isang kasal. Ngunit sa totoo, ang karapatan at responsibilidad ng babae at lalaki ay dapat pantay sa mata ng tao at batas. Nakasalalay sa kamay ng dalawa ang tagumpay ng kanilang pagsasama.


Photo: “broken heart” by Regan Walsh, c/o Flickr. Some Rights Reserved

———————————–

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. She took up several units of MBA at the same university. Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur with a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life in her personal blog called Heart of Rachel.

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>