Buhay OFW: 2Big to be true

Written by

Monday, 29 March 2010 - Last Updated on March 29, 2010

oil_and_waterNaalimpungatan ako kani-kanina lang, bigla na lang kasing bumukas ang bintana, mga alas dos ng madaling araw, sumilip ako ng konti sa labas, medyo nalungkot ako at nahomesex este! homesick pala, pakiramdam ko kasi nasa likod-bahay lang ako ng lola mo, pag ganito kasing panahong patapos na ang taglamig dito sa Kuwait, yung simoy ng hangin parang Pinas.

Di na rin ako nakatulog, inaabangan ko na baka sakali umulan, kaya lang wa-epek. Dito kasi swertehan lang kung uulan. Pinakamatagal na siguro ang isang oras at ambon lang ha, kung ikukumpara sa atin.

Palagay ko kung umuwi ako ng pinas sa kasagsagan ng El Nino nitong mga nakaraang buwan malamang na magsurvive ako dyan. Lintek kasi ang init dito pwede kang magluto ng itlog sa labas ng walang kalan sa sobrang init — uma-abot ng 51 to 60 degrees Celsius ang humidity. Pero sabi nga nila iba pa rin ang init ng katawan, init sa Pinas, na kahit gaano kainit maraming paraan — puwede kang tumambay sa kanto ng walang kamiseta at uso na rin ang mga maigsi at manipis na damit sa mga babae. At puwede ka rin mag-beach, enjoy pa ang ating mga mata sa nagseseksihan natin girls na pang-Miss U ang dating kaya nga tanggal-init talaga. Di gaya dito sa lupang buhangin na bawal pa rin ang ganitong kasuotan. Teka muna puro init na lang ang pumapasok sa kukote ko.

Sabi nga nila pag mainit: Tubig lang katapat nyan, iligo mo at tanggal ang init na bumabalot sa kaloob-looban ng iyong katawang pangromansa.

Siguro naman di ko na sasabihin kung gaano kahalaga ang tubig sa pang-araw araw na pangangailangan natin: 55 to 78 percent ng ating katawan ay katubigan. Una ang tubig at di talaga tayo pwedeng mabuhay kung walang tubig. Mahalin at pangalagaan.

Naalala ko tuloy yung kanta ni Ate Shawie na Tubig at Langis, tamang tama ito, kasi parang kanta ito sa mga OFW sa Middle East. Tubig tayo, sila’y Langis.

Pansinin ninyo ang lyrics — binigyan ko ng halimbawa ang bawat istansa:

 

Tubig at langis, ang katayuan nati’y yan ang kawangis
Pilitin mang magsama’y may mahahapis
Ganyang-ganyan tayong dalawa

Ang panuntunan’y magkaiba

1. Kung first time ka palang mag abroad maninibago ka sa kulturang malaking pagkakaiba sa kinahimasnan.

 

Langis at tubig, ‘di mapagsama ng tunay mang pag-ibig
Hinanakit ang s’yang laging mananaig
Mahal na mahal man kita,

May mahal ka namang iba

2. Sabihin na nating pag bansa mo mahal mo, at kahit na anong gawin o gustuhin mo, di mo maipagpapalit ang sarili mong bansa.

 

Chorus:

Tubig at langis
Idarang man sa init, ‘di rin tatamis
Dahil ang halo’y luha’t paghihinagpis
Ang kirot ay di maalis kung labis

3. Wala nang hihirap pa ang mapalayo ka sa pamilya mo, kailangan magsakripisyo.

 

Bakit nanaig ang dusa sa ligaya sa ‘ting daigdig?
May dasal ba akong hindi N’ya narinig?
Papel natin sa pag-ibig
‘y langis, ika’y tubig

4. Kung iisipin mayaman ang bansa natin, may mabago lang sa pamamalakad. Pero walang nangyarari — puro dusa na lang saka pag-aalinlangan.  Ang siste kailangang mangibang bansa — sa bansang may langis.

Repeat Chorus

5. Isang beses kang mag-abroad, kahit hirap ka pa sa trabaho, sa susunod mag-aabroad ka ulit.

 

Ako’y langis, ika’y tubig
Ako’y langis, ika’y tubig

6. Mas mahal ang tubig dito kesa langis…..

Kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko! Puyat!  Sa kahahabol sa deadline ng project ko, 1:30 na ng madaling araw nang matapos sa wakas. Kalahating oras pa lang akong nakakaidlip ng bumukas nga ang bintana, at ngayon ko lang napansin, natapunan ng tubig sa baso yung aking ginagawa. Ayan tuloy! —  ulit na naman ako.

‘Wag lang may magtanong sa akin ng joke na ito: “Ano sa Tagalog ang tubig?” At sasagot nang:  “Eh, di dalawang Malaki!”

Mananapak na talaga ako!

Administrator (18354 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>