benta part2_4

Bentang bente: Ano ang benta at hindi bilang LGBTQ sa 2014 (2 of 2)

Written by

Monday, 29 December 2014 - Last Updated on December 30, 2014
benta part2_4

Tingnan ang unang bahagi rito.

benta part2_1Sa aking nakaraang pagmumuni-muni sa mga namamayani pa ring mito o misconceptions patungkol sa buhay LGBTQ sa Pilipinas nitong 2014, nakatutuwa at nakalulungkot ding pinaghalo pa rin ang dalawang bagay sa pagtrato sa atin sa lipunan: ang pagkatuwa at ang pagkadismaya.

Sa unang bahagi ng artikulong ito, nilagay ko ang ilang mga muni-muni mula sa personal kong pakikisalamuha sa mga nilalang na ang tingin pa rin sa atin ay iba tayong uri ng nilalang kaysa sa kanila. Ngayon naman, ilang muni-muni patungkol sa lipunan at sa mas malawak nating iniikutan ang aking pupunahin, dahil kapansin-pansin pa rin ang ilang mas masasakit at mapanlait na opinyon kahit na dapat ay dalamhati o pagbubunyi ang mas nararapat na iparating sa nangangailangan nito.

Narito ang ilang muni-muni bunga sa mga kaganapan bilang LGBTQ sa Pilipinas nitong 2014.

Ang transgender ay hindi manlilinlang.

Nakalulungkot na sa kamatayan ng isang indibidwal, ang tinatapon sa kanyang panlalait ay ang “fact daw” na siya ay nanlinlang dahil di niya sinabi sa Amerikanong kasama niya sa motel na siya ay isang “bakla talaga” at “hindi tunay na babae.” Bukod sa baluktot pa rin ang pananaw ng mga tao sa kung ano ang babae at bakla, hindi pa rin talaga nauunawaan ng karamihan kung ano ang pinagkaiba ng transwoman at baklang effeminate. Mahaba itong usapin, oo, pero sana, pang-unawa na lang ang pinairal ng ilan dahil sa halip na maawa sa pinatay na transwoman na si Jennifer Laude, kinukutya pa siya dahil daw sa panlilinlang na ito.

benta part2_2News flash: Sana ay mas maintindihan pa natin na ang sex, gender, sexuality, sexual orientation at gender identity ay iba-iba ang kalakaran. Hindi nakasasama sa utak ang mag-aral ng bagong kaalaman nang kaunti. The more the merrier.

In short mga ate, koya, tito, tita at iba pa: Sundin natin ang kagustuhan ng isang tao tungkol sa sarili niyang katauhan at pagkatao. Respetuhin natin ang mga tao base sa kanilang nais na isulong na pagkatao. Kasi kung kayo ang nasa kalagayang ito, ano ba ang pagkatao niyong gusto ninyong makilala tungkol sa inyo?

Tsk tsk tsk you poor souls. Come over here and let me tell you about SOGIE…

Ang HIV/AIDS ay hindi epidemikong pambakla lamang.

Nakakatakot na ang mga numerong sinasabi nila. Kada isang araw, ilang bagong infection ba ang naitatala ng Dept. of Health? Sa pabago-bagong numerong ito, na nagbabago dahil pataas siya nang pataas, hindi biro ang usaping HIV/AIDS pero tila naisasantabi itong isyu ng pamunuan ng DOH daw mismo, ayon sa mga queer advocates na ito ang dalang isyu. At nakakalungkot din daw ang pag-iisip ng ilan, pag-iisip na makaluma na — na ang HIV/AIDS na isyu ay sakit na pambakla lamang.

News flash: May mga grupo o samahan na rin ng mga Pilipinong hindi bakla pero apektado ng HIV/AIDS. May straight, lalaki o babae. May OFW. May asawa. May girlfriend. Iba-iba na ang boses. Dahil isa itong sakit na maaaring makuha/maipasa kadalasan sa sex na hindi protektado, lalo na kapag lalaki ang nakikipag-sex nang di protektado, hindi ibig sabihin na mga bakla lang ang apektado nito.

In short mga ate, koya, tito, tita at iba pa: Oo, marami din sa komunidad namin ang apektado nito. Pero hindi naman ito nangangahulugang sakit lamang ito ng komunidad namin. Kapag sakit na ang pinag-uusapan, hindi na marahil mahalaga kung saan ito mas marami o saan ito kumakalat. Mas importante na maabisuhan ang lahat para maprotektahan ang lahat, proteksiyon na walang panghuhusgang moral. Dahil kung ang usaping medikal ay ginagawa ninyong isyung moral, ano’ng uri ng pagpapagaling meron kayo, at ano’ng uri ng panibagong sakit ang pinapairal ninyo?

Tsk tsk tsk you poor souls. Come over here and let me tell you about the sickness called ignorance and arrogance…

benta part2_3Ang kasal ay nangyayari dahil sa pag-ibig, at hindi ito kadiri.

Kung nagmamahalan ng tunay at lubos ang dalawang tao, kadalasan ay tinatanong natin sila ng “So kelan na kayo magpapakasal?” Pero bakit sa isang babae at lalaki lang na couple niyo tinatanong iyan? Kami bang mga LGBTQ na nagmamahal ng tunay at lubos ay walang karapatang magpakasal? Tulad na lang nitong sina Aiza Seguerra at Liza Diño, na nagpakasal kamakailan lamang sa USA. Sa halip na pag-ibig ang tingnan ng mga tao, paninira ang kanilang binabato sa dalawang magsing-irog. Bakit?

News flash: Ang konsepto ng marriage equality ay wala pa sa Pilipinas dahil marami pa sa ating mga karapatan ang di pa naibibigay. Kung ang lahat ng ating karapatan ay ibibigay na, tunay at lubos na ang pagiging Pilipinas ng Pilipinas, dahil magiging totoo na ito sa pagsunod ng mga nakasaad sa batas natin, na nariyan para proteksiyunan ang lahat ng mamamayan, hindi lamang ang mga straight. Ang mga karapatan — tulad ng karapatang magmahal at lumagay sa tahimik sa pamamagitan ng pagpapakasal — ay isang karapatan ng lahat.

In short mga ate, koya, tito, tita at iba pa: Baka nais niyong tingnan po kung bakit nagpapakasal ang isang tao sa isa pang tao. Kung pera lang ang habol nito, expansion ng business opportunity, marriage of convenience o dahil matanda-mayaman-malapit nang mamatay ang formula niyo ng pagpapakasal, baka kailangan niyong balikan kung para saan ba ang sakramentong ito.

Tsk tsk tsk you poor souls. Come over here and let me tell you about genuine emotional commitment…

Ang Bibliya ay di lamang pang-straight na tao.

Kung susundin natin ang tunay na salita ng diyos sa Bibliya, lalo na sa Bibliyang sinusunod ng mga Katoliko at mga Kristiyanong mapanghusga, hindi lang kaming LGBTQ ang makasalanan kundi tayong lahat. ‘Yung mga mahihilig mag-quotable quotes mula sa Leviticus, baka nais niyong buksan ang iba pang pahina ng librong iyan. Nakasaad din diyan na bawal maghalo ng dalawang uri ng fabric or something like that sa iyong fashion sense, na bawal kumain ng malalansang fudams, saka kapag nakakita ka ng malaswa tulad ng naka-bikining lalaki sa billboard sa EDSA ganyan, kailangan dawn a tusukin mo ang mata mo or something like that “to cleanse” or whatever. Basta, masaya basahin ang Bibliya, kaya basahin niyo ito lahat, hane.

News flash: May dahilan kung bakit nakasaad sa Bibliya ang mga nakasaad dito. Kung tulad lang sana ito ng Saligang Batas na kapag kailangan nang i-update ay puwedeng i-update, sana i-update na lang natin an gating mga utak at puso sa pagbasa ng mga nakalaman dito. Ganitong 100 million and counting na ang mga Pilipino sa Pilipinas, isasakatuparan mo pa ba blindly ang “go forth and multiply” eh sinabi iyan ng Diyos noong panahong iilang daan lang ba ang tao sa lupalop natin.

In short mga ate, koya, tito, tita at iba pa: Context, people, context. If you choose the tenets to believe in and choose tenets to hurt us, I wonder how you bigoted conservatives interpret the real word of God, when Jesus said “Love your neighbor as you love yourself” chenerz. Or something. Ask the Pope kaya? Tamang-tama, darating siya dito sa Pinas soon. Pagkakataon niyo nang maging tunay na banal, hindi yung tuwing Linggo lang at kapag nasa loob lang kayo ng simbahan mabait.

benta part2_4Tsk tsk tsk you poor souls. Come over here and let me tell you about practicing what you preach…

Ang dami, ano? Sana naman, sa susunod na taon, hindi na natin ito makita at marinig pa. Pero dahil sa mukhang malayu-layo pa ang kailangang maganap na diskurso sa lipunan tungkol sa SOGIE, sige lang, hindi naman kami mapapagod mag-educate. Sana lang ay bukas kayong matuto, hindi para sa kapakanan namin, kundi sa inyo rin.

Happy new year, Pilipinas.

 

Libay Linsangan Cantor is an award-winning Manila-based queer writer, media practitioner and gender advocate. Email her at leaflens@gmail.com. She blogs at Culture Popper Leaflens and tweets as @Leaflens. She answers queer-related queries at her Askfm leaflens site.

 

Photos by the author. Some rights reserved.

Libay Linsangan Cantor (106 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>