Baraha ni Nanay Delia: ang hula sa bagong taon

Written by

Friday, 31 December 2010 - Last Updated on December 31, 2010

new_year_prediction_2“Tanggalin mo muna agimat mo. Hindi kita mabasa.”

Ito ang unang sinabi ni Nanay Delia sa akin. Kinilabutan ako.

Nagtungo akong Quiapo kahapon para magpahula. Hinintay ko talaga ang Disyembre 31 bago magpabasa ng kapalaran para siguradong fresh ang anumang matutuklasan ko tungkol sa bagong taon. Dahil Biyernes na at huling araw ng 2010, tiyak na napakaraming tao sa Quiapo. Sakaling di umubra ang pansariling diskarte ko, kinaladkad ko ang kapatid ko sa aking lakad. Malaki kasi siya, pwedeng resbak.

Hindi nga ako nagkamali. Pagdating namin doon, pila-balde na ang mga tao sa labas ng simbahan. Sa Plaza naman, pinuputakte ng mga tao ang mga nagbebenta ng bagsak-presyong prutas at paputok para sa parating na hating-gabi. Mayroon pang maliit na grupo ng mga pulis na tila nagtatangkang mang-raid ng mga ibinebentang paputok, pero sadyang mas marami ang mga nagbebenta at bumibili kaya sumilong na lang sila sa isang sulok.

Samantala, naghanap ako ng manghuhula.

Isang hilera silang nakaupo sa may gilid ng simbahan, napapaligiran ng mga nagbebenta ng gulay, iba’t-ibang kulay na kandila, mga ating-anting, mothballs, plastic cover ng motorsiklo, plastik na alarm clock, sapatilya, pantanggal-bara, at kung anu-ano pang pwedeng mahanap sa plaza ng Quiapo.

Marahan akong namili ng manghuhula na lalapitan. Ang iba sa kanila’y nakikipagkwentuhan sa katabi o kaya tulog kaya ayaw ko nang istorbohin. Sadya rin kasi akong naiilang tuwing tinatawag nila ako para magpahula. Noon ko napansin si Nanay Delia na may pulang bandana sa pinakadulo ng hilera, katabi ng mga ibinebentang tsinelas. Siya ang nilapitan ko dahil siya lang ang hindi namansin sa akin.

Umupo ako sa silya sa harapan niya. “Nay, pahula po.”

Tiningnan niya ako at sinabing tanggalin ko raw ang agimat ko. Kinilabutan ako dahil nakatago sa ilalim ng t-shirt ko ang mumurahin (at marahil peke) na agimat na nabili ko rin sa Quiapo ilang taon na ang nakaraan. Paano niya alam na may agimat ako? Sige, marahil nakita niya ang lubid na nakasabit sa aking leeg, pero kahit na! Paano kung eskapularyo yun, o kaya kwintas lang? Paano niya alam?

Nag-alinlangan na ako magpahula. Kahit pa tanggalin ko ang agimat na suot ko, mayroon kasi akong tattoo na may disenyong agimat sa aking tagiliran. Baka paghubad ko ng agimat sa aking leeg, sabihin ni Nay Delia na “hindi iyan, ‘yung isa.” Lalo lang ako matakot.

Buti na lang kasama ko ang kapatid ko. Siya na lang daw ang magpapahula.

Taga kung taga magpresyo si Nay Delia, 60 taong gulang. 35 na taon na raw siyang nanghuhula sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Isang daang piso para magpabasa ng baraha pero dagdagan daw namin kung kukuha pa ako ng litrato. Sige na nga, katatapos lang naman ng pasko (at sa totoo, medyo natatakot ako sa kanya).

Ipinabalasa ni Nay Delia sa kapatid ko ang mga baraha. Mabilis na pinasadahan ni Nay Delia ang mga ito, inilalapag ang sa lamesa sa harapan niya at sinabi sa kapatid ko ang mga ibig sabihin.

new_year_prediction

“Masyadong mataas ang iyong ambisyon. Makakamit mo ang lahat ng iyan, pero ‘wag ka magmadali.”

“Mag-ingat ka sa mga kaibigan mo. Piliin mo sila ng mabuti. Sila ang magdadala sa iyo ng kapahamakan.”

“Yayaman ka. Mamamatay kang may pera sa bulsa. Kapag naghirap ka balang-araw, matakot ka. Hindi iyan ang kapalaran mo.”

“Mag-ingat ka sa mga babaeng may-asawa.”

“Mag-ingat sa mga taong may baril.” Nang sabihin ni Nanay Delia itong huli, napatingin sa akin ang kapatid ko na para bang gustong sabihin: “E ano pa ba?”

Napansin kong wala namang tiyak na sinasabi si Nanay Delia sa kanyang hula. Vague lahat at walang espisipikong detalye.

Habang patuloy niyang hinulaan ang kapatid ko, tumingin-tingin na rin ako sa paligid. Katatapos lang kasi ng misa at bumabaha na palabas ng simbahan ang mga parokyano. Ang iba sa kanila’y dumiretso para mag-abang ng jeepney, ang iba naman ay namili pa ng mgra prutas at lobo para sa mga bata. Pero ang iba sa kanila’y sumadya sa hilera ng mga manghuhula para magpabasa ng kapalaran.

Siguro sadyang likas sa mga tao na gustuhing makasilip sa walang-katiyakang hinaharap. Dala ng bagong taon ang bagong mga pangyayari at oportunidad na hindi pa natin maaninag kahit sa bispiras ng 2011. Noong New Year 2010 ba, mayroon nang nakahula sa lakas ng bigwas ng bagyong Juan sa Isabela o sa trahedya ng hostage-taking sa Quirino Grand Stand? Wala yata. Pero sakaling mayroong manghuhula na makapagbibigay ng kahit kapiranggot na pahiwatig— mabalaan man lang siguro yung driver ng bus na huwag pasakayin ang pulis na katatanggal sa trabaho—hindi ba natin kakapitan kahit ga-salubsob lang ang babala?

Pinagmasdan ko ang hilera ng mga manghuhula. Hindi ko mahulaan kung tunay bang may kapangyarihan silang malaman ang kinabukasan. Katulad ng agimat na lagi kong suot sa aking leeg, peke man o hindi, mas mainam na ang handa. Sabi nga ng lola ko, wala namang mawawala kung maniniwala.

Pero sa kabila nito, alam ko (at alam din ng kapatid ko, salamat sa Diyos) na ang salita ng manghuhula ay hindi batas. Ang kapalaran ng tao ay base sa sariling diskarte niya. Interesante man ang magpabasa ng kapalaran, hindi ibig sabihin na dapat nang magpatali sa anumang sasabihin sa hula. Dahil iyon lang naman talaga iyon: hula. Kaya ko rin iyon, at kaya mo. Pipito ka lang sa hangin at sasabihin, “bukas, magkikita kami ng kaibigang matagal ko nang hindi nakakausap.” Pwede kang maghintay sa wala, pero pwede mo ring i-text o tawagan ang kaibigan mo ngayon para alukin sa isang kitaan. Diskarte lang naman.

Itinanong ng kapatid ko kay Nay Delia kung ano ang pwedeng asahan ng Pilipinas sa susunod na taon. Magiging mas maaliwalas kaya ang ating kinabukasan o makararanas ba raw tayo ng mga sakuna at trahedya katulad ng nakaraang taon?

Bumunot si Nanay Delia mula sa kanyang baraha at ipinakita sa amin ang tarheta ng demonyo. “Mas matindi pa ang darating,” sabi ni Nanay Delia. Sa tabi niya, kanina pang nakikinig sa hula si Tatang Dong, isa ring manghuhula. Sa puntong ito, tumango ang kanyang ulo. “Mas marami pang kamalasan, mas mabigat,” sabi ni Tatang Dong sa amin.

Pareho kaming kinilabutan ng kapatid ko.

Administrator (18354 Posts)


2 thoughts on “Baraha ni Nanay Delia: ang hula sa bagong taon

  1. judy quina

    itatanong ko kong mananalo ako sa jueteng ngayong araw at ani ang number na tatayaan ko at ano ang kapalaran ko ngayon

    Reply

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>