rainbow-828920_640

Bakit mahalaga ang pagsali natin sa LGBT Pride March?

Written by

Saturday, 25 June 2016 - Last Updated on June 28, 2016
rainbow-828920_640

rainbow-828920_640ni Bruce Amoroto

I. Para sa pagpapasa ng Anti-Discrimination Bill at iba pang batas na magtataguyod at magtatanggol sa pantay na karapatan ng mga Pilipino kabilang ng mga LGBT

Sa ating Saligang Batas, nakasaad sa Article II, Section 11 na pinahahalagahan ng Estado ang dangal ng bawat tao at ginarantiya ang buong pagrespeto sa karapatang pantao. Bukod dito meron ding ‘Equal Protection Clause’ (Article III, Section 1) kung saan nakasaad ang pantay na proteksyon ng mga batas. Meron ding probisyon para sa Social Justice at Human Rights (Article XIII). Pero sa kabila ng mga ito, hindi tinatamasa ng mga LGBT ang patas ng proteksyon ng mga batas ng Pilipinas at ang pantay na karapatang pantao, bagkus ay merong umiiral na diskriminasyon batay sa ‘sexual orientation’ at ‘gender identity’ (SOGI) sa bansa. At ito ang tinutugunan ng Anti-Discrimination Bill (ADB) na naka-pending sa Konggreso mula pa noong 1999. Para maisakatuparan ang pangako ng ating Saligang Batas para sa mga LGBT, kailangang maipasa ang ADB na nagbibigay kahulugan sa “diskriminasyon batay ‘sexual orientation’ at gender identity” at nagbibigay-parusa sa ganitong gawain. Ipinababawal sa loob ng ADB ang lahat ng klase ng diskriminasyon batay sa SOGI at may penalty para sa mga lumabag dito. Pero sa loob ng 17 taon, kinontra ng Catholic Church at ng mga mambabatas kaalyado ng Simbahan ang pagpapasa ng ADB dahil sa mali nilang pananaw na ang panukalang ito ay para sa pagpapasa ‘same-sex marriage’. Ngunit walang anumang katagang mahahanap sa ADB tulad ng ‘marriage’, ‘same-sex marriage’, ‘marriage equality’ o kahit pa ‘civil unions’. Sa loob ng ADB binibigyang penalty ang diskriminasyon sa ilang aspeto ng buhay tulad ng sa trabaho, edukasyon, kalusugan, public service, access sa public establishments, at harassment ng mga pulis at tagapagpatupad ng batas.

Ngunit bukod sa ADB, kailangan din sa Pilipinas ng isang ‘Gender Identity Recognition Law’ para makilala ang mga transpinays at transpinoys sa kanilang mga napiling kasarian na hindi na nangangailangan ng anumang surgery o anumang pagbabago sa katawan. Kailangan din ng isang batas na kikilala sa mga relasyon at magtatanggol sa kagalingan ng mga pamilya at mga anak ng mga LGBT. Bagama’t nakasaad din sa Saligang Batas ang karapatan sa kasal at sa pagbubuo ng pamilya, maraming LGBT na nasa isang relasyon at pamilya na may mga anak ang hindi saklaw at napoproteksyonan ng mga batas ng Pilipinas patungkol sa kasal at pagpapamilya. Sa kasulukuyan, sa ilalim ng Family Code halimbawa, ang kasal ay sa pagitan lamang ng isang lalake at ng isang babae. Kumpara sa mga benepisyong tinatamasa ng isang heterosekswal na pamilya, dehado ang pamilyang LGBT. Kung kaya’t kailangan ang isang batas na magtataguyod sa pantay na karapatan sa kasal at mangangalaga din sa kagalingan ng pamilyang LGBT.

Bagama’t hindi garantiya sa pagbabago ng lipunan ang pagkakaroon ng mga batas, kailangan pa rin ang mga ito para masimulan ang mas substantibo at mas makabuluhang pagbabago. At sa pamamagitan ng pagsali sa Pride March, sa sama-samang boses ng mga LGBT at ng kanilang mga kakampi, pinapalakas natin ang panawagan ng community para sa pagsasabatas ng mga panukalang magtatanggol sa pantay na karapatan at kagalingan natin bilang tao.

II. Para sa edukasyon at pagpapalawak ng kamalayan ng publiko tungo sa pagbabago ng lipunan

Higit sa pagpapasa ng mahahalagang batas, kailangang mabago ang puso at isipan ng mga Pilipino patungkol sa mga LGBT. Sa ngayon, meron pa ring stigma at paninino at marami pa rin ang mga may maling akala o pananaw patungkol sa mga LGBT. Kahit na natanggal na ang homosexuality sa listahan ng mga mental disorders, at kahit na lumalawak na ang consensus para sa pagtatangaal ng gender identity disorder bilang isang sakit, meron pa ring mga medical professionals sa bansa na naniniwala na may sakit (sa pag-iisip) ang mga LGBT at maaari silang magamot o mabago. Ang ilan naman ay naniniwalang isinumpa ang mga LGBT, samantalang ang iba naman ay nagsasabing maging compassionate sa mga LGBT pero igiit na kasalanan at imoral ang pagiging LGBT. “Love the sinner, hate the sin”, ika nga. Dahil sa mga ito, sa pamamagitan ng Pride March, makikila ng mga hindi-LGBT na tayo ay mga tao rin na may pantay na dangal at mga karapatan, at sa huli ay hindi tayo kaiba sa kanila. Bukod dito, ang Pride March ay isa ring pagkakataon para maipakita sa publiko ang diversity ng LGBT community. Sa 16 na taong nagmamartsa ang mga LGBT sa Pilipinas, dumami at iba’t-ibang klase ng mga grupo na ang sumali sa Pride March. Ipinakita natin sa ating mga grupo na tunay na magandang ang bahaghari kung nakikita ang iba’t-ibang kulay nito.

Mahalaga ang visibility hindi lang para makilala tayo ng mga hindi-LGBT kundi para lumawak din ang ating mga kaalyado at mga kaibigan na lalaban at magtatanggol din ng ating pantay na karapatan. Ang Pride March ay hindi lang para sa mga LGBT; para ito sa lahat ng mga naniniwala sa non-discrimination, sa pagkakapantay-pantay, sa karapatang pantao, sa pagkakaiba-iba (diversity), at sa katarungan. Maling isipan na para sa LGBT lang ang Pride March. Ang heterosexuality at asexuality ay mga sexual orientation din, samantalang ang pagiging cisgender at agender naman ay mga klase din ng gender identity, kung kaya’t sa huli bahagi rin sila ng Rainbow Community. Ang mga sexual orientation at gender identity na ito ay bahagi rin ng makulay at mayamang spectrum ng sexuality at gender na bahagi ng ating bawat pagkatao.
III. Para sa ating mga sarili

Ang Pride March ay isang pagkakataon at puwang para sa mga LGBT na yakapin at ipagdiwang ang ating mga sarili—kung sino ang ating minamahal at ano ang pagkakakilanlan natin. Ang March ay isang kolektibo at indibidwal na gawaing pulitikal ngunit ito rin ay isang masayang pagkakataon para makapagbahagi tayo sa komunidad ng ating mga kakayanan, husay at talento. Kakaibang pakiramdam ang makatulong sa komunidad na magorganisa ng isang event na ikakasiya ng marami. Ibang pakiramdam din naman ang maging kalahok lamang at pumarada nang malaya at walang pangamba kasama ng mga kaibigan at mga “kabaro”.

Ang Pride March ay isang lugar kung saan malaya tayong makapagpahayag ng ating mga sarili, ng ating “kaibahan” (queerness). Bagama’t ang paglalantad ay isang napaka-personal na bagay at walang LGBT ang pinupwersang lumantad o sumali sa parade, ang Pride March ay isang lugar kung saan pinapayagan tayong yakapin at ipagdiwang ang ating sekswalidad at kasarian. Ang Pride March samaktwid ay mapagpalaya at makapangyarihan hindi lang sa kolektibo kundi sa indibidwal-personal na level. At kahit na ilang parada na ang iyong nasalihan, bawat Pride March ay kakaiba. Pero ang espesyal at namumukod tangi sa pagsali natin sa Pride March ay ang pakiramdam na habang nagmamartsa ay mabigyan tayo ng pagkilala ng mga nanonood—kundi hiyaw ay palakpak o simple ngiti sa kanilang mga mata—na tama ang napili nating desisyon na maging matapang, na lumantad, na yakapin ang iyong tunay na pagkatao at ipahayag sa madla na ikaw ay bahagi ng isang makukay na komunidad. At yang pakiramdaman yan, yan ang tunay na kahulugan at pakiramdam ng magkaroon ng kalayaan at ng “pride”. Sana ay makita kita sa susunod na Pride March kapatid.

 

contributor (162 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>