College students

Bakit hindi dapat tanggalin ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo?

Written by

Tuesday, 15 July 2014 - Last Updated on March 18, 2015
College students

College studentsNoong Hunyo 28, 2013, inilabas ng Commission on Higher on Education (CHED) and CHED Memorandum Order No. 20 o ang “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies.” Batay sa , hindi na ituturo ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo kapag naipatupad na ang programang K to 12 sa 2016.  Tinalakay ng nasabing memorandum ang pagpasok ng General Education Courses sa Grade 11 at 12 kung saan kabilang dito ang Filipino.

Dalawang taon pa bago ito maipatupad ngunit marami nang mga grupo at indibidwal ang nagpahayag ng pagtutol dito. Ayon kina John Kelvin Briones at David Michael San Juan ng De La Salle University-Manila, kahit ang lenggwaheng pinili para sa pagsusulat ng CHED Memo No. 20 ay taliwas sa nakasaad na mandato ng CHED na magbigay ng mga gabay pang-edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan at ng lipunan.

“Ang halos buong CMO ay nasa wikang Ingles, isang wikang banyaga at hindi ginagamit ng nakararaming mamamayan pang-araw-araw na komunikasyon. Sa simula pa lamang ay kitang-kita na ang malawak na agwat ng mga tagabalangkas ng patakarang pang-edukasyon na Ingles ang wikang gamit, at ng mga mamamayang Pilipino wikang pambansa at/o mga wikang rehiyunal ang gamit,”saad nila Briones at San Juan.

Ang wikang Filipino sa kurikulum

Taong 1937 nang inirekomenda ng Institute of National Language na gawing batayan para sa wikang pambansa ang Tagalog, alinsunod sa nakasaad na kinakailangang magkaroon ng wikang pambansa sa 1935 Philippine Constitution.

Sinundan ito ang paglalabas ni dating Pangulong Manuel L. Quezon ng Executive Order No. 263 noong Abril 12, 1940 na naguutos na isama sa kurikulum ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ang pagtuturo ng wikang pambansa. Alinsunod nito, naglabas naman ang Secretary of Public Instruction ng Bureau of Education Circular No. 26, s. 1940 na ang pagtuturo ng wikang pambansa ay ipapatupad sa fourth year ng high school at second year sa mga pampubliko at pribadong teacher-training institutions.

Sa pagdating ng mga mananakop na Hapon, ginawang Tagalog ang medium of instruction at pagdating ng 1943 ay itinakda ng Executive Order No. 10 ni dating Pangulong Laurel ang pagtuturo ng pambansang wika maski sa elementarya.

Nagbago ang ganitong patakaran nang bumalik ang mga Amerikano at ginawang pangunahing medium of instruction ang Ingles at ginawa na lamang asignatura ang Tagalog. Nanatili ang ganitong sistema kahit pa nagkaroon ng mga bagong patakaran sa wika ang mga sumunod na kagawaran sa edukasyon sa paglipas ng panahon.

Ang kolonyal na edukasyon na ito ang dahilan na tinukoy ni national artist Bienvenido Lumbera kung bakit pilit na tinatanggal ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo.

“Kaya’t ang mga nasa otoridad na nasa sistema ng edukasyon na gumagawa ng patakaran ay pawang mga produkto ng isang kolonyal na edukasyon. Ingles ang kanilang wika nang sila ay mag-aral, at hindi kataka taka na ang edukasyon sa Pilipinas na pinamamahalaan ng ating mga otoridad ay laging humahanay sa mga taga-kanluran ang sistema ng edukasyon na gusto nating pantayan,” saad ni Lumbera.

Tinukoy din ni Lumbera na ang programang K to 12 ay sumusunod lamang sa “isang globalized system of thinking” na hindi sapat ang edukasyon sa Pilipinas dahil sa kulang ito ng dalawang taon. Aniya, hindi na kailangang kumbinsihin pa ang mga otoridad na kailangang pantayan ang sistema ng edukasyon ng mga dayuhan dahil sila mismo ay produkto ng sistemang kolonyal.

Bakit mahalaga ang asignaturang Filipino?

Sa panayam ng bulatlat.com sa iba’t ibang propesor ng Filipino sa mga unibersidad, tinukoy ang mga dahilan kung bakit hindi dapat tanggalin ang nasabing asignatura sa kolehiyo.

Ayon kay San Juan, ang Filipino 2 sa senior high school ay nakatuon lamang sa pagsusulat samantalang ang nasa kolehiyo at pinag-aaralan ang pagsusulat pagbabasa.

“Kailangang malaman na ang pagtuturo ng Filipino sa general eduation curriculum sa kolehiyo ay kaiba sa track-based approach ng Filipino sa senior high school,” ani San Juan. Idinagdag niya na maski ang kulturang Filipino, panitikan, wika at lipunan ay kasama sa tinuturo sa kolehiyo. Naniniwala si San Juan na mas angkop na pag-aralan ang mga pambansang isyu sa sariling wika. Kapag tinanggal ang Filipino, mawawalan ng pagkakataon na pagusapan ang mga nasabing isyu at magiging socially conservative ang mga mag-aaral pag dating ng panahon.

Ayon naman kay Dr. Antonio Contreras ng DLSU, mas mabilis matuto ang mga mag-aaral kung Filipino ang ginagamit na medium of instruction dahil naiitindihan nila ang lenggwahe.

Sinang-ayunan ito ni Dr. Ernesto Carandang III, tagapangulo ng Filipino Department sa DLSU. “Hindi matatanggal ang Filipino sa kolehiyo dahil ang mga graduate ay nakikipag-usap pa rin sa Filipino,” saad ni Carandang.

Para naman kay Marvin Lai, tagapangulo ng Department of Filipinology sa Polytechnic University of the Philippines, ang pagtatanggal sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo ay katulad ng pagtatanggal sa identidad ng mamamayang Pilipino.

“Naniniwala ang mga guro sa Filipino, na ang wikang Filipino ay wika ng mga intelektwal. Kapag hindi naipapahayag ng mga kolehiyo o ng propesyunal na nililikha ng unibersidad, hindi nila makikita na ang wikang Filipino ang magiging instrumento ng kanilang pagkatao,” sabi ni Lai.

Tanggol Wika

Noong Hunyo 21, nagsamasama ang mahigit 300 na propesor at mag-aaral mula sa 43 unibersidad at kolehiyo para itatag ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika)

Panawagan ng Tanggol Wika ang sumusunod:

  1. Panatilihin ang pagtuturo ng asignaturang Filipino sa bagong General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo.
  2. Rebisahin ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order 20 series of 2013.
  3. Gamiting ang wikang Filipino sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura.
  4. Isulong ang makabayang edukasyon.

Dagdag pa, sinasabi ng grupo na ang pagtatanggal sa asignatura ay magdudulot ng malawakang pagkawala ng trabaho ng umaabot sa 10,000 full time at 20,000 part time na mga guro.

Sa kasalukuyan, mayroong petisyon ang Tanggol Wika sa change.org.

Zofia Leal (8 Posts)


2 thoughts on “Bakit hindi dapat tanggalin ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo?

  1. Pingback: Sariling Atin, Ipaglaban Natin | Sariling Atin, Ipaglaban Natin.

Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>