glenda photo

Bagsik ni Glenda: Personal na karanasan

Written by

Monday, 21 July 2014 - Last Updated on July 22, 2014
glenda photo

glenda photoMaaga palang nawalan na ng kuryente noong madaling araw ng Hulyo 16, 2014.  Nagsimulang lumakas ang ihip ng hangin bandang 2:00 a.m.  Hudyat na iyon ng patikim ng hagupit ni Glenda.  Malakas na hangin na may kasamang pabugso-bugsong ulan ang naranasan ng Metro Manila, Laguna, Quezon, Rizal, Cavite, Batangas, Marinduque, Camarines Sur, Bulacan, Zambales, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Northern Samar at iba pang bayan.

Isa si Glenda sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong taon. Sa loob lamang ng tatlong oras, nagdulot si Glenda ng napakalaking pinsala sa mga apektadong lugar. Nagliparan ang mga bubong, nasira ang mga pader, natumba ang mga puno, at bumaha sa maraming lugar.  Ayon sa balita, 54 katao na ang namatay at isang milyon tao ang apektado ng bagyong Glenda.

Balikan natin ang mga pangyayari noong nakaraang Miyerkules. Mula madaling araw, gising na kaming mag-asawa. Pinakikiramdaman namin ang bagyo. Noong una, di pa gaanong kalakasan ang ihip ng hangin ngunit sa pagtakbo ng oras, naging mas agresibo ang hangin at ulan na dala ni Glenda.  Parang galit na galit si Glenda. Bumuhos ang ulan at lumakas ang hangin.  Natakot kami nang tila gustong tangayin ni Glenda ang mga yero mula sa garahe at lanai.  Narinig din namin ang kalampagan ng mga bubong ng kapitbahay.  Parang may pilit na nagbubukas ng pinto mula sa labas dahil sa lakas ng hangin.

Mama-maya pa, unti-unting tumulo ang tubig mula sa mga sulok ng bahay. Sa lakas ng hangin, pumasok sa mga gilid ang ulan.  Dahil puno ang mga balde ng inipong tubig para kung sakaling mawalan ng tubig, mga kaldero na lamang ang ginamit namin upang sahurin ang mga tulo ng ulan.  Bukod sa paggamit ng mop, isang katutak na basahan ang nailabas namin ng araw na iyon upang punasan ang mga tulo ng tubig sa pader at sahig.

Sinilip ko ang aking anak sa kwarto . Mabuti nalang at mahimbing ang tulog niya.  Iniligay ko sa lamesa ang isang de-baterya na lampara upang hindi siya matakot kung sakaling bigla siyang magising. Tinitigan ko ang aking anak at nagdasal ako sa Panginoon na iligtas niya kaming lahat sa kapahamakan.

Tinignan ko ang aking alagang aso sa garahe.  Balisa siya dahil sa mga ingay na naririnig sa kapaligiran at ampiyas ng ulan.  Pinunasan ko agad siya ng tuyong tuwalya. Dinala ko ang aming aso sa may labahan upang di siya mabasa ng ampiyas ng ulan. Ipinalatag ko sa aming kasambahay ang isang malaking tabla ng kahoy upang mahigaan ng aming aso dahil basa na ang sahig.  Bago ako pumasok sa bahay, nilagyan ko pa ang tabla ng tuwalya upang maging kumportable siya.

Noong kasagsagan ni Glenda, naging problema ang signal ng mga cellular phones. Nawala din ang dial tone ng landline.  Nahirapan kaming kontakin ang mga mahal namin sa buhay.  Wala kaming magawa kundi hintayin ang pagalis ni Glenda.

Unti-unting nagkaroon ng liwanag ngunit hindi pa doon natapos ang bagsik ni Glenda.  Nang dumungaw kami sa labas, nakita namin ang mga sangang naputol at mga pira-pirasong yero at plastic na bubong na tinangay ng hangin.

Sa isang kisap, bigla na lamang tumaas ang tubig sa kalye.  Bumilis ang tibok ng puso ko dahil parang mauulit ang nangyari noong Milenyo kung saan pinasok kami ng baha.  Lumabas ang aking asawa upang tignan ang drainage.  Natakpan pala ng mga sanga, dahon at inanod na basura ang drainage kaya’t wala ng daluyan ang tubig.

Mabilis na umaksyon ang aking asawa. Pinaghirapan niyang tanggalin ang mga nakabara sa drainage habang ako at aking mga kasambahay naman ay naging abala sa pagtaas ng mga gamit sa loob ng bahay kung sakaling pasukin kami ng tubig. Ipinasok ko ang aking alagang aso upang madali ko siyang iakyat kung sakaling tumaas pang lalo ang tubig.

Natakot ako para sa kaligtasan ng aking asawa. Alam ko na delikado ang pananatili niya sa labas dahil sa mga nagliliparan na mga bagay ng dala ng hangin. Masyadong mabilis ang pangyayari. Huli na upang ilabas ng garahe ang kotse.  May posibilidad na abutin ng baha ang kotse dahil tumataas ang tubig sa garahe. Umabot na sa baywang ng aking asawa ang tubig sa labas.

Mabuti na lamang at dumating ang tatlong miyembro ng maintenance team upang tulungan ang aking asawa.  Sama-sama nilang tinanggal ang mga nakabarang dahon, sanga, yero at basura.  Parang walang kamalay-malay ang aming mga kapitbahay na bumabaha na sa labas. Kung hindi sa pagsisikap ng aking asawa at maintenance boys, malamang pinasok na ng baha ang mga bahay-bahay sa aming kalye.

Para akong natanggalan ng malaking tinik sa dibdib nang makita ko ang unti-unting pagbaba ng tubig sa kalye.  Laking pasasalamat ko dahil mabilis na naisip ng aking asawa ang nararapat gawin.

Nang tuluyan nang bumaba ang tubig, pumunta sa ibang lugar ng village ang mga maintenance boys para tulungan ang ibang homeowners. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil imbes na manatili sila sa kanilang mga sariling bahay hanggang sa lumipas ang bagyo, pumasok pa din sila.  Saludo ako sa dedikasyon nila sa trabaho.  Sinabi ko sa aking sarili na gagantihan ko ang kanilang kabutihan kahit sa maliit na paraan.

Magtatanghaliaan na nung humupa ang ulan at hangin.  Balak na sana naming lumabas ng village upang dalawin ang ina at mga kapatid ng aking asawa sa kalapit na barangay ngunit nalaman namin mula sa guard na maraming bumagsak na malalaking punong kahoy kaya’t hindi pa maaaring lumabas. Hinintay na lamang namin na maitabi ang ilan sa mga natumbang puno upang makadaan ang sasakyan.

Hapon na nang kami ay nakalabas.  Laking gulat namin nang makita ang naglalakihang mga puno na natumba. Swerte kami kung ituturing dahil hindi nasira ang aming bahay.  May mga kapitbahay kami na natangay ang bubong.  May isang bahay na natumbahan ng puno at mayroon din kotse na nahulugan ng malaking sanga.  May nakasabit din na puno sa kable ng kuryente.  May nakita din kami na baling mga poste.

Kalunos-lunos ang kondisyon ng bahay ng aking biyenan nang kami ay dumating doon. Walang natira sa kanilang bubong. Lahat ng gamit nila tulad ng damit, litrato, libro, piano, computer, furniture, at appliance ay nabasa. Ang tanging hindi nasira ng bagyo ay ang bagong kusina na hiwalay sa bahay.  Doon pala sila nanatili noong kasagsagan ng bagyo.   Ang bahagyang pader naman ng bahay ng kapatid ng aking asawa ay gumuho. Ang bahay ng kakambal ng aking biyenan at pinsan ng aking asawa na kapwa nakatira sa iisang compound ay bahagyang nasira din.  Napakalaking pinsala kung tutuusin ngunit malaki pa din ang aming pasasalamat dahil walang nasaktan.  Ligtas ang lahat!

BBQ

Imbes na malugmok sa kalungkutan, nagsama-sama pa kami noong hapong iyon at nag-BBQ. Wala kasing kuryente kaya’t sa labas kami nagluto. Nagtatawanan pa ang lahat. Akala mo walang bagyong nagdaan at walang pinansalang nangyari. Ganyan talaga ang mga Pinoy. Basta sama-sama, kaya nila harapin ang mga pagsubok sa buhay.

Photos by the author.

—————————–                                                      

Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University.  Rachel is a full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog calledHeart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>