phil island

Bagong pangalan, bagong Pilipinas?

Written by

Sunday, 26 July 2015 - Last Updated on July 26, 2015
phil island

 

phil island

Hindi naman sa Pilipino galing ang bansag sa ating bayan, na “Pilipinas,” dahil ito ay galing sa “Felipe” ni Haring Felipe II, na hari ng Espanya noong tayo ay sakupin nila, kasagsagan ng emperyo nila. Napaka-simple nang pagkaka-pangalan. Kumbaga sa anak, tayo ang “Junior” ng mga magulang natin. Walang kahirap-hirap, hindi na kailangang mag-isip, at ang karangalan ng magulang ay agad-agad naipasa, maa-alala sa isang bigkas lamang ng pangalang ipinamana. Kayaman rin nga talagang maituturing ang pangalan ng isang nilalang, lalo na, magkagayon, sa isang lahi. Sa isang banda, ang pangalan ng ating bansa ay isang classic na pangalan, mabango ang tunog, malamig pakinggan sa tuwing mabibigkas. Kahit ang mga dayuhan, parang kinikiliti ang lalamunan, sa kanilang pagsambit ng “Philippines.”

Nalalapit na naman ang eleksyon. Dito sa ating bansa, ito ay panahon ng pagbabago (para sa ibang probinsya, ito lamang ang natatanging panahon kung saan may nagbabago). Kay tagal na ring inaasam nating magkaroon ng reporma sa lupa, sa kalusugan, sa pabahay, sa edukasyon – sa halos lahat na ng aspeto ng ating buhay. Marapatin nating simulan ang pagbabago sa mga simpleng paraan, gaya ng pangalan ng ating bansa. Kakambal nito ang dasal na harinawa, gumuho mula dito di lamang ang pag-asa, kundi ang tunay na reporma.

Subalit, kaya nga ba baguhin ng simpleng pagbabago ng pangalan ang kamalayan, kasanayan ng isang lahi? Lahi na kahit di pa man dumarating ang mga dayuhan, ay samu’t-sari nang tunay ang kultura’t pinanggalingang lahi? Maaaring hindi sa isang iglap, ngunit sa katagalan, sa paulit-ulit na pagsambit natin at pag-namnam sa magiging bagong pangalan natin bilang lahi, dito tatatak ang ating pagkatao, at magsisilbing gabay sa ating bawat kilos at galaw. Ating alamin ang mga maaaring maging bagong pangalan ng ating bagong bansa mula sa mga simbolong dati nang kumakatawan sa ating lahi.

Yamangpulo
Naghahayag ng ating kayamanang likas. Mga diyamante, bakal, langis, at sa modernong panahon, yaman sa lakas manggagawa, kung saan ang mundo ay nakikinabang, at lalong-lalo na sa ating ambag sa siyensya at teknolohiya.

Sa paggamit natin ng pangalang ito, nawa’y ang mga ginto na pagmamay-ari ng lahat, ay maibalik sa Pilipino, mula sa mga dayuhang nagmana ng yamang ito mula sa mga mananakop na siyang nagpamana sa kanila ng pag-aari ng lahat ng mamamayan. Malaking responsibilidad at kaatang ng pangalang ito.

Lupa-Lapu
Hango sa Lapu-lapu, na siyang naka-gapi kay Magellan, o kay dami nang kuwentong kalokohang umikot sa kantahan ng mga bata, at kuwentuhan ng mga barkada. Malakas, matalino, may paninindigan. Katangiang pinapangarap ng isang Pilipino mula sa mga lider niya. Isang isdang mamahalin, kulay takip-silim, at bigating isda.

Huwag lamang bibigkasin ng paka-bilis at mapipilipit ang dila at masyadong maharot ang maglalarong kataga sa isipan.

Hiranglahi
Mula sa Lupang Hinirang, ang ating pambansang awit. Ito ang may pinakamainam na tunog, at nakagigising ng damdaming makabayan na tunay. Ito ang pangalang naghahayag ng pangako, katapatan, at pangarap natin sa ating mga kababayan at sa ating bansa.

Yaman din lamang na hitik ang ating bayan sa manganganta, mananayaw, at iba’t-ibang klaseng mga nilalang na nais makapagpasaya ng tao sa pamamagitan ng paghayag ng kanilang saloobin sa pagkanta, pagpinta, pagsulat, at paggawa ng musika.

Dito sa pangalang ito, maipaparating natin ang yaman ng ating kultura.

Maharlika
May hawig sa “mahal kita,” ito ay galing sa “Ako ay Pilipino” na kinanta ni Kuh Ledesma, na nagsaaad na “Ang dugo’y maharlika.” Ang mismong salita ay nagsasabi na tayo ay galing sa lahi ng mga hari at reyna. Lahing marangal.

Rizalinas
Ang ating pambansang bayani. Pati ang mga Aleman at Espanyol at ipinagtirik siya ng monumento. Siya ay isang nararapat kumatawan sa ating bansa, sa bawat Pilipino. Ngunit sa dami ng lugar sa Pilipinas na nakapangalan na sa kanya, maaaring magdulot ng kalituhan.

Paglaruan natin ang pangalan at subukang kumuha ng anagram mula rito.
• Alzir – tunog Muslim, pero sa ating populasyon ay marami namang Muslim. Heto ay kung papayag ang mga Kristiyano.
• Serzaijol, Rezsoijal, atbp. – mainam bilang gnom de plume, o password sa mga internet account, marahil tattoo na rin, ngunit kakaiba masyado at kakatuwa na rin.

Mga personalidad
Humapyaw na lang din tayo kay Rizal, isama na rin natin ang mga kilalang mga taong instrumento ng pagbabago sa kanilang napiling landasin.
• Vilmasanti – May kabanalan ang dating, dahil ang “Santos” ay ginawang “santi,” siya nga naman dahil malakas ang Kristiyanismo bilang relihiyon sa ating bansa magpasa-hanggang ngayon.
• Norgay – galing sa palayaw ni Nora Aunor na “Ate Gay.” Bigkas rito ay gaya nang sa Norway. Maipagbibigay-alam natin sa mundo, na bagamat tayo ay may kakulangan sa pang-unawa, hindi naman tayo marahas na tumutuligsa sa mga bakla.

Luzviminda
Ang tatlong pinakamalaking pagkaka-bahagi ng mga pulo sa atin. Maaari ding personalidad, wala pa nga lamang gaanong sikat na Luzviminda ang pangalan.

Mahalta
Ito ang isa sa mga mas may mainam na tunog ng “mahal kita” na nabanggit na sa itaas. Katunog ng “Malta” na isa ring bansa. Maaari din maging “Mahalkata” upang maiba na nang tuluyan sa “Malta” at di maging sanhi ng kalituhan. Mahal ng bawat Pilipino ang lahat ng nakakasalamuha niya. Alam ito ng mga dayuhan.

Ang “Mahalkita” ay masyadong simple, at tila yung brand name ng lollipop sa patalastas ni Judy Anne Santos na may gatas.

Adobo
Sa hilig nating kumain at tutal nadiskubre naman na ng mga Amerikano ang linamnam ng putaheng Pilipino, maganda rin itong gamitin upang magpahayag ng ating hangad ng kapayapaan. Dahil sino ba ang tatanggi sa pagkain, kahit magkaaway siguro, maaaring magsalo sa pagkain, basta’t may cyanide testing chemical kit lamang para iwas lasunan at sabotahehan. Rito, babaguhin natin ang mundo, isang plato kada tao.

Lahat ng Pilipino ay nag-aasam ng buhay na may dangal. Marami pa tayong laban na pagdadaanan, nariyan ang makabagong pag-aalipin sa atin sa pamamagitan ng buwis. Dito’y wala ngang latigo, ngunit puwersado tayo na pasanin ang paggawa ng mga istruktura at proyekto ng gobyerno, at ito’y ihinain sa atin bilang ulam-pagpag. Kakainin sapagkat wala nang pagpipilian. At sa atin mang pagtanggi, ay paparatangan tayong walang pakisama, at walang pakialam sa kapwa. Ngunit ang daan upang madama ang kaunting ginhawa ay nagpasikut-sikot, at kay dami nang naligaw. Ang bigas, napakataas ng halaga. Ang gasolina, bumalik na sa dati ang presyo, sa loob lamang ng tatlong buwan.

Kay hirap isipin kung kaninong kamalayan ba ang dapat magising sa pagbabago ng pangalan ng Pilipinas – sa mamamayan ba, o sa mamumuno. Pareho, nararapat. Ang rosas, tawagin man ng kung anong pangalan, ay sa kaloob-looban, rosas manding mananatili, wika nga ni Shakespeare. Ang Pilipinas, magbago man ng pangalan o hindi, ay parehong mga tao pa rin ang taglay. Kaisipang progresibo, na nakatuon sa pag-unlad ng lahat, ang tanging daan sa pagbabago.

Photo: from  flickr.com, some rights reserved

Jose Francisco Cruz (38 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>