mamboboso

Ano ang dapat gawin kapag may manghihipo o mamboboso?

Written by

Friday, 24 April 2015 - Last Updated on April 27, 2015
mamboboso

mambobosoNaaalala ko pa nung nasa hayskul ako, sumakay kami ng bus ng aking mga kaklase papunta sa mall. Maraming nakasakay sa bus kaya nagkahiwalay-hiwalay kaming magkakaklase ng upuan. Umupo ako sa tabi ng isang lalaki na nakasumbrero. Noong una akala ko tulog siya kaya pala nagtutulug-tulugan lamang upang makagawa ng hindi kanais-nais sa kanyang kapwa.

Hindi pa masyadong nakakalayo ang bus, nagulat nalang ako ng maramdaman ko ang ulo niya sa aking balikat. Akala ko tulog yung katabi kung lalaki at hindi sinasadyang mapasandal sa akin. Dahan-dahan kung tinanggal ang ulo niya sa balikat ko at sinandal sa upuan. Ngunit wala pang ilang segundo, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking binti. Nang lumingon ako sa kanya, laking gulat ko na hindi pala siya tulog. Gising na gising siya at nakangisi na parang lasing. Malagkit ang tingin sa akin. Natakot ako kaya wala akong nasabi. Hinampas ko ang kanyang kamay palayo sa binti ko at agad akong tumayo papunta sa isa kung kaklase. Tumayo na lamang ako sa tapat ng aking kaklase dahil may ibang nakaupo sa tabihan niya. Tinanong niya ako kung anong nangyari pero hindi ako makapagsalita.

Nang bumaba kaming magkakaklase mula sa bus, doon na lamang ako umiyak. Nanginginig ako sa takot habang kinukwento ko sa mga kaklase ko ang nangyari.

Yun ang kauna-unahang karanasan ko na mabastos ng isang lalaki. Mabuti nalang at hindi niya ako tuluyang nahipuan. Wala akong nasabi o nagawa nung panahon na iyon dahil wala pa akong kaalam-alam sa mundo. Dahil sa pangyayari na yun, nabuksan ang aking mga mata sa realidad. Hindi pala lahat ng tao ay may mabuting asal. Mayroong mapagsamantala at hindi mapagkakatiwalaan.

Ano nga ba ang dapat gawin kapag may manghihipo o mamboboso? Ang mga sumusunod ay mga paalala at rekomendasyon.

  • Huwag tumahimik at mag patay-malisya. May mga manghihipo at mamboboso na lalong ginaganahan kapag sila ay nakalusot sa unang pagkakataon.
  • Kapag may napansin o naramdaman na pambabastos, sabihan ang taong iyon na ihinto niya ang ginagawa niya. Siguraduhin na malakas at malinaw ang iyong boses.
  • Mag-ingay upang malaman ng mga taong nasa paligid na ikaw ay binabastos. Maaaring matakot o mahiya ang nambabastos sa iyo at lumayo. Paraan din ito upang tumigil siya sa ginagawa niya.
  • Huwang mahiyang gumawa ng eksena upang makuha ang atensyon ng ibang tao. Ito ay isang paraan upang matakot ang nais gumawa sa iyo ng hindi mabuti.
  • Kapag meron kang naramdaman na humipo sa iyo, sumigaw. Ituro ang salarin sa mga taong kalapit mo. Isumbong ito sa autoridad kung maaari upang matuto ng leksyon.
  • Kapag may napansin na namboboso, sumigaw ng saklolo upang malaman ng mga kasama mo sa bahay o mga kapitbahay na mayroong naninilip. Maaaring makatulong ang pagsigaw mo na mahuli ang mamboboso. Kung ikaw ay nasa banyo, takpan ang sarili ng tuwalya o magbihis ng madalian at lumabas. Sabihin sa mga kasama sa bahay ang nangyari at ilarawan kung may mga palatandaan na maaaring makapagturo sa taong nanilip sa iyo. I-“report” ito sa baranggay upang maimbestigahan ang nangyari at hindi na ito maulit.
  • Upang maiwasan na mabosohan muli, lagyan ng harang o takip ang lugar kung saan nakita ang naninilip. Takpan ang mga butas na maaaring gamitin sa paninilip.
  • Makakatulong na maglagay ng CCTV sa lugar na iyon upang makunan ang mamboboso kung sakaling bumalik ito. Makakatulong din ito na protektahan ang mga miyembro ng pamilya mula sa mga taong mapagsamantala.
  • Lumaban kapag hindi natinag ang salarin sa iyong sigaw o pinigilan ka na makaalis. Maaaring hampasin ang taong iyon ng kung anumang gamit na hawak mo tulad ng bag, libro, payong, at iba pa. Kung wala kang ibang hawak na gamit, pwede din gamitin ang sapatos na pamalo. Tumakbo palayo kapag nakakuha ng pagkakataon. Ipagpaalam sa baranggay o pulis ang nangyari. Ipagtanggol ang sarili sa mapagsamantalang tao lalo na kung ginagamitan ka ng dahas. Maaaring lumaban sa pamamagitan ng pagtulak, pagsipa, pagkagat, pagkalmot, o pagsabunot sa buhok. Gawing mahirap sa taong iyon na ipagpatuloy ang kanyang masamang gawain. Mag-ingat dahil maaaring may dalang patalim o armas ang salarin.

Pagkakaroon ng trauma

Kapag nakaranas ng pamboboso, panghihipo o iba pang paraan ng pambabastos, huwag ito ikimkim sa sarili. Ipagtapat ang pangyayari sa isang mapagkakatiwalaan na tao.

Ang ganitong karanasan ay maaaring magdulot ng emosyonal at “psychological trauma” sa isang tao. Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga sintomas ng “trauma”.

  • “Shock”
  • “Anxiety”
  • Takot
  • Galit
  • Matinding lungkot
  • Pagiging iritable
  • Pabago-bagong ng ugali
  • Pagiging sumpungin
  • Paninisi sa sarili/pagkalito
  • Paglayo sa ibang tao
  • Hirap sa pagtulog sa gabi
  • Pagiging balisa at matatakutin
  • Pagkakaroon ng tensyon

Ang mga palatandaan at sintomas ng “trauma” ay maaaring maranasan ng ilang araw mula sa pangyayari. Ngunit maaaring tumagal ito ng ilang buwan hanggang sa unti-unting mapawi ang mapait na mga alaala at emosyon. Ang paghilom ay depende sa tao. Ipinapayo ng mga eksperto na humingi ng propesyonal na tulong kapag ang “trauma” ay hindi nagbabago sa paglipas ng panahon o mas tumindi.

Paano iwasan maging biktima

Huwag baliwalain ang “instinct”. Kapag naramdaman na ikaw ay nilalagay sa isang sitwasyon na nakakailang o hindi ka kumportable, ilayo ang sarili. Mas mabuting umiwas habang maaga.

Iwasan ang sobrang matataong lugar. Kung hindi ka naman nagmamadali, huwag na lamang sumakay sa bus na tayuan. Gayundin ang LRT o MRT na sobrang siksikan. Kung hindi mo ito maiwasan, maging mapamatyag. Kapag may lalaki na pilit dumidikit sa iyo, mas makakabuting lumayo ka hangang maaari. Kapag pinagpilitan ng lalaki na lumapit sa iyo kahit may natitirang espasyo na mas malapit sa kanya, mag-ingat at baka may masama itong balak sa iyo. Takman ng bag o ibang gamit ang maseselang bahagi ng katawan upang maiwasan na mahipuan.

Magsuot ng damit na naaayon. Iwasan magsuot ng pantaas na masyadong mababa ang “neckline” o sobrang iksi na palda o shorts. Tandaan na may mga lalaking madaling matukso kapag nakakakita ng “cleavage” o binti ng babae. Magsuot ng damit na hindi nakakatawag ng pansin para malayo sa hindi kanais-nais na sitwasyon.

 

Photo by author. Some rights reserved.
—————————–
Rachel Yapchiongco, also known as Rach to her friends, is a Psychology and Marketing Management graduate of De La Salle University. Rachel is a chocolate lover, full-time mom to a charming young boy and married to an entrepreneur who has a passion for cooking. She shares parenting experiences and slices of everyday life on her personal blog called Heart of Rachel.

Ma. Rachel Yapchiongco (389 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>