fil students

4Peace: Kabataang may patnubay ng pamilya, pangulo, at pamayanan

Written by

Saturday, 21 May 2016 - Last Updated on May 21, 2016
fil students

fil students

Ngayon, ipinagmalaki natin sa mundo na ang Pilipino ay nais ng pagbabago. Nais natin ng mamumunong tatayong Itay at Inay na tinutugunan ang pangangailangan ng mga anak niya sa disiplina, at di lamang sa kuwalta. Sa mandato ng tao, makikita natin ang halaga ng gabay sa esprit de corps ng Pilipino. Na kung saan, ang kanilang pangulo ay literal na kaya silang puntahan sa bahay at tampal-tampalin kung sila ay hi-hithit ng ipinagbabawal na gamot. May malasakit at ihahatid sila sa kanto, upang makasakay nang mabilis, at makabiyahe na may dangal. Sa ganitong paraan, makarating sa paaralan o opisina na handang-handang higitan ang dating marka o quota, upang mas lalong lumaki ang kita. Tunay na maging kasiya-siya ang buhay nila. Ito po, ang demokrasya.

Lamang, nakaka-bahala na ang mga naghanap ng pagbabago, ay sinubukan din ilagay sa puwesto ang angkan na sanhi ng malawakang kurapsyon at pagyurak sa karapatang pantao noong Martial Law. Ang tangi lamang nilang argumento ay di mamanahin ng anak ang kasalanan ng ama. Malinaw naman na ang anak ay walang bahid ng pagsisisi sa karahasan at pandarambong na ginawa ng ama. Ang mga namatay ay itinago sa mga kathang kuwentong ‘maunlad na ekonomiya,’ ngunit masdan ang kasalukuyang pamamahala nila, pagkat wala namang maipagma-malaking mahusay na ginhawa sa nasasakupan.

Ang katangian ng mga taga-Norte pagdating sa pagtingin sa pinuno ay halintulad sa mga mamamayan ng North Korea – blanko ang mga mata, parang pastulang baka na walang muwang sa patutunguhan nila.

Paano humantong sa ganito?

Ang kahirapan ang sanhi ng kawalan ng interes sa pagkatuto. Ang bunga nito’y kawalan ng pakialam na magkaroon ng isang opinyon na tunay na pinag-isipan ang lahat ng aspeto ng isang paksa. Ito ang puno’t-dulo ng panganib na naka-amba ngayon, tahimik na tangkang binubuksan ang pinto gamit ang susing kinupit.

Ang kahirapan na tanging argumento ay ang kamangmangan ay kapantay ng ka-alaman, dahil ito ay garantiya ng demokrasya, ay siya nga namang nakawi-wiling argumento ng mga tamad.

Ang kahirapan na nagwasak ng institusyon ng pamilya – higit pa sa pangangalunya, higit pa sa diborsyo – na ninakaw ang panahon ng magulang sa anak, nagtulak sa gurong inang mag-katulong (Aviv, R., The Cost of Caring, The New Yorker, 11 April 2016), at sa padre de pamilya na magwelding sa Saudi Arabia – ang siyang tumayong magulang, barkada, tropa, sa mga binatilyo at dalagang may dating kung manamit, at maraming baong pera ngunit pagala-gala sa kalsada. Mga maki-kinang na taong-grasa.

Kahirapan na karamay sa kalungkutan, kahirapan na inagaw ang apoy ng mandirigma sa kanilang mga mata. Ang tanging natitira na lamang ay kawalang-bahala, pagsunod sa uso, at gamit ang makabagong telepono, pagkuha ng litrato pang-yabang sa madla.

Saan na napunta ang respeto sa sarili, muna, at ikalawa, bunga ng una, at mas mahalaga, ang sa kapwa?

Ang mga munting pangyayari sa buhay natin ay ipinapakita ang mas malaking katotohanan. Ang mga pang-araw-araw na nangyayari sa atin ay indikasyon ng mas malaking katotohanan, opinyon ng mga anthropologists na pinagta-tagni-tagni ang mga kaganapan noong panahon ni Hitler at holocaust (Ochs, Elinor and Capps, Lisa, 1996). Ang mga maliliit na kuwento ng pang-araw-araw na buhay natin ay siya mismong kabuuan ng katotohanan.

Ang pagbabasa ay naging puwersahang kaalamang dapat matutunan. Asan ang kaligayahan dulot ng pagbabasa? Nahan ang Pugad Baboy ng ating kamalayan? Ninakaw na rin sa atin, tila. Marunong magbasa ang dukhang kabataan, at karamihan ng mga bata sa ating bayan, ngunit ang paggamit ng mga datos at aral na minemorya upang buuin ang kasanayan, ang pagkakilala sa sarili, at ng kanilang prinsipyo, mithiin, at lugar sa pamayanan, ay sadyang kulang, sadyang wala, diyata.

Ang pagpapahalaga ay sa pampalipas oras, at pagkatakot sa mga sandaling hindi nakikiliti ang namanhid na pakiramdam ng mga batang inip na inip. Subalit halos di mapilit magligpit ng pinaghigaan. Ang pagka-gumon sa paglilibang ang nagdikta sa kanilang landas tungo sa kawalang muwang sa lipunan. At sa sandaling hindi na nakikiliti sa mga makabagong laro, litrato, at palabas ang kanilang isipan, saan na sila pupunta?

 Wala kasi ang magulang, nangibang-bayan. Hindi nga naman mabubuhay ang anak sa disiplina lamang. Kalahati ito, at kasing halaga, ay ang sustento.

 Ganito sa pamilya, ganito sa pamayanan, ganito sa pamahalaan.

 Ngunit alin ang mahirap, magpadala ng sustento, o magpalaki nang tama?

Huwag mawalan ng pag-asa.

Ang magulang na Overseas Filipino Worker, sa pagkakaroon ng mga taong magpagkakatiwalaan at susuporta, magiging maayos din ang pagpapalaki sa anak. Nariyan ang kamag-anak, simbahan, paaralan – kung saan magkakaroon ng mabuting kaibigan, guro, at magulang ang mga bata (Parenas, R.S, quoted by Taylor, A.R., Parenting in Filipino Transnational Families, UNF Digital Commons, 1998).

Sa pagkawala ng gabay, dahil sa kahirapan, dahil ang mga magulang ay itinaya ang kaligtasan sa dayuhang lugar, papaano na ang mga bata? Saan sila pupulutin kapag sila’y nasa wastong gulang na, at marunong sumulat at magbasa, ngunit ang sarili ay di kilala? Papaano mapapanatili ang pag-unlad ng ekonomiya, na kahit ang mga may mataas na pinag-aralan ay napapa-nganga?

Mag-umpisa muna tayo sa mali-liit na bagay. Bilang mga kaibigan, kapatid, at kasama sa simbahan at mga institusyon, bigyan natin ng panahon na turuan nang tama ang mga bata. Wala ang kanilang magulang, kaya ang obligasyon ngayon ay sa atin. Sa ating malasakit sa anak ng iba, ang balik nito ay sa ating mga anak rin, sapagkat ang mga batang kilala ang sarili at lugar sa lipunan ay kailanman hindi maaaring gamitin ng kung sino man.

Lalo na sa mga maitim na balak na wasaking tuluyan ang kinabukasan ng bansa, para lamang sa kapritso.

Di kailangan ng puso para kumita at gumasta ng kuwalta. Pero lubhang may malaking puso ang gumagamit ng kuwalta sa pagkatuto ng mga bata sa kanilang sarili, sa wastong edukasyon, at sa lugar nila sa lipunan, sa wastong pakikipag-kapwa tao, na unang ipinapakita ng mga nakata-tanda sa kanila.

Nais ninyo ng pagbabago?

Maging magulang muna, sa lahat ng bata.  

 

Photo credits:  thepoc.net

Jose Francisco Cruz (38 Posts)


Write a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>